Ang mga Philhealth benefits na nakukuha ng isang miyembro ay sadyang kapaki-pakinabang sa oras ng emergency at mga sitwasyon na nagkakaroon ng banta sa kalusugan ng isang Pilipino. Isa ito sa mga inaasahan ng mga Pinoy lalo na kapag nao-ospital sa sakit o karamdaman na nangangailangan ng magastos na gamutan.
Ang Philhealth ay isang sangay at programa ng gobyerno na naglalayong mabigyan ng health insurance ang bawat Pilipino. Ayon sa Philhealth, ay halos 93% na o 97 million ng populasyon ng Pilipinas ang covered ng social health insurance na ito.
Sa ilalim nga ng programang ito ng gobyerno ay mga benepisyong maaring magamit ng isang miyembro sa oras ng sakit, karamdaman o anumang problemang pangkalusugan. Napakalaking tulong nga ng Philhealth para sa mga Pinoy lalo na ngayon na laganap ang iba’t-ibang uri ng sakit sa Pilipinas.
Isa na nga sa mga sakit na ito ay ang nakakatakot na dengue na naitalang tumama sa 179,540 na Pilipino, Enero hanggang Nobyembre noong nakaraang taon. Samantalang umabot naman sa 907 na Pinoy ang naitalang binawian ng buhay noong nakaraang taon dahil sa mapanganib na sakit na ito.
Sa ngayon ay wala paring natutuklasang lunas sa sakit na ito ngunit ang early detection at ang access sa proper medical care ang sinasabing maaring magpapaba ng fatality rate nito. Dito pumapasok ang Philhealth benefits na maaring magamit sa oras na magkaroon ng dengue ang miyembro o sinumang dependent ng programang ito.
Dengue Philhealth benefits
Isa sa mga benepisyong makukuha ng isang miyembro ng Philhealth ay ang pagsagot ng ahensya sa mga gastusin ng pasyente sa ospital kabilang na ang hospital charges at professional fee ng doktor na nakadepende sa sakit o karamdaman ng isang pasyente.
Sa kaso nga ng dengue ay may magkakaibang benepisyong maaring matanggap ang isang miyembro o dependent sa ilalim ng programang ito na nakadepende sa deskripsyon o lala ng dengue fever. Ito ay ang mga sumusunod:
- Para sa mga pasyenteng nakakaranas ng Dengue na walang warning signs, Dengue hemorrhagic fever Grades 1 and 2 at Dengue hemorrhagic fever na walang warning signs ay may nakalaang P7,000 para sa hospital charges at P3,000 naman para sa professional fee ng doktor na may total na P10,000.
- Para naman sa mga pasyenteng nakakaranas ng Dengue at Dengue hemorrhagic fever na may warning signs ay may nakalaang ding P7,000 para sa hospital charges at P3,000 naman para sa professional fee ng doktor na may kabuuang P10,000.
- Samantalang para naman sa kaso ng Severe Dengue at Severe Dengue hemorrhagic fever ay may nakalaang P11,200 para sa hospital charges at P4,800 para sa professional fee ng doktor na may kabuuang P16,000.
Ang mga ito ay ang mga itinakdang presyo para sa mga kondisyon at pamamaraang medikal na ibinabawas ng Philhealth sa total bill ng isang miyembro o dependent nito na nakakaranas ng dengue. Ngunit para ma-iavail ang mga benepisyong ito ay may mga kondisyon ang Philhealth na kailangang sundin ng isang miyembro.
Mga kondisyon para maka-avail ng Philhealth benefits
1. Dapat ay nakalista bilang qualified dependent ang pasyente o ang taong may dengue.
Ang mga qualified dependents ng isang Philhealth member ay ang mga sumusunod:
- Legal na asawa
- Mga anak, lehitimo man o ampon na hindi bababa sa 21 years old.
- Mga anak 21 years old pataas na may congenital disability o kahit anong diability na nagiging dahilan upang maging dependent sa Philhealth member.
- Magulang na 60 years old pataas na hindi miyembro ng Philhealth ay may mababang income
- Magulang na sa kahit anong edad na may permanent disability
2. Dapat ay active o may qualifying contributions.
Sa ngayon ang isang Philhealth member ay maaring maka-avail ng Philhealth benefits kung siya ay nakabayad ng hindi bababa sa siyam na buwan na hulog o halaga ng premium sa loob ng labindalawang buwan bago kuhanin ang benepisyo.
3. Hindi pa ubos ang 45 days regular benefit limit.
Ang 45 days regular benefit limit ay ang bilang ng araw ng confinement o admission ng isang dependent sa hospital sa loob ng isang taon.
4. Naka-admit sa Philhealth accredited facility, ospital man o clinic na hindi bababa sa 24 oras.
5. Ginagamot ng isang Philhealth accredited doctor.
Maliban sa pagsunod sa mga kondisyon na ito ay kailangan ring ihanda ng isang miyembro ang mga sumusunod na dokumento para magamit ang kaniyang Philhealth benefits.
- Philhealth ID
- Philhealth MDR o Membership Data Record na kung saan nakasaad ang pangalan ng dependent ng miyembro na naospital o kukuha ng benepisyo
- Philhealt Claim Form na magmumula sa ospital o clinic na pinagpagamutan
Para naman sa mga karagdagan pang dokumento kung kakailanganin ay dapat itago ang lahat ng orihinal na kopya ng resibo na may kaugnayan sa pagpapagamot o Philhealth claim ng isang miyembro.
Sources: Philhealth, Rappler, Philstar, Philstar, World Health Organization (WHO), DOH
Basahin: Dengue: Mga kailangan mong malaman tungkol sa sakit na ito