Papa Jesus, ayan ang kausap daw ng isang anim na taong gulang na bata sa kaniyang messenger account. Nakakaaliw man ang mga voice message at video message ng bata kay ‘Papa Jesus’, may ilang parents pa rin ang nabahala.
‘Papa Jesus’ kinakausap ng 6-year-old na bata sa cellphone!
Isang nakakaaliw na balita ang ibinahagi ng GMA Integrated Newsfeed. Kung saan ay natuklasan umano ng isang 35-years-old mommy na si Denie Diaz na may kinakausap na ‘Papa Jesus’ ang kaniyang anak.
Kwento ni mommy Denise, nang tingnan niya ang history ng Messenger account ng batang si Pupuy ay nakita niya rito na may kausap nga itong account na ang pangalan ay ‘Papa Jesus’.
Ibinahagi ni mommy Denise sa GMA Integrated News ang ilang mensahe ni Pupuy, na kadalasan ay voice message at videos.
Maririnig sa voice messages ang masayang pagkausap ni Pupuy sa ‘Papa Jesus’. Aniya sa isang voice message, “Kumusta ka naman sa langit, Papa Jesus?”
“Masaya ka ba sa langit?” tanong pa nito.
May mga pagkakataon pa na sinubukang tawagan ng bata ang account.
Paliwanag ni mommy Denise, kapatid niya ang nagsabi sa kaniya na i-check niya ang Messenger ng kaniyang anak. Dahil nga napansin nito ang conversation ng bata sa isang account na nangngangalang ‘Papa Jesus.’
Mas dumalas din daw ang pagtatanong ni Pupuy sa kaniyang ina tungkol sa Diyos nang maagang pumanaw ang anim na buwang gulang na pinsan nito.
May pagkakataon daw na tinatanong ni Pupuy kung ang pinsan niya ban a ito at ang kaniyang lolo ay kasama na ni Papa Jesus. At nais niya umano itong kumustahin.
Ilang magulang nabahala
Ikinatuwa naman ng ibang netizens ang ginawang ito ni Pupuy.
Saad ng isang mommy, “Naririnig ka ni papa Jesus, Pupuy️. Manatili ka lang mabait na bata. Anjan lagi si papa Jesus. Mahal ni papa Jesus ang mga batang mabait. [God Bless You!]”
Samantala, marami man ang natuwa ay may ilang magulang pa rin na nabahala naman sa kwento na ito. Dahil maaari daw kasing magdulot ito ng kapahamakan sa bata.
Saad ng ilang netizens,
“Nagmemessenger din pala si papa Jesus. Hahaha nakakatuwa. Malay mo naman hightech din sa langit. Hehe pero mag-ingat pa rin kayo tandaan ninyo tao yang kausap ng bata baka mapahamak pa yan.”
“Sign yan para patigilin mo sa cellphone ang anak mo at mga social accounts”
“Pagbawalan ninyo rin makipag usap sa messenger na hindi naman niya kilala hindi mo alam makidnap pa yung bata o takutin pa ang bata o kaya padalhan yan ng sex o bold video o ma cyberbullying pa yan sa messenger. Mga parents pakibantayan ang mga bata inosente pa mga yan.”
Nilinaw rin naman umano ni mommy Denise sa kaniyang anak na ang mga nakikita sa Facebook na akala ng bata na si Jesus ay ginagaya lamang ito.
“Sabi ko wala pang nakakita kay Papa Jesus pero ‘yung mga nakita natin sa Facebook o kaya ‘yung mga ginagaya sa mga makeup is parang ‘yun lang ang description sa kaniya,” aniya.
Kailan ba dapat na ituro sa bata ang relihiyon at espiritwalidad?
Ang pagtuturo sa mga bata tungkol sa relihiyon at espiritualidad ay isang mahalagang aspeto ng kanilang pag-unlad, ngunit kailan nga ba ang tamang panahon para simulan ito?
Ayon sa mga eksperto, ang pinakamahusay na panahon para simulan ang pagtuturo ng relihiyon at espiritualidad sa mga bata ay habang sila ay bata pa, karaniwang sa edad na 3 hanggang 5 taon. Sa edad na ito, ang mga bata ay nagsisimula nang magtanong tungkol sa mundo sa kanilang paligid at nagiging mas bukas sa mga konsepto ng pananampalataya, pagmamahal, at kabutihan.
Sa ganitong edad, ang mga magulang ay maaaring magpakilala ng mga simpleng konsepto sa pamamagitan ng mga kuwento, awit, at simpleng panalangin. Mahalaga ring maging ehemplo ang mga magulang sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabutihan, pasasalamat, at pagmamalasakit sa kapwa. Sa ganitong paraan, matututo ang mga bata na magpahalaga hindi lamang sa kanilang relihiyon kundi pati na rin sa espiritualidad na nagtuturo ng paggalang at pagmamahal sa lahat.
Gayunpaman, mahalaga ring tandaan na ang bawat bata ay natututo sa sariling bilis. Kaya’t maging bukas sa kanilang mga tanong at pag-usapan ito nang may pagpapahalaga sa kanilang pananaw at kakayahan. Ang mahalaga ay maipakita natin sa kanila ang halaga ng pananampalataya at espiritualidad bilang gabay sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Sa huli, ang tamang panahon ay nagmumula sa maingat na pagtingin sa kanilang pag-unlad at sa pagiging bukas ng kanilang isipan at puso sa mga aral na ituturo mo.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!