Kung magtitingin kayo sa mga tindahan, dumarami na rin ang mga makeup na para sa mga bata. Sino nga namang batang babae ang hindi gugustuhin na gumamit ng makeup at gayahin ang kanilang ate, o ang kanilang mommy. Ngunit sinong mag-aakala na ang pambatang makeup ay posibleng makasama sa mga bata?
Isang tatlong taong gulang na batang babae mula sa Illinois ang nabiktima ng pambatang makeup na ito. Dahil matapos niyang gumamit ng makeup, ay nagkaroon siya ng matinding allergic reaction! Hindi lubos akalain ng ina ng bata na ito ay magiging malaking medical emergency.
Alamin natin kung paano ito nangyari.
Ano ang panganib ng pambatang makeup?
Sa Facebook, ibinahagi ni Kylie Cravens, ang kuwento ng naging epekto ng pambatang makeup sa anak niyang si Lydia.
Sa post, sinabi niya na inakala niya na safe sa kaniyang anak ang makeup. Lalo na at sabi mismo sa label ng makeup na non-toxic daw ito. Nagulat na lamang siya nang makitang biglang nagkaroon ng allergic reaction si Lydia.
Sinabi niya na ang nabili nilang makeup ay mayroong 6 na masasamang sangkap na nagdulot ng allergic reaction. Sa kasamaang palad, allergic pala dito ang kaniyang anak.
“Namaga ang kaniyang mga mata, at hindi niya mabuksan…nag-aapoy ang balat niya”
Sabi ni Kylie na sobrang tindi ng naging epekto ng makeup sa kaniyang anak na kinailangan agad itong dalhin sa ospital. Bukod dito, oras oras daw siyang nilalagyan ng ice pack dahil sa sobrang init na pakiramdam ng kaniyang balat.
Nahirapan din kumain si Lydia dahil hindi niya mabuksan ng maayos ang kaniyang bibig sa sobrang sakit.
Image courtesy: Facebook/TonyKylie Cravens
Ngunit may tiwala si Kylie na gagaling rinn ang kaniyang anak. Buti na lang madali nilang naagapan ang nangyari kay Lydia.
Dahil dito, gustong ipaalam ni Kylie sa ibang mga ina ang posibleng panganib na galing sa pambatang makeup. Bukod dito, pinag-iingat rin niya ang ibang mga magulang na baka bumili ng mismong brand ng makeup na naging dahilan ng allergic reaction ni Lydia.
7 Mapanganib na sangkap ng makeup
Heto ang ilang mga sangkap na hindi dapat makikita sa kahit anong uri ng makeup:
1. Lead
Ang lead ay isang uri ng heavy metal na nakalalason, at posible ring maging sanhi ng brain damage. Kadalasan itong makikita sa mga lipstick at face paint.
2. Arsenic
Ang arsenic ay isang uri ng lason na nagdudulot ng pagkahilo, pagsusuka, pagtatae dehydration, at shock. Kapag sumobra ang dami ng arsenic sa katawan, posible rin itong makamatay.
Image courtesy: Pixabay
3. Cadmium
Madalas itong nakikita sa mga face paint at nagiging sanhi ng pinsala sa kidney at sa baga.
4. Parabens
Ang parabens ay nakakaapekto sa reproductive system, at nakakasira ng mga hormones. Ito rin ay puwedeng maging sanhi ng pagkabaog, development problems, at mga problema sa immune system.
5. Talc
Ang talc ay isang uri ng mineral na ginagamit sa pulbo at sa mga makeup. Ngunit ito rin ay isang carcinogen at posibleng maging sanhi ng cancer.
6. Fragrance
Ang mga fragrance o pabango na nilalagay sa mga makeup ay posible ring makasama sa iyo. May ibang fragrance ang mayroong acetaldehyde, benzophenone, styrene, dichloromethane, at titanium dioxide na mga carcinogens.
Bukod dito, puwede ring magkaroon ng skin irritation at pinsala sa atay, lungs, at kidneys.
7. Silica
Ang silica ay ginagamit upang hindi mabasa ang mga makeup. Ngunit hindi ito mabuti sa lungs, at posibleng magkaroon ng masamang epekto sa atay, at respiratory system.
Sources: Facebook, Dr Sears, CDC
Isinalin sa Filipino ni Alwyn Batara
https://sg.theasianparent.com/dangers-of-makeup-ingredients
Basahin: Mom going blind after using old makeup
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!