Nanay, pinatay at sinilid sa bag ang bagong silang na baby

Napag-alaman na ang ina raw ng pinatay na sanggol ay itinago ang kaniyang pagbubuntis sa mga kamag-anak at sa kaniyang asawa.

Isang nanay mula sa Baguio ang kasalukuyang nasa kustodiya ng mga pulis matapos malaman na mayroong siyang pinatay na sanggol. Ayon pa sa mga ulat ay kaniya raw ang baby, at halos kapapanganak lamang niya nang siya ay madakip ng mga pulis.

Pinatay na sanggol, natagpuan sa loob ng bag

Nangyari ang insidente sa Baguio, kung saan ang nanay raw ay nagpatingin sa doktor dahil sa pananakit ng tiyan. Dito, napansin ng doktor na nabuntis ang nanay, at kapapanganak lamang nito.

Agad niyang tinanong kung nasaan raw ang sanggol, at nang hindi makasagot ang ina, pina-check ng doktor ang bag ng ina. Dito, nakita ang bangkay ng sanggol, at nalaman na namatay ito sa asphyxiation o nahirapang huminga.

Nanganak raw siya sa banyo habang nagbabakasyon

Ayon sa ina ng sanggol, kagagaling lang raw nila mula sa bakasyon sa probinsya. Habang nasa bakasyon, nanganak raw siya sa isang banyo, at itinago ang sanggol sa loob ng bag.

Itinago raw niya ang kaniyang pagbubuntis sa asawa at mga kamag-anak, at kapag tinatanong ay sinasabi niyang mayroon siyang sakit.

Nagpatingin raw siya sa ospital dahil sa pananakit ng tiyan, at dito nalaman ang tungkol sa kaniyang panganganak. Hindi pa rin alam kung sino ang ama ng sanggol.

Kakasuhan ng infanticide ang ina dahil sa pagpatay ng sarili niyang anak.

Ano ang magagawa tungkol sa hindi inaasahang pagbubuntis?

Isang milagro ng buhay ang pagbubuntis at panganganak ng mga ina. Ngunit hindi nito ibig sabihin na madali ang pagbubuntis at pagkakaroon ng anak.

Importante ang pagiging handa, at ang pagkakaroon ng tamang mindset ng mga magulang bago sila magkaroon ng anak. Kaya’t maraming magulang rin ang nabibigla at hindi alam ang gagawin sa hindi inaasahang pagbubuntis.

Upang makatulong sa mga magulang, heto ang ilang mga tips na dapat nilang tandaan:

  • Importante ang buhay ng sanggol. Kahit na hindi nakaplano ang pagbubuntis ay hindi dapat balewalain ang buhay ng bawat sanggol.
  • Kumausap ng mga kamag-anak, o kaya kaibigan upang humingi ng payo kung paano maalagaan ng mabuti ang iyong anak.
  • Tandaan, hindi malas o unwanted ang mga sanggol na nagmula sa hindi inaasahang pagbubuntis. Biyaya ang bawat sanggol, at dapat silang mahalin at mabigyan ng magandang kinabukasan.
  • Kung sadyang mahirap ang pag-aalaga ng bata, o kaya ay minor de edad pa lamang ang ina, mayroong mga government agencies tulad ng DSWD na handang tumulong sa mga ina.

 

Source: GMA Network

Basahin: Sanggol muntik nang mamatay matapos pakainin ng mashed potatoes

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara