Normal na sa mga bata ang naglalaro paminsan ng nakayapak. Kung tutuusin, wala namang masama dito. Ngunit minsan, mayroong mga pagkakataon na nagkakaroon ng parasitic infection ang mga bata, lalo na kung naglakad sila ng nakayapak sa maduduming lugar.
Ganito na nga ang nangyari sa isang 10-anyos na batang babae mula sa Brazil nang siya ay nagkaroon ng parasitic infection mula sa mga sand fleas.
Saan niya nakuha ang impeksyon?
Dinala raw ng mga magulang ang bata sa clinic dahil nakita nila na nagkaroon ng matinding impeksyon sa paa ang kanilang anak. Nang magsagawa ng pagtatanong ang mga doktor, napag-alaman nila na hinayaan palang maglakad ng mga magulang ang bata sa kulungan ng baboy nang nakayapak.
Suspetsa ng mga doktor, ito raw ay dahil sa parasite na kung tawagin ay “sand fleas.” Ang mga sand fleas raw na ito ay natatagpuan sa maduduming mga lugar, at bumabaon at kumakapit sa paa ng mga tao o hayop. Dito, binabaon nila ang mga kanilang mga itlog. Ito ang sanhi ng parasitic infection na kung tawagin ay Tungiasis.
Madalas raw itong nangyayari sa mga bansa sa South America, partikular na sa mga lugar na madudumi.
Upang matanggal ang impeksyon ay nilalagyan ng antibiotic ang paa, at isa-isang tatanggalin ng mga doktor ang sand fleas. Kung hindi magamot ay namamatay na ng kusa ang mga flea, ngunit nagdudulot ito ng pagsusugat sa paa ng biktima.
Parasitic infection sa paa, paano maiiwasan?
Sa kabutihang palad, walang ganitong klaseng insekto sa Pilipinas. Ngunit hindi nito ibig sabihin na dapat ay hayaan na lang natin maglaro sa kung saan-saan ang mga bata.
Maraming iba’t-ibang mga sakit ang puwedeng makuha ng mga bata, lalo na kung naglalaro sila ng nakayapak sa maduming lugar. Kabilang na rito ang iba’t-ibang uri ng mga hookworm. Heto ang ilang mga tips na dapat tandaan:
- Kung maglalaro sa labas, hangga’t-maaari ay magsuot ng sapatos o tsinelas upang hindi magkaroon ng contact ang paa sa lupa.
- Kung hindi maiiwasan, siguraduhing malinis ang lugar kung saan naglalaro ang iyong anak.
- Ugaliin rin ang paghuhugas ng paa kapag nanggaling sa labas, upang hindi magpasok ng mikrobyo sa bahay.
- Panatilihing malinis ang iyong kapaligiran, upang hindi pamugaran ng mga parasites ang inyong bahay.
- Siguraduhin rin na palaging tuyo ang paa, dahil kapag ang paa ay laging basa, posible itong magdulot ng mga fungal infections.
Source: The Sun
Basahin: Hand Foot and Mouth Disease (HFMD): Gabay para sa mga magulang