Ayaw bang natatalo ng iyong anak? Alamin rito kung paaano nakakaapekto ang parental pressure sa anak sa ugali ng bata.
Mababasa sa artikulong ito:
- Bakit nagiging perfectionist ang isang bata?
- Paano nakakaapekto ang parental pressure sa anak sa kakayahan niyang tumanggap ng pagkatalo?
Lahat ng tao ay nagkakamali. Maging tayong mga magulang. Pero anong gagawin mo kung ang iyong anak ay isang perfectionist at takot magkamali?
Kadalasan ay ikinatutuwa natin kapag nakakakuha ang bata ng perfect scores sa kaniyang test, at natutuwa tayo kapag laging mataas ang kaniyang grado. Pero kailan ba nakakasama sa isang bata ang pagiging perfectionist?
Ang perfectionism ay iniuugnay sa kakayahan ng isang tao o bata na maging matagumpay. Walang masama na maghangad na magtagumpay sa isang bagay. Subalit minsan, masyado nilang dinidibdib ang pagkakaroon ng perpektong marka, na ang kanilang kasiyahan o pagpapahalaga sa kanilang sarili ay nakabase rito.
Nakakalimutan nila na higit sa perfect scores o resulta ng kanilang ginagawa, mas importante ang pagsisikap at effort na ibinibigay nila sa isang bagay.
Hindi man natin sinasadya, ang parental pressure na naibibigay natin sa ating anak ay nakakadagdag sa pagiging perfectionist ng bata.
Turuan ang iyong anak na hindi perpekto ang buhay
Hindi natin namamalayan na ang expectations na lagi silang magtagumpay ay nakaka-apekto sa kanilang mga emosyon.
At kapag hindi natin sila nagabayan nang tama, maaari nilang makasanayan na magalit, mainis, malungkot at ma-frustrate kapag hindi sila nagtatagumpay, o hindi nangyayari ang bagay na inaasahan nila.
Ayon sa isang pag-aaral mula sa Michigan State University Twin Registry, ang pagiging perfectionist ng isang tao ay hindi lang resulta ng parental misconduct, kundi may kinalaman sa hereditary elements (namamana) pati na rin sa mga impluwensya sa labas ng bahay.
Anong diperensya ng batang perfectionist sa batang pursigido?
-
Goals
Kadalasan, ang mga batang perfectionist ay mayroong mga goals o targets na masyadong mataas at halos imposibleng abutin. Sila rin mismo ang nagbibigay sa kanilang sarili ng mga goals na ito.
Samantala, sa mga batang pursigido, mayroon silang realistic goals na sinisikap nilang abutin. Ang mga goals na ito ay base mula sa payo ng kanilang magulang o mga guro.
-
Emosyon
Kapag ang bata ay isang perfectionist, madalas siyang makaranas ng stress sa pagkatalo o kapag hindi niya naaabot ang kaniyang goal. Mapapansin mo ito kapag ang bata ay umiiyak kapag natatalo sa contest o kaya kapag mababa ang kaniyang marka sa exam.
Ang mga batang pursigido naman ay hindi nakakaramdam ng matinding stress habang nagsusumikap na abutin ang kaniyang goals. Gagawin niya ito nang masaya at walang takot sa magiging resulta nito.
-
Pagtanggap ng pagkatalo
Para sa perfectionist na bata, lahat ng pagkakamali ay itinuturing na pagkatalo, at nakakaapekto sa kaniyang self-worth. Ito ang dahilan kung bakit masyado niyang dinadamdam ito.
Pero kung pursigido lang ang bata, bagamat maaari siyang makaramdam ng frustration, tatanggapin niya ang pagkatalo at titingnan ito bilang pagkakataon na pagbutihin ang sarili.
Gamot sa perfectionism
Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ni G. Flett mula sa University of New York at P. Hewitt mula sa University of British Columbia, mayroong dalawang gamot sa perfectionism sa mga bata. Ito ay:
- Ang pagmulat sa kanila ng kanilang mga magulang na hindi perpekto ang buhay.
- Paggabay sa bata sa tamang paraan ng pagharap sa pagkatalo at feeling ng frustration.
Ang pagbabawas ng parental pressure sa iyong anak ay isa ring paraan para mabawasan ang pananaw ng bata na dapat lagi siyang perpekto.
Sa halip na i-pressure ang bata na magtagumpay, narito pa ang ilang bagay para maiwasan ang pagkakaroon ng perfectionist na anak:
-
Kilalanin ang pagsisikap ng bata higit sa tagumpay
Kung magbibigay ka ng assignment sa iyong anak, huwag kalimutang turuan sila ng mga hakbang na dapat nilang sundin para magawa ito.
Gayundin, mas bigyang halaga ang pagsisikap at pagpupursigi ng bata na makamit ang isang bagay kaysa sa magiging resulta nito. Hindi kailangang maging perpekto para maramdaman nila na nagtagumpay sila at maging proud sila sa kanilang sarili.
Kung pupurihin mo ang bata dahil sa kaniyang perfect score, huwag kalimutang iparating sa kaniya na nakamit niya ito dahil nag-aral siya nang mabuti at pinaghirapan niya ang kaniyang tagumpay.
Kung hindi naman kataasan ang kaniyang marka, purihin pa rin siya para sa kaniyang effort na ibinigay.
-
Hayaan siyang makaramdam ng disappointment
Bilang magulang, gusto natin ang best para sa’ting mga anak. Kapag nakikita natin silang nalulungkot, to the rescue agad tayo. Para hindi sila malungkot, pinapaalala natin sa kanila na may iba pang pagkakataon.
Subalit kung bibigyan mo ng puwang ang kalungkutan o hahayaan mong makaramdam ng frustration ang iyong anak, mapagtatanto niya na parte ito ng buhay. Hindi sa lahat ng oras ay mananalo sila, at hindi lahat ng oras ay mangyayari ang inaasahan nila.
Maaaring malungkot sila ng sandali, pero ang mga sitwasyong ito ay nagpapalakas sa kanilang emotional intelligence at nagkakaroon sila ng resilience para harapin ang mas matitinding pagsubok sa hinaharap.
BASAHIN:
10 parenting mistakes na nakakaapekto sa mental health ng bata
Research shows how helicopter parenting can be a result of perfectionism and anxiety
4 parenting mistakes kaya lumalaking walang malasakit at pakialam ang bata
-
Ipaliwanag sa kaniya ang pagiging perfectionist
Dahil bata pa siya, hindi naman alam ng iyong anak na nagiging perfectionist na pala siya. Maaaring nakasanayan lang niya ito at hindi niya namamalayan na nakakasama na ito sa kaniya.
Subukang ipaliwanag sa bata ang paksang ito sa paraang maiintindihan niya. Sabihin sa kaniya kung anong mga bagay ang dapat at hindi niya ginagawa para marating ang kaniyang goal at maging kapag hindi siya nagtagumpay.
Gayundin, ipaalala sa kaniya na walang ibang perpekto kundi ang Diyos. Bilang tao, natural lang ang magkamali, subalit pwede naman tayong magsikap upang makamit ang tagumpay.
-
Maglibang kasama ang iyong anak
Kapag masyadong seryoso ang kapaligirang ginagalawan ng bata, posibleng makaramdam siya ng matinding pressure na maging perpekto. Marahil iniisip niya na walang puwang sa pagkakamali.
Kaya naman bilang magulang, subukang gawing maaliwalas at kaaya-aya ang kapaligiran ng iyong anak. Paano? Sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad na maglaro, magtawanan at maglibang.
Ang mga ganitong pagkakataon, maipapakita mo sa iyong anak na okay lang magkamali at kung paano tumanggap ng pagkatalo sa tamang paraan.
Sa mga larong inyong gagawin, alisin ang pakiramdam na nakikipagkumpitensya para hindi makaramdam ng pressure ang iyong anak. Hayaang mag-enjoy ang bata.
Ipakita mo na kaya mong pagtawanan ang iyong sarili kapag nagkakamali ka, at hindi kailangang maging seryoso ang lahat ng bagay.
Bawasan ang parental pressure sa anak
Hindi natin namamalayan, maaaring nagdudulot pala tayo ng parental pressure sa ating anak kapag inaasahan natin na magtagumpay sila sa lahat ng bagay.
Kaya naman iwasan nating iparamdam sa kanila na mahalaga lang sila sa ‘tin kapag mayroon silang nagagawang tama, at huwag nating iparamdam na nawawalan tayo ng pagtingin sa kanila kapag sila naman ay nagkakamali.
Sa halip, iparating mo sa iyong anak na tanggap mo siya kahit hindi siya perpekto at hindi mababawasan ang pagmamahal mo sa kaniya anuman ang gawin niya.
Isinalin nang may pahintulot mula sa theAsianparent Malaysia.
Karagdagang impormasyon mula kay Camille Eusebio