Paano malalaman kung baog ang babae? Ito ang dapat malaman!
Alam natin na may mga nahihirapan talagang magbuntis, o bumuo man lang. Ayon sa The Mayo Clinic, 10-15% ng mag-asawa o magka-partner sa US ay infertile.
Sa Pilipinas, 1 sa bawat 10 mag-asawa o magka-partner ay may problema sa infertility o baog in english. Ayon naman sa isang survey na ginawa ng pharmaceutical group na Merck Serono at Synovate sa 100 pamilya (Inquirer.net).
title="Mga fertility treatments
">Mga fertility treatments
Ano ang “infertility”?
Maraming factors ang nagiging sanhi ng infertility sa babae. Bagamat mahirap itong malaman, ayon sa mga pagsusuri ng The Mayo Clinic.
Mayroon ding mga treatment para dito, depende sa sanhi ng pagkabaog, at mayron ding mga mag-asawa na nakakapagbuntis pa rin ng walang treatment, sa kabila ng naunang diagnosis na mayro’n silang infertility problem.
Sa mga babae, may ilang factors o dahilan o sanhi ng hindi pagbubuntis, o pagkakaroon ng problema sa pagbubuntis. Kadalasan ay may kinalaman ito sa ibang kondisyon o problema sa kalusugan ng babae.
Malalamang baog ang isang babae kung makikita ang isa o higit pang karaniwang sintomas sa listahan sa ibaba.
Kung nagsusubok na magbuntis at higit sa isang taon na ay wala pa ring positibong resulta, at mayroong kang isa o higit pang sintomas sa listahang ito, dapat nang kumonsulta sa iyong OB GYN o sa isang fertility specialist para matugunan ang anumang problemang pangkalusugan at makatulong sa matagumpay na pagbubuntis.
Paano malalaman kung baog ang babae? 5 signs na baog ang babae
1. Irregular ang buwanang dalaw o regla
Ang normal na menstrual cycle ay 28 na araw ang pagitan. Mayrong nagkakaroon sa loob ng 33 araw, ang iba ay 31 araw, at mayroon ding nagkakaropn pagkatapos pa ng 35 araw.
Lahat ito ay normal, basta’t ganito palagi ang iyong buwanang dalaw, ayon sa medical journal ng Center of Reproductive Medicine-TX, USA.
Pero kung paiba-iba ang cycle, at hindi na ito alam kung kailan talaga dadating, hudyat ito ng hormonal imbalance, o maaaring polycystic ovarian syndrome (PCOS). Ito ay senyales ng pagkabaog o infertility.
Ang PCOS ay isang karaniwang problema sa kalusugan ng mga babae, na sanhi ng imbalance sa reproductive hormones.
May problema kasi sa obaryo, kaya may hadlang sa pagbuo o conception. Dahil sa imbalance na ito, hindi normal ang menstrual cycle ng babae, at apektado dito ang paglabas ng itlog papunta sa fallopian tube.
Kapag may PCOS, nagiging irregular ang regla ng babae na nagiging sanhi ng pagkabaog, pati na pagkakaro’n ng cysts sa obaryo.
Ilan pang pisikal na sintomas ng PCOS ay pagkakaro’n ng maraming buhok (sa katawan) pero manipis na buhok sa ulo, maraming pimples, bumibigat ang timbang, nangingitim ang balat sa ilang bahagi ng katawan, pagkakaro’n ng skin tags o kuntil, dahil sa mataas na lebel ng androgens at insulin.
2. Masakit ang katawan kapag malakas ang regla
Ito ang uri ng menstrual cramp na halos hindi na makatayo sa sakit ang babae, at nangyayari sa tuwing may buwanang dalaw. Ito ay maaaring sintomas ng endometriosis, at nakakahadlang sa pagbubuntis.
3. Pagkasira ng fallopian tube
May mga nagkakaproblema dahil sa fallopian tube—namamaga, barado, o may damage o scarring na nagiging sanhi ng pagkabaog.
Isang sanhi ng damage sa tubong ito ay ang endometriosis. Ito ay nangyayari kapag ang tissue na karaniwang nasa uterus ay lumalabas sa ibang bahagi ng katawan.
Kapag nangyari ito, o kapag sinubukang alisin ito sa pamamagitan ng surgery, magkakaro’n ng pagkasugat at scarring, na makakabara sa fallopian tube—at hahadlang sa pagtatagpo ng egg at sperm, o sa pagkapit ng egg sa uterine wall. Sinasabing ang endometriosis din ay nakakasira sa mismong itlog at sperm.
Maaaring dahil din ito sa sexually transmitted disease, pelvic inflammatory disease, o nakaraaang surgery dahil sa ectopic pregnancy.
Ang sintomas nito ay: fatigue, lower back pain, malakas na mensturation at may spotting sa pagitan ng buwanang cycle, masakit na pag-ihi, masakit na pagdumi, matinding abdominal pain at pananakit kapag nakikipagtalik.
4. Hindi dinadatnan o hindi nagkakaroon ng buwanang menstruation
Karaniwan para sa ibang babae ang hindi dinadatnan minsan—isang buwan na nalaktawan, minsan ay huli ng ilang araw o isang linggo pa nga.
Minsan kasi dahil sa sobrang stress o mabigat na pag-eehersisyo, nangyayari ito. Pero kung hindi dinadatnan ng ilang buwan na, kailangan nang ikunsulta ito sa iyong OB GYN o espesyalista.
5. Edad at Premature Menopause
Sa panahon ngayon, maraming mga mag-asawa at mga babae na naghihintay nang mas matagal bago mag-desisyong magbuntis.
Minsan ay edad 30 na saka pa nag-aasawa o nag-aanak. Gusto daw kasi nilang maging mas handa sa responsibilidad na ito.
Bagamat mabuti at respetado ang paniniwalang ito, ang setback lang ay may tinatawag na ‘biological clock” ang mga babae, at hindi natin alam kung kailan ito biglang titigil.
Tandaan na habang nagkaka-edad ang babae, mas mahirap itong magbuntis. Ang kalidad at dami ng itlog ng babae ay nagsisimula ring bumaba habang nagkaka-edad.
Ang fertility peak ng babae ay nasa edad 20s, ayon na rin sa The Mayo Clinic at sa mga duktor ng Healthline Media. Nagsisimulang bumaba (nang mabilis) ang posibilidad sa edad na 35, at pagdating ng 40, mas mabilis ang pagbaba ng hanggang 5 porsiyento, habang ang produksiyon ng itlog ay unti-unti na ding nawawala.
Mayroong ding nagkakaro’n ng early menopause o pagkawala ng regla at pagkaubos ng ovarian follicles sa babae bago siya dumating sa edad na 40.
Ang mga sintomas ng premature menopause ay: sobrang lakas o sobrang hina ang regla, irregular periods, hot flashes o labis na mainit ang pakiramdam, vaginal dryness, sensitibo ang bladder kaya’t palaging naiihi, tuyo ang balat, mata o bibig, walang gana sa sex, hindi makatulog.
Paano malalaman kung baog ang babae? Iba pang posibleng senyales na baog o infertile ang babae:
Narito ang ilan pang posileng senyales na baog ang babae. Ito ay ang mga sumusunod:
- Abnormal na regla. Matinding pagdurugo o kaunting pagdurugo.
- Biglang hindi na nagkakaregla.
- Masakit na likod o puson kapag may regla.
- Biglaang pagkakaroon ng acne o iba pang discoloration sa balat.
- Pagbabago ng sex drive.
Larawan mula sa iStock
- Maitim na pagtubo ng buhok sa labi, dibdib, at baba.
- Pagkalagas ng buhok o pagnipis ng buhok.
- Pagdagdag ng timbang.
Ilan naman ito sa mga posible pang senyales na baog ang babae o infertile in english.
Mga fertility treatments
Dahil na rin sa teknolohiya at patuloy na pagsasaliksik ng mga eksperto, marami nang infertility treatment ang maaaring solusyon sa mga nabanggit na problema sa itaas. Kailangan lamang maging bukas at patuloy na ikunsulta ang mga problemang nararanasan, o anumang pangamba, sa mga espesyalista at OB GYN.
Ayon sa American Society for Reproductive Medicine, kung hirap na magbuntis ang isang mag-asawa o magka-partner pagkatapos ng isang taon ng unprotected sex, maaaring kumunsulta sa fertility specialist, lalo na kung ang babae ay may edad 35 pataas.
Hindi na imposible ngayon ang magbuntis kahit may endometriosis o PCOS ang babae. Nariyan ang IVF, artificial insemination, paggamit ng egg donor at surrogate, paggamot sa fallopian tube blockage, tubal ligation reversal, fertility medication, reproductive surgery, tube cannulation at iba pang fallopian tube procedures.
May mga gamot o medikasyon din para ma-induce ang ovulation. Ang surgery para sa PCOS na tinatawag na ovarian drilling ay bihirang ginagawa at para lamang sa kakaibang kaso.
Samantala, ang ilang IVF clinics ay nagtatakda ng age limit, at tinatangkilik lang ang mga babae hanggang edad 45, gamit ang sariling itlog. Ang iba ay tumatanggap ng hanggang edad 50, kung gagamit ng donor eggs at surrogate.
Makakatulong kung susubukang magbawas ng timbang ang babae, lalo na ang paglimita ng calorie intake at simple sugars, at pagkain ng mas maraming protina at fiber, at regular na pag-eehersisyo. Ang pagiging overweight ay nakakaapekto sa normal ovulation.
Larawan mula sa iStock
Kung may problema sa hormones, maaaring irekumenda ng doktor ang pag-inom ng birth control pills na may estrogen at progesterone, na nakakatulong sa pag-regulate ng hormones at menstrual cycle.
May mga pagkakataon na hindi nalalaman ang sanhi ng pagkabaog ng isang babae. Gayundin ang posibilidad na bigla na lang nagbubuntis pagkatapos ng ilang taon na hindi nagkakaanak. Gayunpaman, hind dapat iantala ang pagpapatingin kung nagsusupetsa ng infertility.
Kung nagpaplano ng pamilya o nakapagdesisyon nang magsimulang mag-anak, kailangang tingnan ang lifestyle at quality of health sa panahong ito. Iwasan na ang paninigarilyo pati secondhand smoking.
Sapagkat nakakasira ito ng kalidad ng cervix at fallopian tubes, at nagiging mataas ang panganib ng pagkalaglag at ectopic pregnancy.
Pinapatanda rin daw nito ang obaryo at nakakabawas ng malusog na itlog. Itigil ang paninigarilyo kung magsisimula ng fertility treatment.
Gayundin sa pag-inom ng alak. Walang masama sa social drinking o pag-inom ng alcohol kapag may okasyon lamang, basta’t huwag marami.
Higit sa lahat, iwasan ang “stress.” Kapag may psychological stress kasi ang mag-asawa, nakakaapekto ito sa kanilang pagbubuntis, pati sa infertility treatment. Magpahinga, at iwasan muna ang labis na pag-aalala sa mga bagay na hindi naman mabibigyan agad ng solusyon.
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!