Nagtataka ka ba kung paano gamitin ang Philhealth sa panganganak?
Sabi nila, malaking biyaya ang pagkakaroon ng sanggol, kaya naman magalak na tinatanggap ng buong pamilya ang (planadong) pagbubuntis. Pero mula sa unang araw ng pagbubuntis, marami agad itong kaakibat na gastusin, kaya naman nangangailangan ang mga ina ng mga benepisyo katulad ng PhilHealth maternity benefits.
Para maibsan ang mga gastusin sa pagdadala ng sanggol, mainam na malaman ng mga ina ang mga benepisyong galing sa gobyerno na siyang karapatan ng bawat ina.
Image from Freepik
Para sa mga miyembro ng PhilHealth, kasama sa PhilHealth Benefits ang Normal Spontaneous Delivery (NSD) at ang Maternity Care Package. Ang NSD Package ay nagagamit sa mga panganganak na nangyari sa mga “accredited” na ospital. Ang Maternity Care Package naman ay para sa mga panganganak sa mga bahay paanakan, midwife clinic, at lying-in clinic.
Paano gamitin ang philhealth sa panganganak
Ang mga nagbubuntis ay pwedeng makakuha ng PhilHealth benefits na may iba’t-ibang nasasakupan. Ito ay depende na rin sa uri ng panganganak, maging normal man ito o Cesarian. Dumedepende din ito sa uri ng ospital o medical facility kung saan mangyayari ang panganganak.
Para sa mga inang normal na manganganak sa isang maliit (Level 1) na ospital o kaya naman ay sa maliit na bahay paanakan katulad ng mga lying-in clinic o maternity clinic, ang kabuuang sakop ay Php8,000. Ang halagang ito ay para sa mga bayarin sa medical facility at propesyonal na nakatalaga sa panganganak, pati na rin sa prenatal care.
Ang break down ng PhilHealth Maternity Benefit na ito ay ang mga sumusunod.
P6,500 ay pwedeng gamitin sa:
- Propesyonal na bayarin para sa mga accredited na doktor, bayarin para sa mga pasilidad na gagamitin ng mga ina para sa panganganak at postpartum care, pati na rin ang counselling para sa reproductive health, breastfeeding, at newborn screening.
- Kwarto sa isang ospital o medical facility
- Kailangang gamot
- Bayarin para sa laboratoryo, supplies, at mga karagdagang operasyon/pagsusuri/procedure
- Bayarin para sa labor, panganganak, at recovery room
P1,500 ay pwedeng gamitin sa prenatal care services katulad ng:
- Kailangang gamot
- Mga pagsusuri sa laboratoryo at iba pang karagdagang procedure
- Bakuna para sa tetanus
- Professional fee ng mga doktor, hangga’t meron kang resibo
Image from Freepik
Para naman sa mga normal na panganganak sa mga ospital na may ranggong Level 2 hanggang 4, pareho sila ng sakop ng PhilHealth maternity benefits. Pero, ang matatanggap na halaga ay Php6,500, sa halip na Php8,000.
Ang halagang ito ay nahahati sa dalawang parte. Php5,000 para sa medical facility at professional fees, at Php1,500 naman para sa prenatal care. Ang benefit na ito ay sakop lang ang unang apat na normal na panganganak. Kaya masmabuti na huwag ka nang magkaanak ng lampas sa apat.
Sakop ng PhilHealth maternity benefits ang mga inang nanganak sa paraang Cesarian section. Para sa procedure na ito, makakakuha ang ina ng halagang Php19,000. Hinahati ng PhilHealth ang halagang ito sa dalawa: Php11,400 para sa hospital at medical fees, at Php7,600 naman pambayad sa doktor.
Sa Cesarian section, sakop lang ng PhilHealth ang una at pangalawang Cesarian section. Kasama na rin ang Cesarian delivery na resulta ng nabigong vaginal delivery dahil sa nakaraang Cesarian section.
Paano mag-apply para sa Philhealth maternity benefits
Para makapag-apply ka para sa Philhealth maternity benefits, kailangan mong magpasa ng iyong updated PhilHealth Member Data Record at kumpletong Claim Form sa PhilHealth.
Pwede mo ring tingnan ang iyong PhilHealth contribution online para hindi mo na kailangang pumunta sa pinakamalapit na PhilHealth office para lang tingnan ang iyong kontribusyon.
Dapat mo ring isama ang mga kinakailangang dokumento. Ito ay maaring mga opisyal na risibo, sertipiko ng kasal, at patunay ng pagkakakilanlan. Kailangan mong ipasa ang mga ito sa loob ng 60 araw mula sa pagkaka-discharge mo sa ospital.
Mga kinakailangan para sa Philhealth maternity benefits
Upang maging karapatdapat na tagapag-tanggap ng Philhealth maternity benefits, ang mga miyembro ng PhilHealth ay dapat magkaroon ng kinakailangang bilang ng kontribusyon bago ang buwan kung kailan ito mapapakinabangan.
1. Para sa mga miyembrong empleyado, kailangan nila ng hindi bababa sa tatlong buwang kontribusyon sa loob ng anim na buwan bago kuhanin ang benepisyo.
2. Para sa mga miyembrong indibidwal na nagbabayad, kailangan nila ng kabuuang siyam na buwang kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago kuhanin ang benepisyo.
3. Para sa mga miyembrong na-sponsor o OFW, ang benepisyo ay pwedeng makuha basta ang araw ng pagkuha ay nasa loob ng membership validity period.
Basahin:
Maternity and paternity leaves 101
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!