Ang 6 na taong gulang na si Emma Splan ay isang masayahing bata mula sa USA. Kuwento ng kaniyang ina, mahilig daw siyang maglaro, mahilig mag ballet, at mahilig ring mag-alaga ng mga pusa. Ngunit ngayon ay hindi na niya mararanasan ang kaligayahan ng mga ito, dahil sa kaniyang murang edad ay namatay siya sa pediatric flu.
Ano nga ba ang sakit na ito, at ano ang magagawa ng mga magulang kapag nagkaroon nito ang kanilang mga anak?
Pediatric flu, hindi dapat binabalewala
Si Emma at ang kaniyang mga magulang. | Source: Today.com/Christy Pugh
Noong Pebrero 18 ng taong ito namatay si Emma. Hindi lubos akalain ng kaniyang mga magulang na dahil lamang sa simpleng flu, ay mamamatay ang kanilang pinakamamahal na anak.
Nagsimula raw ang lahat nang umuwi si Emma mula sa kanilang paaralan noon Pebrero 13. Masama raw ang pakiramdam ng bata, at wala namang kakaiba sa kaniyang mga sintomas. Dinala nila siya sa doktor, pero dahil hindi pa malala ang sintomas ng sakit ni Emma, walang inirekomendang espesyal na gamot ang doktor.
Ngunit matapos ang ilang araw, bigla na lamang lumala ang flu ng bata. Nagsusuka raw siya at hindi makakain ng maayos. Kaya’t minabuti ng kaniyang mga magulang na dalhin na si Emma sa ospital dahil malala na ang kaniyang lagay.
Lumala na ng lumala ang kondisyon ni Emma
Pagdating sa ospital, nagtuloy tuloy ang paglala ng kaniyang kondisyon. Hindi na raw siya responsive, at bumababa na ang kaniyang blood pressure. Nagmamadali rin ang mga doktor na bigyan ng fluids si Emma. Dahil dito, nilipat si Emma sa isa pang ospital upang mabigyan ng mas mabuting pag-aalaga.
Pagkarating sa pangalawang ospital, bumuti na ang pakiramdam ng bata at nakakaupo na siya. Nakakasalita na rin daw si Emma. Ngunit nagulat na lang ang lahat dahil habang sinasabi ni Emma na masakit daw ang kaniyang likod, napaubo raw ang bata, at doon na siya namatay.
Ayon kay Dr. E. Vincent Faustino, na isa sa mga nag-alaga kay Emma, nangyari daw ito dahil sa matinding komplikasyon mula sa flu. Nagkaroon daw ng pamamaga at pagdurugo ang kaniyang puso na naging sanhi ng pagkamatay.
Sadyang wala nang nagawa ang mga doktor, at gayun na lamang ang lungkot na naranasan ng mga magulang ni Emma. Ang masakit pa ay nabigyan naman ng flu vaccine ang kanilang anak. Nagawa rin ng mga doktor ang lahat ng kanilang makakaya, pero sadyang hindi na nagamot ang bata.
Mahalagang maagapan agad ang flu
Ayon sa mga doktor na tumingin kay Emma, napakabihira ng komplikasyon na nangyari sa kaniya. Bukod dito, malusog na bata si Emma, at nabakunahan rin siya para sa flu, ngunit naging positibo pa rin siya para sa influenza B.
Bagama’t hindi napigilan ng flu vaccine ang pagkakaroon ni Emma ng pediatric flu, hindi nito ibig sabihin na hindi na dapat ipabakuna ng mga ina ang kanilang mga anak. Mahalagang gawin ng mga magulang ang lahat ng kanilang makakaya upang mailayo sa sakit ang kanilang mga anak.
Heto ang ilang mahahalagang dapat tandaan tungkol sa flu:
- Huwag balewalain ang sintomas ng flu. Palaging obserbahan ang iyong anak, at alamin ang kanilang temperatura upang makita kung gumagaling ba sila o hindi.
- Pabakunahan agad laban sa flu ang iyong anak dahil ito ay napatunayan nang nakakaprotekta sa mga bata laban sa sakit.
- Kapag may napansin kang malalang sintomas ng flu sa iyong anak, huwag mag atubiling dalhin sila agad sa ospital.
- Bigyan ng masustansiyang pagkain, prutas, at gulay ang iyong anak upang lumakas ang kanilang resistensya laban sa sakit.
Source: Today
Basahin: What is flu and why should we take it seriously?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!