Parents influence on child behavior: Hindi maiiwasan sa isang magulang na gustuhin maging magaling sa lahat ng bagay ang kanyang anak. Ito ang dahilan kung bakit nagiging strikto ang mga magulang sa kanilang mga anak.
Ngunit hinay hinay lang mga mommy at daddy. Dahil ang pag-set ng mataas na standard sa iyong anak at pagiging strikto ay may malaking epekto sa kanilang behavior hanggang sa siya ay lumaki.
Pagiging mahigpit sa anak, may malaking epekto sa kanyang behavior
Hindi maitatanggi na may mga magulang talaga na strikto sa kanilang mga anak. Kadalasang nararanasan ito ng mga solong anak o panganay. Ngunit bakit nga ba may mga magulang na hindi maiwasang maging strikto o mag-set ng mataas na standard sa anak?
May ibang magulang na pinapasa nila ang kanilang mga ‘unfinished business’ sa kanilang mga anak. Katulad na lamang kung bigong makapag-tapos ng pag-aaral ang iyong magulang. May ibang magulang na pipilitin ang kanilang mga anak na makakuha ng matataas o perpektong grado na hindi nila naranasan dati.
Ngunit sa likod nito, iisa lamang ang kanilang hangarin sa pagiging strikto. Ito ay mapabuti ang iyong kalagayan bilang isang anak. Pero hindi talaga maiiwasan na makaramdam ng pressure ang isang anak kung sobra na ang pagiging strikto ng magulang.
Narito ang ilang epekto sa kanilang behaviors kung ikaw ay striktong magulang:
Parents influence on child behavior
1. Masyadong concern sa magiging resulta
Naranasan mo na bang magpaalam sa iyong magulang na gusto mong sumali sa isang club sa inyong school? Ano ang kanilang sagot?
May ibang magulang na papayagan ka sa pagsali at susuportahan ka pa. Ngunit may iba ring mga magulang na magdadalawang isip pa kung papayag sa hiling mo. Nandyan ang hindi ka papayagan dahil maaaring makaapekto ito sa iyong pag-aaral at mapabayaan ito ng tuluyan.
Sa ganitong sitwasyon, maaari mong sabihin sa kanila ang mga mabuting epekto ng pagsali dito. Siguraduhin din sa kanila na 1st priority mo pa rin ang pag-aaral at extra curricular lang ang ito.
2. “Kung nagawa nila, magagawa mo rin!”
Maraming mga magulang ang naniniwala na kaya mo rin magawa ang isang bagay kapag nakita nila ito sa ibang bata. Nagkakaroon kasi sila ng idea na madali ito dahil nga nagawa ng iba at hindi malabong makakaya mo rin ito.
Malaki ang epekto ng konseptong ito sa mga bata. Lalo na kung sasamahan pa ng pagkukumpara ng mga magulang nito.
Mga mommy at daddy, laging tatandaan na hindi lahat ng bata ay may kakayahan na katulad sa ibang bata.
3. “Sige ka, iiwan kita dito!”
Pamilyar ba ang mga katagang ito sa iyong nanay o tatay?
Kadalasan itong naririnig sa mga magulang kapag hindi sa kanila umaayon ang mga bata. Ang mga katagang ito ay maaaring may epekto sa mga bata. Maaaring mag iwan sa kanilang isipan na kung hindi nila susundin ang isang bagay, may chance na iwan sila ng isang tao. Sa makatuwid, matatakot sila sa ganitong uri ng sitwasyon.
4. ‘Wag magkakamali
May ibang magulang na tinuturuan ang kanilang mga anak na maging perpekto at ‘wag na ‘wag magkakamali.
Isa ito sa mga kadalasang nararanasan ng mga bata. Kaya hindi nila maiwasan ang ma-pressure sa kanilang mga magulang. Ang epekto nito sa kanila ay natatakot sila na sabihin sa kanilang mga magulang kung sakaling sila ay nagkaroon ng mababang marka sa pagsusulit sa school. Nililihim nila ito at tuluyang nabubuo ang takot sa mga magulang. Bumababa ang kanilang self-esteem at lalaking takot sumubok ng mga bagay dahil takot silang magkamali.
5. Pinapangunahan ang desisyon
Hindi namamalayan ng magulang na kinokontrol na nila ang buhay ng kanilang magulang sa murang edad pa lamang.
Makakabuti na kung minsan ay hayaan na magdesisyon ang anak. Katulad na lamang kung ano ang susuotin nitong damit. Makakatulong ito sa kanilang mahasa ang kanilang pagiging independent.
Ang bawat magulang ay may kanya-kanyang paraan ng pagpapalaki ng kanilang mga anak. Ngunit dapat maging aware ang bawat isa kung ito ba ay makakabuti o makakasama sa behavior ng isang bata. Maaaring minsan ay sobra na at nakakaramdam na ng pagka-pressure ang inyong anak.