Walang kumpiyansa sa sarili ang iyong anak? Alamin dito ang mga dahilan kung bakit.
Mababasa dito ang sumusunod:
- Bakit may batang walang kumpiyansa sa sarili.
- Mga ginagawa ng magulang na nagiging daan para magkaroon ng batang walang kumpiyansa sa sarili.
Hinahangad nating mga magulang na mapalaki ang ating mga anak na may kumpiyansa sa kanilang sarili. Subalit, may mga bagay tayong nagagawa na hindi natin sinasadyang makasira imbes na makatulong para lumakas ang tiwala sa sarili ng ating anak.
Alamin natin ang 13 parenting mistakes na ito at ang mga maaaring gawin upang hindi lumaking walang kumpiyansa sa sarili ang iyong anak.
Girl photo created by jcomp – www.freepik.com
Bakit may mga batang walang kumpiyansa sa sarili? Heto ang mga dahilan
1. Hindi mo pinapatulong sa gawaing-bahay ang iyong anak.
Maraming mga magulang ang hindi pinapatulong ang kanilang mga anak sa gawaing-bahay. Maaaring ito ay dahil mayroon silang nais na partikular na ayos o kaya’y ayaw nilang mahirapan ang kanilang mga anak. Pero ayon sa mga child development experts, ang paggawa ng mga gawaing bahay ay may magandang naidudulot sa mga bata.
Ang pagbibigay ng gawaing bahay ng naaayon sa edad ng isang bata ay nakakatulong sa kanilang kumpiyansa sa sarili. Dahil sa tulong ng mga ito ay natututo sila at napapatunayan nila sa kanilang sarili na may nagagawa silang mabuti.
Gaya na lang ng pagpapanatili ng kalinisan sa loob ng kanilang kuwarto o inyong bahay na maari niyang maipagmalaki.
Photo by Alex Green from Pexels
2. Ikinukumpara ang iyong anak sa ibang bata.
Maging sa kapatid man, mga kaibigan, o sa kapitbahay, hindi maiwasan ng ibang magulang ang ikumpara ang kanilang anak. Inaakala nilang sa pamamagitan nito, matiya-challenge ang kanilang anak.
Akala minsan natin ay mahihigitan ang ibang bata o kapatid niya para baguhin ang sarili niya. Subalit, madalas, hindi ito nangyayari. Sa kinasamaang palad ay mas nakakasama pa nga ito at nagiging dahilan para lalo pang maging negatibo ang kanilang pag-uugali.
Imbes na ikumpara ang anak sa iba kapag may maling nagagawa, makakabuti na purihin ang mga tamang nagagawa nito. Sa mga bata, mas makakatulong ang positibong atensyon at pag-aalaga dahil ang pagkumpara sa iba ay magpaparamdam na wala silang kwenta. Ito ang isa sa pinakamainam na gawin para hindi lumaking walang kumpiyansa sa sarili ang isang bata.
3. Masyado mong pinupuri ang iyong anak.
Masarap sa pakiramdam ang makatanggap ng mga papuri sa mga nagagawa. Subalit, hindi rin makakabuti ang sobra-sobra nito. Importante na ang papuring matatanggap ay naaayon sa naabot o nagawa ng bata.
Purihin ang tumpak na nagawa ng bata. Bigyang papuri kung paano niya nagawa ng tama ang isang gawain. Ganoon rin ang ipinakita niyang kakayahan imbes na ang kanyang mga katangian. Mahalaga na malaman nila ang pinagkaiba ng mga ito.
4. Pinupuna mo palagi ang maling ginagawa ng iyong anak.
Ang pagpuna sa mga nagagawa ng mga bata ay iniisip nilang pagpuna rin sa kanilang mga kakayahan. Ito ay nagiging dahilan kaya ang iba ay walang kumpiyansa sa sarili.
Kanilang inuugnay ang mga nagagawa sa kanilang kakayahan at kapag ito ay napuna, bumababa ang tingin nila sa kanilang sarili. Nawawalan sila ng interes sa kanilang ginagawa at pati na sa mga maaari pa nilang gawin sa takot na muling mapuna.
Imbes na punahin ang maling nagawa ng isang bata, tukuyin o pansinin ang positibong bahagi nito. Maaaring hindi maganda ang kanyang iginuhit ngunit bigyang pansin ang mga kulay niyang napili.
Kung hindi maganda ang tula niyang nagawa, purihin ang galing ng pagpili niya ng mga ginamit na salita. Hanapin ang positibo at tandaan na siya ay bata pa lamang, hindi pa abot ng kanyang kakayahan ang kaya nating mga matatanda.
Family photo created by freepik – www.freepik.com
5. Kinokontrol mo palagi ang emosyon at sitwasyon para sa iyong anak.
Mahirap para sa mga magulang na makitang malungkot o galit ang kanilang mga anak. Dahil dito, kadalasan ay ginagawa ang lahat para lamang mapasaya o mapakalma ang bata. Ngunit, ang kakayahan na kontrolin ang emosyon o ang sitwasyon ay kailangan ng bata para sa kanyang paglaki.
Turuan ang bata na kontrolin ang emosyon. Kapag sila ay nalulungkot o nagagalit, hayaan silang maramdaman ito. Ituro sa kanila kung ano ang kanilang nararamdaman at kung paano ito kokontrolin.
Ituro rin sa kanila kung paano ito ipapakita sa ibang mga tao o kanilang maipapaalam sayo nang hindi idinadaan sa pagwawala.
6. Iniiwasan mong makagawa ng mali ang iyong anak.
Masakit na makitang magkamali ang ating mga anak o na hindi nila makamit ang kanilang ninanais. Marami sa atin ang dali-daling sumasalo o pinagtatakpan ang kanilang ginawang pagkakamali. Mayroon pang ilan na makikipag-away sa iba para lamang hindi maramdaman ng kanilang anak na sila ay nagkamali.
Kailangan ng mga bata maramdaman kung paano magkamali. Huwag matakot na hindi nila kayanin ang emosyon na dulot nito dahil ito ang paraan upang kanilang matutunan kung paano muling bumangon.
Ang bawat pagkakamali ay pagkakataon nila upang matuto at palakasin pa ang kanilang loob sa pagharap ng mas malalaki pang problema.
Isaisip mo na paano kung wala ka, paano nila matutulungan ang sarili nila kung nasanay silang laging ikaw ang sumasalo ng mali o problema nila.
7. Inilalagay mo sa utak ng iyong anak na siya ay kawawa at isang biktima.
Ang pagsabi sa bata ng mga bagay tulad ng “hindi natin kaya yan kasi mahirap lang tayo” ay nagsasabi sa bata na hindi niya kontrolado ang mga bagay sa kanyang buhay. Tinatanggal nito ang kanyang pag-asa para sa kanyang kinabukasan at napapababa ng tingin niya sa kanyang pagkatao. At sa pagdaan ng panahon ay magbubunga ng isang batang walang kumpiyansa sa sarili.
Huwag bigyang pansin ang mga kamalasan sa buhay. Sa halip, hikayatin ang mga bata na gumawa ng paraan para makuha ang kanilang gusto.
Turuan silang makita ang kanilang katayuan hindi bilang isang biktima. Kung hindi isang tao na haharap sa mga pagsubok at mananatiling matatag sa kabila ng mga problema.
8. Gusto mo ay perfect lahat sa iyong anak.
Ang pagkakaroon ng mataas na hangarin para sa mga anak ay hindi masama, ngunit hindi maganda kung sumosobra na. Kapag hindi maabot ng bata ang iyong kagustuhan kahit pa ibigay nila ang lahat ng kanilang makakaya, nakakasira ito sa kanilang kumpiyansa.
Bigyan sila ng malinaw na larawan kung ano ang iyong inaasahan mula sa kanila. Huwag lamang tumutok sa kahihinatnan ngunit bigyan sila ng pagkakataon na matuto at mag-improve pa. Ang pag-abot sa mga short-term goals ay ang magpapa-alam sa kanila na sila ay nasa tamang direksyon.
9. Iniisip mong alam na ng iyong anak ang tama at mali kaya siya ay hindi mo na dinisiplina.
Ang mga batang nadidisiplina ay natututunan na mali ang kanilang nagawang desisyon at dapat hindi na nila ito ulitin. Kapag naman naparusahan, naiisip ng bata na sila ang mali at hindi ang kanilang nagawa. Kailangang maging malinaw ang pinagkaiba nito.
Kailangan matutunan ng mga bata na ang kanilang desisyon ay may katumbas na kahihinatnan. Subalit, ipaalam sa kanila ang dahilan sa likod ng pagdidisiplina.
Huwag isipin na “alam niya na yan” sa halip ay kausapin sila at ipaliwanag kung ano ang mali sa kanyang nagawa. Ang pagdisiplina ay naghahangad na mapabuti sila nang tumaas ang kumpiyansa na gumawa ng mas mabubuting desisyon.
People photo created by our-team – www.freepik.com
10. Kinokontrol mo ang buhay ng iyong anak.
May mga magulang na ginagawa ang lahat ng desisyon sa buhay ng bata nang hindi iniisip ang kagustuhan ng mga ito. Mula sa magiging trabaho, mga kaibigan, kung paano manamit, nawawalan na ng abilidad ang bata na magdesisyon para sa kanyang sarili.
Bigyan sila ng pagkakataon kung saan sila ang gagawa ng desisyon. Hayaan silang siyasatin ang mga pagpipilian at isipin ang magiging kahihinatnan sa mga ito.
Sa kanilang pagtanda, mas makakausap at matuturuan sila sa paggawa ng tamang desisyon. Kung sila ay magkamali sa napili, hayaan silang muling makabangon.
11. Masyadong mahigpit at hindi close ang relasyon mo sa iyong anak.
Ayon sa isang pag-aaral, ang close na relasyon ng magulang sa kaniyang anak ay nakakatulong para maalis ang mga worries at fears na nararamdaman ng isang bata. Ito ay paraan rin para makaiwas siya sa anxiety, depression at suicide ideation.
Ang mga magulang na laging sinusubukang magkaroon ng koneksyon sa kanilang anak at nagpapakita ng kanilang pagmamahal ay nakakatulong para maiwasan rin ng isang bata ang mga negatibong feelings na ito.
Nakakatulong din ito para ma-boost ang tiwala nila sa sarili. Dahil alam nilang mayroon silang magulang na nagtitiwala sa kanila at kanilang masasandalan anuman ang mangyari.
12. Ini-encourage mo ang iyong anak pero hindi mo siya tinuturuan kung paano niya i-improve ang kaniyang sarili.
Para sa psychologist na si Eileen Kennedy-Moore, hindi sapat ang pagsasabi sa iyong anak na pagbutihin ang kaniyang sarili. Dapat ay turuan mo rin kung paano niya ito gawin.
Tulad halimbawa, sa paglalaro ng basketball, turuan siya kung paano pa i-iimprove ang mga moves niya. Maaaring gawin ito sa pamamagitan ng personal na pagsasanay sa kaniya. O kaya naman ay hayaan siyang manood ng mga laro o tutorial na kung saan siya makakapag-observe at matututo pa.
13. Ipinararamdam mo sa iyong anak na hindi siya karapa-dapat sa iyong pagmamahal sa tuwing nag-fail o nagkamali siya.
Ang kumpiyansa sa sarili ng isang tao ay nagmumula sa tiwala at pagmamahal ng mga tao sa paligid niya. Kaya naman mahalaga na bilang isang magulang ay maiparamdam mo sa iyong anak ang iyong pagmamahal anumang oras.
Iparamdam sa kaniya na anuman ang mangyari, madapa o magkamali man siya ay lagi ka lang nandyan para sa kaniya. Tanggap mo siya kahit ano pa man ang kakayahan niya, kahit hindi siya ang top 1 sa kanilang klase.
O kahit hindi siya katulad ng kapatid niyang star player sa basketball o muse ng kanilang paaralan. Iparamdam mo sa kaniya ang unconditional love ng isang magulang. Isang uri ng pagmamahal na tanging sayong magulang niya lang makukuha at mararamdaman. Sa ganitong paraan siya ay lalaki siya ng puno ng pagmamahal at hindi magiging isang batang walang kumpiyansa sa sarili.
Karadagang ulat mula kay Irish Manlapaz
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!