Sinong mag-aakala na isang simpleng strep throat, o impeksyon sa lalamunan ay posibleng maging sanhi ng sakit sa utak? Mahirap paniwalaan, pero posible itong mangyari. Ang tawag dito ay pediatric autoimmune neuropsychiatric disorders, o PANDAS. Paano nagkakaroon nito ang mga bata, at paano ito maiiwasan?
Ano ang pediatric autoimmune neuropsychiatric disorders?
Ang streptococcus bacteria ay nagiging sanhi ng PANDAS. | Source: Wikipedia
Ang PANDAS ay iba’t-ibang uri ng mga neurological problems, o sakit sa utak na kadalasang epekto ng isang impeksyon. Kadalasan ang sanhi ng PANDAS ay strep throat, o simpleng impeksyon sa lalamunan mula sa streptococcus na bacteria.
Nangyayari ito kapag ang bacteria na sanhi ng strep throat o iba pang impeksyon, ay nagtatago sa katawan ng tao. Ginagaya nito ang mga cells sa balat, utak, mga kasukasuan, at kahit sa puso.
Dahil mayroong impeksyon, pinipilit itong kalabanin ng immune system ng katawan. Ang problema nga lang ay bukod sa bacteria, pinapatay din ng mga antibodies ng katawan ang malulusog na mga cells. Kaya’t nagkakaroon ng PANDAS.
Ang PANDAS ay puwedeng maging sanhi ng ilang neuropsychiatric disorder, kasama na rito ang OCD o obsessive compulsive disorder, motor o vocal tics, anxiety attack, at pagiging iritable at pagiging sumpungin.
Madalas ay biglaan itong nangyayari, at nagugulat na lamang ang mga magulang ng mga batang may PANDAS sa nangyaring pagbabago sa kanilang mga anak.
Ano ang sintomas ng PANDAS?
Ang PANDAS ay kinakailangan ng clinical diagnosis. Ibig sabihin nito, walang lab tests na makapagsasabi na may PANDAS ang isang bata.
Heto ang ilang mga bagay na hinahanap ng mga doktor upang ma-diagnose ang PANDAS:
- Pagkakaroon ng OCD o mga tic.
- Paglabas ng sintomas mula edad 3 hanggang puberty.
- Dati nang nagkaroon ng strep throat, o kaya scarlet fever.
- Pagkakaroon ng neurological abnormalities.
- Biglaang paglabas, o paglala ng mga sintomas.
- Sintomas ng ADHD, o pagiging hyperactive.
- Nahihirapang matulog.
- Pagbabago sa pagsusulat.
- Separation anxiety.
- Mood changes, o pagiging sumpungin.
Minsan, gumagawa rin ng blood test ang mga doktor, pero ito ay para malaman kung nagkaroon ng strep infection ang bata.
Paano ito ginagamot?
Ang pinakamainam na paraan upang magamot ang PANDAS ay gamutin ang naging strep infection.
Minsan, gumagamit ng mga antibiotics upang siguradong mawala ang streptococcus bacteria sa katawan. Kadalasan, kapag nawala na ang impeksyon, nawawala na rin ang sintomas ng PANDAS.
Depende na rin sa doktor ang kanilang gagawing treatment, dahil iba-iba rin ang kaso ng PANDAS sa bawat bata.
Ang importante ay alamin na ito ay nagagamot, at may magagawa tungkol sa sakit na ito.
Source: Action News Jax
Basahin: Newborn dies from Group B Strep infection: Awareness needed
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!