Pekeng COVID test results i-prinint sa isang computer shop. Fake COVID certificate at fake COVID test results may mabigat na parusa ayon sa awtoridad.
Pekeng COVID test results i-prinint sa isang computer shop
Nitong nakaraang araw ay nag-viral sa social media ang post ng isang netizen na nagtago sa pangalang “Shin”. Ang post ni Shin ay tungkol sa isang computer shop sa Quezon City na kitang-kita nag-eedit ng fake COVID certificate at fake COVID test results.
Ayon kay Shin, nagpunta siya sa naturang computer shop para sana magpa-print. Pero nagtaka siya kung bakit ang tagal i-proseso ang kailangan ng naunang costumer sa kaniya. Nang tiningnan niya kung ano ang pinapagawa ng nauna sa kaniyang costumer, ay nakita siya sa akto ang bantay ng computer shop na binabago ang resulta ng isang COVID-19 test.
“Tiningnan ko kung ano yung ginagawa ng babae, nagta-type siya. So nakita ko po unang-una, caps lock negative. So binasa ko po sya COVID at nakita ko po pinapalitan po yung name nung na-result po. Nung pinirint na po yun nakita ko po yung original copy iba po yung pangalan na nandoon sa screen.”
Fake COVID certificate
Dahil sa alam ni Shin na ang paggawa ng pekeng COVID test results ay bawal, agad niyang kinunan ng larawan ang ginagawang fake COVID certificate. Ito ay upang maipaabot umano sa awtoridad ang mali at hindi katanggap-tanggap na gawain na ito sa gitna ng isang pandemya.
“Aware po ako na bawal basta mag-print ng ganoon e. Parang sa ospital lang po alam ko talagang ng-rerelease ng COVID result. So alam ko po na pine-fake po yun.”
“Naiinis ako kasi ang dami na ngang positive tapo namemeke pa sila ng papel. So paano natin malalaman kung sino talaga positive at negative.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Shin.
Agad naman nag-viral sa social media ang post ni Shin tungkol sa computer shop na gumagawa ng pekeng COVID test results. Ayon nga sa kaniya, sa katunayan ay tinawagan narin siya ng doktor na nakapirma sa fake COVID certificate. Siya ay si Dr. Kathleen Timogan na agad ding nakipag-ugnayan sa awtoridad.
Ayon kay Dr. Timogan, sobrang dismayado siya sa natuklasang ito. Lalo pa’t ang pangalan niya at clinic ang nakakaladkad sa mga ganitong maling gawain.
“Hindi naman basta-basta ‘diba ‘yung pinaghirapan mo, ‘yung license mo na ganyan, balewala lang dahil sa mga ginagawa ng ibang tao.”
Ito ang pahayag ni Dr. Timogan.
Pag-edit o paggawa ng fake COVID test results ipinagbabawal
Agad rin namang pinuntahan ng mga awtoridad ang computer shop na nakunang gumagawa ng pekeng COVID test results. Naabutan nga rito ang babaeng nakita sa larawan na nag-eedit ng fake COVID certificate. Depensa niya sinabihan niya ang costumer na nagpagawa ng fake COVID test results na ito ay bawal, ngunit nagpumilit umano ito. At ito ay kaniyang ginawa sa halagang P25.
“Nagsabi po ako sa kaniya na bawal po e. Kaso pina-edit niya po. Pangalan at saka age lang daw ang papalitan.”
Ito ang pahayag ng naturang babae.
Ayon naman kay COVID-19 Testing Czar Sec. Vince Dizon, ang pamemeke ng COVID test result ay ipinagbabawal. At ang sinumang gumawa nito ay maaring hulihin at maharap sa mabigat na parusa.
“Hindi po pwedeng gawin yan. Hindi pwedeng mameke ng resulta. hindi pwedeng magbago ng resulta. Mabigat po ang magiging penalties sa ganyang violation. Kaya nanawagan tatyo sa ting mga kababayan na huwag na huwang pong gagaein yan. Kasi pasensyahan po tayo, kayo po ay huhulihin at mabigat po ang parusa dyan.”
Ito ang pahayag ni Sec. Dizon sa isang panayam.
Patong-patong na kasong kakaharapin
Ayon naman kay QC CIDG Police Captain Edwin Pugan na nagsagawa ng operasyon sa naturang computer shop na namememeke ng resulta ng COVID-19 test, ang personnel at may-ari nito ay sasampahan ng patong-patong na kaso.
Kabilang na dito ang paglabag sa Article 171 ng Revised Penal Code o falsification by public officer, employee, or notary, or ecclastic minister na may kaugnayan sa Article 172 o falsification by private individuals and use of falsified documents.
Nalaman rin nilang ang naturang computer shop ay matagal ng namemeke ng mga dokumento at nag-ooperate ng walang business permit.
“Mag-iisang taon na sila nag-o-operate and nalaman pa namin wala pang business permit po sila. Itong ginagawa nila eh matagal na at kapag nagpagawa ka ng certification sa kanila, bawat edit, P25 to P30.”
Ito ang pahayag ni Pugan.
Samantala, maliban sa nabanggit na violation, ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson BGen. Bernard Banac ang babaeng nag-edit ng COVID test resulta ay lumabag din sa Section 9 ng Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act. Ito ay nagbabawal ng pagtatamper ng record o ang intentional na pagbibigay ng misinformation. Babala ni Banac, hindi magdadalawang-isip ang mga kapulisan na hulihin at kasuhan ang mga taong gagawa ng mga naturang paglabag.
Source:
CNN
Basahin:
Dating ER doctor nahawa ng COVID-19 sa kaniyang anak na teenager
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!