Sawa na ba kayo sa mga araw araw na paulit-ulit na meryenda? Nagrereklamo na ba ang inyong mga chikiting at naghahanap ng bago sa panlasa? Pwes, tara na at lutuin natin ang Special Pichi-pichi na tiyak magugustuhan ng inyong mga anak. Hindi lang pampamilya, pangnegosyo pa!
Mababasa sa artikulong ito:
- Sangkap sa pagluluto ng Pichi Pichi recipe
- Paraan sa pagluluto ng Pichi Pichi sa pinadaling recipe na ito
Hindi na bago sa ating mga Pinoy ang pagkamahilig sa kakanin, kaya naman sangkatutak na kakanin ang maimbento mula noon hanggang ngayon. Nariyan ang paborito ng lahat na puto, kutsinta, biko o sinukmani, suman, nilupak, maja, at kung anu-ano pa. Kadalasan, ang mga kakanin ay gawa sa malagkit na bigas, asukal, at gata ng niyog. Subalit ang Pichi pichi recipe ay isang uri ng kakanin na ginagamitan ng kamoteng kahoy o balinghoy(cassava). Pinakasimple at pinakamadaling iluto sa lahat ng kakanin na kinamulatan na natin.
Sapagkat sagana sa kamoteng-kahoy ang Pilipinas, naging pamalit ito sa kanin noong nagkaroon ng digmaan at tag-gutom sa bansa. Kadalasan nilalaga lamang ang mga ito at nilalagyan ng asin. Nagsisilbi itong pamatid-gutom, bukod kasi sa madali lang isaing, mabigat din ito sa tiyan. Hindi rin nangangailangan ng matagal na preparasyon para makain ito.
Yummy cheesy Pichi Pichi recipe. | Larawan mula sa iStock
Ilang putahe at kakanin na rin ang naisipan ng mga Pilipino upang hindi kasawaan ang pagkain ng kamoteng-kahoy. Naimbento ang nilupak, cassava cake, puto cassava, minatamis, ginataan, at pichi pichi.
Sa paggawa ng Special Pichi Pichi recipe, hindi nangangailangan ng maraming sangkap. Apat lamang ang pangunahing sangkap nito, kaya naman maski na sino, maaari itong lutuin.
Mga sangkap sa paggawa ng special Pichi Pichi recipe :
- ½ kilo ng kamoteng kahoy
- 2 tasang tubig
- ½ tasang asukal
- 1 kutsaritang lihiya (lye water)
- ½ tasa ng kinayod na buko
- Kinudkod na niyog (para sa toppings)
- Cheese (para sa toppings)
- Optional:
- 1 kutsaritang ube extract o
- 1 kutsaritang pandan extract
Kamoteng kahoy para sa pichi pichi recipe. | Larawan mula sa iStock
BASAHIN:
Camote Cue (Kamote Cue): Masustansiyang meryenda
Buko salad recipe: Masarap na panghimagas sa salu-salo
Leche Flan Recipe: Ang egg-cellent dessert na puwedeng ipang-negosyo
Mga paraan sa paggawa ng special Pichi Pichi recipe:
- Hugasan mabuti ang kamoteng kahoy. Balatan gamit ang malaking kutsilyo. Alisin ang mga bahaging may kulay itim. Hatiin sa gitna sa tanggalin ang parang ugat na kulay puti.
- Sa isang malaking bowl, kudkurin gamit ang pinakapinong butas sa kudkuran.
- Sa kinudkod na kamoteng kahoy, ilagay ang tubig at asukal. Haluing mabuti upang matunaw ang asukal. Ilagay ang kinayod na buko.
- Isunod na ilagay ang lihiya o lye water. Ingat sa paggamit nito, at siguraduhing tama ang sukat. Papait ang mixture kapag napasobra at delikado sa kalusugan ang sobrang lihiya sa katawan.
- Ilagay ang ube extract o pandan extract. Haluing mabuti at ilagay sa mga llanera ang mixture.
- Kailangan kumukulo na ang tubig sa steamer bago isalang dito ang mixture. Pausukan sa loob ng 30-35 minuto, depende sa kapal ng niluluto. Magiging translucent ang kulay nito kapag luto na. Palamigin sa loob ng dalawa hanggang tatlong oras upang maging buong-buo ang nalutong Pichi-pichi.
- Kapag malamig na, gamit ang kutsara, magscoop ng 1 kutsara ng nalutong Pichi-pichi at pagulungin sa kinudkod na niyog. Maaari ring ilagay sa plato bago lagyan ng kinayod na cheese sa ibabaw.
- Ihain kasabay ang mainit na kape o tsokolate.
Hindi lang meryenda ang maaring gawin sa Special Pichi-pichi, maaari din itong ibenta at pagkakitaan. Isama ang recipe na ito sa inyong diskarte menu plan para hindi lang mga chikiting ang happy, pati na rin si Mommy.
Larawan mula sa iStock
Mga Tip sa pagluluto ng Pichi Pichi recipe:
- Sa pagpili ng kamoteng kahoy, piliin ang katamtamang laki ngunit mabigat. Kailangan suriing mabuti upang magandang kalidad ang mabili.
- Kung walang mabilhan na lihiya o lye water, maaring gumamit ng baking soda solution. Maglagay lamang ng 1 tasang tubig at ¼ kutsaritang baking soda. Pakuluin sa loob ng limang minuto. Ito ang magsisilbing lye water. Itago ang liquid mixture sa airtight na garapon para magamit muli.
- Maaari ring gumamit ng ibang flavor bukod sa ube o pandan. Para sa colorful na Pichi-pichi, maglagay lang ng 5 patak ng gel based food color.
- Hinay hinay sa pagkain ang mga taong may mataas na level ng sugar sa katawan, dahil ang kamoteng kahoy ay nagtataglay ng mataas na porsyento ng carbohydrates dahil sa starch nito.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!