Good news sa mga mommies na maaga matulog at gumising! Ayon sa isang pag-aaral, nakakatulong daw sa fertility ang paggising ng maaga. Ito ay inihayag sa isang conference ng British Fertility Society, na naglalayong alamin ang mga iba’t-ibang paraan para mabuntis.
Sabi ng mga researchers mula sa University of Warwick, mas mataas raw ang posibilidad na mabuntis ng mga babaeng natutulog at gumigising ng maaga.
Isang simpleng paraan para mabuntis ang pagtulog at paggising ng maaga
Isinagawa nila ang pag-aaral sa mahigit 100 babae na gustong magkaanak, at sumasailalim sa IVF o in-vitro fertilization. Inalam rin ng mga researcher ang naging sleeping habits ng mga ina, at natagpuan nila na mas nagiging matagumpay ang IVF para sa mga inang maagang matulog at gumising.
75% ang naging success rate ng IVF para sa mga inang hindi nagpupuyat, at nasa 33% lamang para sa mga nagpupuyat.
Ayon sa mga researcher, posible daw itong konektado sa kalusugan ng mga ina. Ito ay dahil ang mga babaeng natutulog at gumigising ng maaga ay kadalasang mas maalaga raw sa kanilang kalusugan. Mas mababa raw ang posibilidad na sila ay naninigarilyo, umiinom, overweight, o kaya may diabetes at cardiovascular disease.
Malaking bahagi ng fertility ang kalusugan ng isang ina, at kapag mas healthy ang isang ina, mas madali rin siyang mabuntis.
Ngunit ayon sa leader ng pag-aaral, kinakailangan pa nilang gumawa ng karagdagang research. Ito ay para mapatunayan ang koneksyon ng pagpupuyat at fertility.
Mahalaga ang kalusugan pagdating sa fertility
Pagdating sa usapin ng fertility, isa sa pangunahing konsiderasyon ay ang kalusugan. Maraming mga nauusong “fertility diet” para sa mga inang gustong magkaanak na puwedeng makatulong pagdating sa pagpapalakas ng katawan ng mga ina.
Heto pa ang ilang tips na dapat tandaan upang maging mas fertile:
- Kumain ng tama, at umiwas sa mga pagkaing masyadong matataba.
- Umiwas sa paninigarilyo at pag-inom ng alak.
- Magpatingin sa iyong gynecologist upang malaman kung mayroon ka bang mga problems sa fertility.
- Mag-ehersisyo, pero wag masyadong magpakapagod.
- Umiwas sa stress, at siguraduhing mayroon kang sapat na pahinga.
- Matulog ng maaga, at huwag masyadong magpuyat.
Source: Good To Know
Basahin: Signs ng infertility sa babae