Lahat naman ng bata ay aktibo—malikot, sampa, takbo, tumbling palagi. Kaya huwag nang magtaka kung makakakita ng pasa sa katawan ng bata.
Ano nga ba ang pasa?
Ang maitim, mamula-mula o mala kulay asul na marka sa katawan ay tinatawag na pasa. Ang pasa o bruise sa ingles ay isa sa mga karaniwang injury sa balat. Ito ay resulta ng pagkasira ng blood cells sa ilalim ng balat na kinalauna’y maaaring maging sanhi ng pagbabago ng kulay nito.
Lahat tayo ay nakararanas na magkaroon ng pasa, ngunit dahil ang mga bata ay nasa edad pa na mahilig maglaro, tumakbo, tumumbling o kung ano mang mga aktibong gawain, ay sila rin ang madalas na nakararanas nito.
Bago pa man tuluyang gumaling ang pasa ay patuloy ito sa pagbabago ng kulay. Minsan ang mga pasa ay hindi ganoon kalala kung kaya naman ito ay hindi gaanong pinapansin. Ngunit may mga madadalang na pagkakaton, kung saan ang pagkakaroon ng pasa ay isang paraan ng pagsasabi ng iyong katawan na mayroong mali dito.
Mga sintomas ng pasa sa katawan
Ang mga sintomas ng pagkakaroon ng pasa sa katawan ay maaaring mag-iba depende sa kung anong sanhi nito. Narito ang mga normal na sintomas na karaniwan nating nararanasan.
- Ang pagbabago ng kulay ng balat ay pangunahing sintomas ng pasa sa katawan. Maaaring ang kulay nito ay itim o asul, mayroon rin namang mga pagkakataon na ito ay kulay pula, berde, lila, kayumanggi o di kaya naman madilaw-dilaw, na karaniwang nangyayari tuwing ang pasa ay pagaling na.
- Maaari rin makaranas ng pananakit o pamamaga sa parte ng katawan na mayroong pasa. Ang mga sintomas na ito ay unti-unting nawawala habang pagaling ang pasa.
12 malalang sintomas ng pasa
Kung mayroong mga normal na sintomas tayong nararanasan, narito ang ilang mga sintomas ng pasa sa katawan na dapat nating bigyang pansin. Ito ay maaaring sanhi ng mas malala pang mga karamdaman.
- Kung ikaw ay umiinom ng aspirin (Bayer) o iba pang pampanipis ng dugo na nagreresulta sa mas malalang pasa.
- Matitinding pananakit at pamamaga sa parte ng katawan na may pasa.
- Ang mga pasa na dulot ng malakas na pagka-umpog o pagkahulog ay dapat ring pagtuanan ng pansin.
- Kung sa tingin mo ang pasa ay sanhi ng durog o sirang buto, nararapat na ito’y bigyang aksyon agad.
- Ang pagkakaroon ng biglaang pasa sa hindi malamang dahilan ay maaari ring isa sa mga malalalang sintomas.
- Kung ang iyong pasa ay hindi pa gumagaling makalipas ang 4 na linggo ay dapat mo na itong ipatingin sa doctor.
- Isa sa mga posibleng malalang sintomas ng pasa sa katawan ay ang mga pasa sa ilalim ng kuko. Karaniwan ang mga pasang ito ay sobrang sakit.
- Hindi rin dapat ipagwalang bahala ang mga sintomas, kung saan ang iyong pasa ay may kaaakibat na pagdugo ng gilagid, ilong o bibig.
- Dagdag pa rito, ang mga pasa na may kaaakibat na dugo sa pag-ihi, pagdumi at sa mata ay possibleng isa sa malalalang sintomas.
- Ang mga pasa sa katawan na hindi sumasakit ay hindi rin dapat ipagwalang bahala.
- Kapag paulit-ulit na lumilitaw sa parehong lugar ang pasa, kahit walang injury ay nararapat ding bigyang pansin.
- Ang mga itim na pasa sa iyong hita ay maaaring sanhi ng deep vain thrombosis (DVT) isa sa pangunahing sanhi ng blood clot na maaaring ikamatay.
Iba’t ibang sanhi ng pagkakaroon ng pasa sa katawan
1. Falls and injury
Hindi na nakakagulat na ang mga malalang injury ay nagdudulot ng matinding pasa sa katawan. Imbis na tignan ang laki ng pasa ay mas mahalagang isipin kung ito ba ay proportionate sa nasabing injury. Halimbawa, kung ang pagkahulog sa puno ay nagdudulot ng mas malaking pasa, kaysa sa mga pasang dulot lang ng pagkadapa.
2. Child abuse
Ang mga pasa sa sanggol o bata na hindi maipaliwanag ay nakapanghihinala. Madalas matatagpuan ang mga pasa na dulot ng child abuse sa mga hindi pangkarinawang lugar sa katawan tulad braso, kamay, tainga, leeg, puwet at iba pa. Maaari ring i-consider na child abuse ang mga pasa na may ispesipikong hugis tulad ng marka ng kagat, cigarette burn, marka ng sinturon at iba pa.
3. Von Willebrand disease
Ito ay pangkariniwang genetic bleeding disorder. Maaari itong magresulta sa pamamasa, pagdududgo ng ilong, malakas na mestruation, matinding pagdugo matapos ang operasyon.
Ito ang tawag sa mga taong may mababang bilang ng platelets. Ito ay maaaring dulot ng hindi pag-produce ng platelets ng katawan o ang kasira ng platelets.
Ito ay dulot ng hindi pag-produce ng platelets ng katawan. Nati-trigger ito ng matinding impeksiyon kung saan ang mga bata ay nagkakaroon ng malalaking pasa at petchiae.
6. Henoch-Schonlein purpura (HSP)
Ang sakit na ito ay maaaring magdulot ng abdominal pain, pagdudugo ng dumi at joint pain. Dagdag pa rito, nagiging sanhi rin ito ng pagkakaroon ng pasa at rashes sa kamay, hita at puwet ng bata.
Dagdag pa sa madaling pagkakaroon ng pasa, pagdudugo at pagkakaroon ng mababang bilang ng platelets ang mga batang mayroong leukemia nakakararanas rin ng iba pang sintomas. Halimbawa sila ay may mababang bilang ng red blood cell, lagnat at pagbaba ng timbang.
8. Vitamin K deficiency
Ang vitamin K1 at Vitamin K2 ay kinakailangan para sa blood clotting. Dahil sa kanilang ginagampanang papel sa pag-produce prothrombin. Ang kakulangan ng katawan sa dalawang bitaminang ito ay nagdudulot din ng matinding pasa.
9. Side effects of certain medications
Ang Aspirin, gamot sa seizure at ibang mga antibiotics ay maaaring magdulot ng abnormal na pasa o pagdudugo.
Paano nga ba nagkakapasa?
May mga maliliit na ugat o capillaries ang mga soft tissues sa katawan natin kaya’t kapag nababangga o natatamaan ng malakas (tulad ng suntok o hampas), pumuputok ang ugat at tumatagas ang red blood cells, at naiipit sa ilalim ng balat, paliwanag ni Dr. Carlo Palarca, MD, internist. Ito ang lumilitaw na ma-asul (bluish), mala-ube (purplish), at sa umpisa ay mapula, at pagtagal ay nagiging maitim na marka sa balat—o ang alam nating pasa. Hematoma ang medical term para dito.
Ang pag-iiba ng kulay na ito ng pasa ay senyales na nagsisimula nang gumaling o bumuti ang pasa. Nag-iiba ang kulay gawa ng metabolism ng katawan o ang pagkukumpuni ng mga nasirang blood cells sa balat.
Gamot at first aid para sa pasa | Image from Freepik
Habang tumatanda ay nagiging mas marupok ang mga ugat kaya mas “prone” sa pasa sa katawan. Pero ang mga bata rin ay madalas na makikitaan ng pasa dahil nga sila ang mahilig tumakbo, gumapang, sumampa sa kung saan-saan at nabubunggo. Kapag madalas ding uminom ng mga gamot tulad ng ibuprofen at naproxen, mas mabilis na magkaroon ng pasa sa katawan.
May mga pasang masakit at mayron ding hindi pa nga namamalayan kung hindi pa makita ang pasa ay hindi pa malalaman.
Uri ng pasa sa katawan
Mayroong tatlong uri ng pasa sa tao. Ito ang mga:
- Sub-cutaneous bruises – ito ang mga pasang nakikita o nabubuo sa ilalim ng balat.
- Intramuscular bruises – Ito ang mga pasang nakikita o nabubuo sa muscle
- Periosteal bruises – Ito ang mga pasang nakikita o nabubuo hanggang buto
Ano ang iba’t ibang yugto ng isang pasa sa katawan?
UNA: Pagkabangga pa lang, mapula o medyo kulay violet ang makikita, at masakit lalo kapag hinahawakan. May pamamaga dahil may dugong nakokolekta sa ilalim ng tissue, paliwanag ni Dr. Palarca.
PAGKATAPOS NG ILANG ARAW: Maaring kinabukasan o makalawang araw, mas magkukulay asul o iyong tinatawaga na “black and blue” — ito na ang “kahinugan” ng pasa.
Pagkatapos ng 5 hanggang 10 araw, magkukulay berde na, at magiging may konting dilaw sa paligid.
Sa ika-10 hanggang ika-14 araw, unti-unting magiging kulay brown, hanggang sa unti-unting mawala na ito.
Gamot at first aid para sa pasa | Image from Freepik
Gaano katagal ito bago mawala?
Kadalasang nagtatagal ang pasa sa katawan ng hanggang 2 linggo o 14 na araw. May mga pasa din sa katawan na 7 araw lang e wala na. Ngunit kung matagal na ito, may iba na umiinom na ng gamot sa pasa at nagpapakonsulta na sa doctor kapag umabot ito ng 2 weeks.
May mga pagkakataon na ang pasa ay sintomas ng mas seryosong sakit ng katawan. Tulad ng internal bleeding, endocartitis, o di kaya ay ang kondisyong tinatawag na autoimmune disease kung saan ang sariling immune system ay umaatake sa mga ugat na daluyan ng dugo. Maaari din itong maging sintomas ng leukemia, isang uri ng kanser sa dugo.
Kailan dapat magpakonsulta sa doctor?
Mahalaga na ‘wag ipagsawalang bahala ang pagkakaroon ng pasa sa katawan lalo na kung matagal ito. Bukod sa gamot at first aid para rito, kailangan nga ba dapat mabahala at magpatingin sa doktor?
- Kapag mayroong dugo ang iyong ihi, dumi at mata habang may pasa ka sa katawan.
- Madalas na pagkakaroon ng pasa ngunit walang sakit
- Biglaang pagkakaroon ng pasa kahit na hindi ka nabunggo o nadisgrasya.
- Matagal na pagkakaroon ng pasa sa katawan.
- Dumudugong ilong, gums at ngipin habang mayroong pasa sa katawan.
- Kapag sobrang sakit ng iyong pasa at pamamaga
- Kadalasang maitim na pasa sa binti
Gamot at first aid para sa pasa | Image from Freepik
First aid sa pasa: Paano nga ba ito gamutin?
“Ang unang dapat gawin ay dampian ng ice pack o cold compress, o yelo na nakabalot sa bimpo o kahit tissue ng hanggang 10 minuto,” payo ni Apple Tagatha, RN, school nurse sa isang nursery. Yelo at ang lamig nito ang paniguradong makakapigil sa lubusang pamamaga at labis na pangingitim ng pasa.
May mga cream na ngayon na maaaring ipahid sa mga pasa sa katawan ng bata, tulad ng Hyland’s Bumps ’n Bruises Ointment na may Arnica Montansa, at Zax’s Kid’s Bruise Cream.
Dagdag ni Nurse Apple,
“Ang karaniwang gamit sa nursery ay Arnicare Gel. Dahil ito ay natural/herbal homeopathic medicine at officially included sa Homeopathic Pharmacopoeia of the United States,”
Makakatulong itong maibsan ang sakit at hindi gaanong lumala ang pagkulay ng pasa sa katawan. Topical cream lang ito at walang lubusang makakagamot sa ruptured vein sa loob ng katawan.
Ayon kay Alyssa Rolnick, isang registered dietician at nakaimbento ng Zax’s Kid’s Bruise Cream, ang RICE Method ang makakatulong na maibsan ang sakit at hindi gaanong lumaki o mamaga ang pasa. Narito ang first aid para sa pasa sa katawan:
Rest: Hayaan lang na gumaling at humupa ang pasa at pagpahingahin ito..
Ice: Lagyan ng ice pack, kung walang open wound. Yelo ang nakakapagpasara sa sugat ng ugat.
Compression: Masahehin ang pasa nang marahan, at lagyan ng pressure kung kailangan para matulungang dumaloy ang dugo.
Elevation: Itaas o iangat ang bahagi ng katawan na may pasa para makatulong sa pagdaloy ng dugo.
Paglagpas ng 48 oras (mula nang ma-aksidente o mabangga), warm compress naman ang kailangan—hindi na pwede ang cold compress. Idampi ito sa pasa nang 10 minuto, 2 hanggang 3 beses sa isang araw. Makakatulong ito para dumaloy ang dugo sa pasa sa katawan. Mas ma-aabsorb kasi ng balat ang dugo kapag maligamgam ang nadampi.
Isa pang first aid para sa pasa sa katawan ay ang apple cider vinegar. Nakakatulong din daw ito sa pagdaloy ng dugo, ayon sa ilang home remedy experts. Hinahalo ito sa maligamgam na tubig at ginagamit na warm compress.
May healing properties din ang Aloe vera at ang katas nito ay sinasabing natural remedy para sa mas mabilis na pagpapagaling ng pasa sa katawan.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!