Ipinahayag ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na sa ilalim ng Konsulta program ng Philhealth ay mayroon nang free mammogram, ultrasound, at diagnostic tests. Simula ngayong April 2024 ay mapakikinabangan na ito ng mga Philhealth member at ng kanilang beneficiary.
Free mammogram, ultrasound at diagnostic tests sa Philhealth Konsulta Program
Larawan mula sa Shutterstock
Sa naganap na press conference ng House of Representatives noong March 14, ibinalita ni Secretary Erwin Tulfo na aprubado na ngayong Abril ang libreng mammogram, ultrasound at diagnostic test sa ilalim ng Philhealth Konsulta Program.
“Ang una pong usapan with the speaker and Philhealth official ay July. Pero kahapon po, inaprubahan po ng board nila, lumalabas po na this April, April po, libre na po ang mammogram atsaka ultrasound for the breast para sa mga kababaihan na miyembro ng Philhealth at ‘yong kanilang beneficiary. Kung may mga anak po silang babae, pwede na pong magpatingin.”
Larawan mula sa Shutterstock
Ipinaliwanag din ni Tulfo kung paano pa ma-a-avail ng mga Philhealth member ang programang ito ng Philhealth.
Aniya, “Ang gagawin lamang po, mayroon pong program. Pumunta po kayo sa website ng Philhealth o sa Philhealth office. Magparehistro po kayo doon sa tinatawag na Konsulta program.”
“Ang Konsulta po ay isang programa ng Philhealth kung saan mamimili ka kung anong klaseng benepisyo ang gagamitin mo. Diagnostics po libre na rin po pala. Hindi po natin alam. Ang problema po kasi ay hindi po nadi-disseminate sa taumbayan.”
“Pati po diagnostics, x-ray, ECG, blood chem. Pwede na po. Papasok na po ‘yan doon sa Konsulta program.”
Larawan mula sa Shutterstock
Paliwanag pa ni Tulfo, hindi sa lahat ng ospital ay maaaring i-avail ang programa. Mayroon lamang umanong mga accredited hospital kung saan pwedeng makuha ng libre ang mga ito.
“Ang Konsulta program po ay mayroong 2,680 hospitals na myembro po dyan sa Konsulta. Doon po kayo pwede magpakonsulta. Hindi po lahat ng private hospitals pwede po kayong mag-pacheck up, mayroon lang po na listahan. You can go to the website [and check] ‘yong pinakamalapit na ospital po ninyo. Puntahan po ninyo ‘yun at kung kayo po ay nakapagrehistro sa Konsulta, libre na po ang inyong mammogram. Libre po ang inyong breast ultrasound. Gayundin po ‘yung mga diagnostic. So, starting po ngayong April ho ‘yan.”
Para sa iba pang detalye tungkol sa Philhealth Konsulta program, maaaring bisitahin ang link na ito.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!