Marahil ay may kapatid o kakilala kayo na mayroong Peter Pan Syndrome? Sila ang kahit pa may edad na at kaya namang magtrabaho, umaasa parin sa magulang.
Kadalasan, marami silang ibang itinuturong dahilan kung bakit hindi sila successful. Subalit, ang punot dulo ng kanyang pag-uugali ay ayaw nilang mag “grow up.” Ito ang nararanasan ng isang nagtanong sa theAsianparent Community tungkol sa kaniyang kuya.
Ang kanyang kuya, kahit pa 46 taong gulang na at nakapag tapos naman ng pag-aaral ay wala paring trabaho. Kahit kaya naman na bumangon at maghanap buhay, hindi ito nakikitaan ng nagbigay ng tanong ng kagustuhan magbanat ng buto. Ito ang kinaiinis ng nagbigay ng tanong. Nais niyang malaman kung normal lamang ba ito sa mga anak na lalaki sa mga Pinoy na pamilya.
Mga tugon
Sa sagot ng isa sa mga miyembro ng theAsianparent Community, kanya itong itinuro sa naging pagpapalaki ng kanilang magulang. Sa kanyang palagay, nasanay ang kuya ng nagtanong na lahat ay ibinibigay sa kanya. Siya ay nasanay na umasa sa kanilang mga magulang kaya kahit hindi siya magtrabaho ay ayos lang sa kanya. Subalit, siguradong mahihirapan siya kung hindi na suportahan o mawala na ang kanyang inaasahan.
Ayon naman sa isa pang sumagot, hindi lamang ito eksklusibong nangyayari sa mga lalaki. Sa kanyang karanasan, dalawa pa sa mga kapatid na babae ng kaniyang asawa ang ganito ang ugali.
Ang malala pa dito, kahit kailan ay hindi talaga nila nagawang magtrabaho at ang isa pa ay may pamilya na. Pati ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya ay kanilang inaasa sa 69-taong gulang na biyenan ng nagbigay ng sagot.
Ayon naman sa isa pang miyembro ng theAsianparent Community, ganito rin ang kanyang karanasan sa kanyang kapatid na lalaki.
Subalit, siya ay gumagawa ng paraan para matuto at hindi na umasa sa kanilang nanay ang kapatid niya. Binibigyan niya ito ng matatawag na “tough love.” Matapos hindi patuluyin sa kanilang nalipatan, sinusubukan niya parin itong matulungan na kumita ng sarili niyang pera. Hindi pa man nagbubunga ang kanyang ginagawa, patuloy niya parin itong tinutulungan kahit pa hindi niya pinapatira sa kanilang bahay.
Marami ang sumagot na nagbahagi ng kanilang karanasan sa mga taong may ganitong ugali. Mapapansin na hindi mga lalaki lamang ang nakakaranas nito. Mahirap din sabihin na ang pagpapalaki ng magulang ang naging dahilan kaya ganito ang anak. Dahil kung totoo ito, bakit sila o ang kanilang mga asawa ay iba ang ugali. Ano nga ba ang dapat gawin sa isang taong ayaw maging “grown up”?
Peter Pan Syndrome
Ang Peter Pan Syndrome ay ang pagtanggi ng isang tao na gawin ang mga kaugalian na maiuugnay sa pagtanda. Sila ay umiiwas sa responsibilidad, umaasa parin sa iba para buhayin sila, at walang ginagawang hakbang para mapabuti ang kalagayan. Ang temang ito ay nakuha mula sa fictional character na si Peter Pan, ang batang ayaw at hindi tumanda.
Paano nga ba malalaman kung ang isang tao ay may peter pan syndrome? Makikita ito sa ilang kaugalian na masasabing “self-sabotaging.” May mga gawain sila na alam man nilang hindi makakatulong sa kalagayan, kanila paring ginagawa. Ang mga ito ay:
- Hindi pagtatrabaho kung walang motivation
- Papalit-palit na trabaho ngunit walang sineseryoso
- Pag-iwas sa pagbuo ng mga tamang koneksiyon
- Pag-abuso ng alak at masasamang bisyo
- Pag-asa sa mga pangarap na hindi ginagawan ng paraan para ma-abot
- Pagsisi sa mga bagay na wala sa kanilang kontrol bilang dahilan ng pagiging hindi successful
- Hindi paghahanap ng trabaho
Paano tutulungan
Para matulungan ang isang tao na may peter pan syndrome, makakabuting itigil ang pagsuporta dito. Kailangan nila na matutong tumayo sa sarili nilang mga paa. Mahirap man ito dahil sa kasanayan sa ating kultura, ito ang kailangan nila at ang makakabuti sa ngayon.
Unti-unting ipa-intindi sa kanila ang konsepto ng pagiging matanda. Kung matutulungan silang magkaroon ng trabaho, huwag silang biglain sa mabibigat na posisyon o responsibilidad. Simulan sa madadaling gawin at hayaan silang umangat sa sariling kakayahan.
Makakabuti din na ilayo sila sa mga maaaring magbigay ng distractions sa kanila mula sa pagpapabuti ng kalagayan. Kung sila ay laging nakatuon sa mga video games o sa kanilang mga gadgets, tulungan silang iwasan ang mga ito. Ito ay upang hindi sila bumalik sa kanilang mga nakagawian.
Mahirap mang makita na sila ay nahihirapan, makakabuti sa kanila ang ganitong pagtrato sa ngayon. Subalit, hindi ibig sabihin nito ay dapat silang talikuran kung talagang nangangailangan sila. Magbigay ng hangganan sa pagtulong upang hindi sila mapasama at hindi rin naman umabuso.
Basahin din: REAL STORIES: “Tinatago pa rin ng asawa ko ang mga gamit ng ex niya”
Source: theAsianparent Community, Psychology Today
Photo by Sajjad Zabihi on Unsplash
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!