Para ipagdiwang ang National Women’s Month ngayong Marso, inihahandog namin ang The Asian Parent’s Marvelous Asian Mums 2021. Dito tinatampok namin ang mga nanay na tumutulong na mapabuti ang buhay ng kapwa nating mga babae. Isa sa pinaparangalan namin ngayong taon ay ang Pinay Doulas Collective.
Mababasa sa artikulo na ito ang:
- Background tungkol sa Pinay Doulas Collective
- Layunin ng Pinay Doulas Collective
- Paano sila nakakatulong sa mga kababaihan?
Ang TAP MAM feature sa theAsianparent Philippines of theAsianparent Philippines Marvelous Asian Mums, ay mga tao o grupo ng tao na malaki ang nagiging impluwensiya sa iba pang mga ina sa kanilang pagpapalaki sa kanilang mga anak. Ngayon nga ang isa sa mga ating ipi-feature ay ang Pinay Doulas Collective.
Ang Pinay Doulas Collective ay isa sa mga grupo ng mga babaeng ina na sinusuportahan ang mga kapwa nila mga ina pagdating sa pangangalaga at paghahanda sa babaeng buntis sa kaniyang panganganak, at maaari ring matakbuhan ng mga ina upang mapagtanungan patungkol sa kanilang mga nararanasan at pinagdadaanan.
Layunin ng kanilang grupo ay masiguro na ang bawat pagbubuntis at panganganak ng isang ina ay isang karanasang ligtas at hindi niya malilimutan.
Pregnancy Test: Kailan Dapat Gumamit Ng PT Para Malaman Kung Buntis
Ano ang Pinay Doulas Collective?
Ayon sa health website na WebMD, ang doula ay isang tao na nagbibigay ng emotional at physical support sa isang babae pagdating sa pagbubuntis at panganganak. Hindi sila medical professionals tulad ng mga midwife, nurse o doktor.
Pero ang ginagawa nilang suporta at paggabay sa isang ina ay may malaking ambag para masigurong ligtas at naaayon sa kaniyang kagustuhan ang magiging pregnancy journey niya. Ito ay kanilang nagagawa sa tulong ng kanilang pinag-aralang kaalaman at sariling karanasan.
Dito sa Pilipinas, may 12 kababaihan lang ang nagpapraktis ng propesyong ito. Karamihan nga sa mga doulang Pilipina ay nagmula sa grupong Pinay Doulas Collective na binubuo nina Ros Machachor, Cheryl Wong, Velvet Roxas, Patricia Soliman, Noelle Polack at Jen Faiwas. Lahat sila ay pawang mga ina, na may sapat na kaalaman at nagkaroon ng iba’t ibang karanasan sa pagdadalang-tao at panganganak na nais nilang maibahagi sa mga Pilipinang ina.
Sa pamamagitan ng isang eklusibong panayam ay nabigyan ng pagkakataon ang theAsianparent Philippines na makilala ang tatlo sa doula mula sa kanilang grupo.
Ito ay sina Doula Ros, Cheryl at Jen na nabigay ng dagdag kaalaman tungkol sa misyon ng kanilang grupo at ang pagbabagong ibinibigay nila sa karanasan ng isang ina sa pagdadalang-tao, panganganak at pangangalaga sa bagong silang na sanggol.
Image from Pinay Doulas Collective Facebook account
Paano nabuo ang Pinay Doulas Collective?
Kuwento nina Doula Jen, Cheryl at Ros, nagsimula ang Pinay Doulas Collective sa pagkakaibigan na sumusuporta sa breastfeeding at kahalagahan nito sa buhay ng isang sanggol. Sila ay nagkakilala noong 2013 sa grupong Breastfeeding Pinays na pinagsimulan ng kanilang ideya na mabuo ng kanilang grupo.
“We started as breastfeeding councilors. And then we realized na mas maso-solve ang problema ng mga kababaihan sa lactation kapag maagapan ito habang buntis pa or kahit hindi pa nga buntis. Ini-educate sila, tinuturuan, manganganak until kasama na ‘yong sa breastfeeding.”
Ito ang pagkukuwento ni Doula Cheryl na isang certified at trained doula mula sa Doulas of North America o DONA. Siya rin ay isang lactation educator na may training na nagmula naman sa Bastyr University sa Amerika.
Ano ang kanilang layunin?
Dagdag naman ni Doula Ros na isa ring certified at trained doula mula sa Doulas of North America at certified Lamaze childbirth educator, ang inspirasyon at misyon ng kanilang grupo ay ang mabawasan ang problemang kinahaharap ng mga ina kaugnay sa breastfeeding. Natukoy nga nila na maaari itong maiwasan mula sa pagbubuntis pa lamang na binase nila sa mismo nilang karanasan at ng iba pang kababaihan.
“Nakita naming mayroong problema ang mga breastfeeding moms at kailangang matulungan sila bago pa man sila mag-breastfed o habang buntis pa. Kaya nagkaroon ng Pinay Doula Collective.” “Sa pamamagitan nito ay natutulungan na ang nanay habang buntis pa lang. Inaalagaan niya ang buntis hanggang sa panganganak. Para pagdating niya sa breastfeeding mas maganda ‘yung foot forward niya. Magkaroon man siya ng challenges alam niya kung kanino siya magtatanong. Alam niya kung paano masosolusyunan ‘yung breastfeeding problem niya.”
Image from Pinay Doulas Collective Facebook account
Paano nila ito ginagawa?
Paliwanag naman ni Doula Jen, ang kanilang trabaho bilang isang doula ay nagsisimula sa oras na may isang buntis ang lumapit at humingi ng tulong nila.
“Kapag tinawag kami ng nanay, nandoon kami to peacefully help them. Nandoon kami para tulungan siya sa pushing pati sa ventilation ng breathing, anong posisyon na maaari nilang gawin para maka-cope sila doon sa pain ng nararanasan nilang contraction. At para sagutin ang iba pa nilang questions sa pagbubuntis at panganganak.”
Si Doula Jen ay isang trained doula mula sa Bebo Mia Inc at isang certified breastfeeding counselor.
Pero kaiba sa ibinibigay na kaalaman at support ng mga medical professionals, ang trabaho ng doula ay mas malalim. Sapagkat sila ang nagbibigay ng emotional at physical support na mas nagpapalakas sa loob ng isang bagong ina na magampanan nang tama at maayos ang bagong role niya.
Ginagawa nila ito mula sa pagbibigay ng mga kaalaman at impormasyon sa isang babae tungkol sa pagbubuntis at panganganak. Sa pagsama at paggabay sa kaniya sa bawat stage ng kaniyang pregnancy journey. Pati sa pagsuporta sa kaniyang aktwal na panganganak at pagbibigay ng post-partum care at assistance sa bagong panganak na ina at kaniyang sanggol.
“Ang salitang doula ay nagmula sa Greek language at ang direct translation niyan is a woman who serves. Sila ‘yong mga kababaihan na kapag may buntis sila yung pinupuntahan. Kapag may bagong kasal gustong magka-baby na sila ‘yong hinihingan ng advice. Kapag may nanganganak nandoon sila kahit hindi naman sila ang mismong kumadrona. At kapag nanganak na itong babaeng ito, sila naman ang aagapay sa kaniya sa pagpapasuso. Ganoon din sa pag-aayos sa bagong silang na sanggol at sa inang bagong panganak.”
Ito ang pagliliwanag ni Doula Ros sa kanilang propesyon bilang isang doula.
Image from Pinay Doulas Collective Facebook account
Paano sila nakakatulong sa mga kababaihan?
“’Yong amin kasing ginagawa sa isang birthing space is really physical, emotional and informational. Totoo naman na kung wala kang doula ay matutuloy parin ang birth. Pero we are making a difference doon sa experience ng mommy,” ani Doula Ros. “Palagi namin sinasabi sa mga clients namin, that if there’s one thing that will change you, it is this momentous event in your life na you want to remember. Ito ‘yong mga memories mo na magandang balikan. Magandang ikuwento sa mga anak mo.” “So kaming doula, we see that magiging maganda ang birthing experience ng isang mommy. Kami yung nagbi-bridge ng gap sa medical side ng birth at sa personal side ng nanay. Kami ‘yong tumutulong sa kanila, nagpapaalala na ito na ‘yong gusto mo. Ito ‘yong goal mo.”
Ang mga ito ayon naman kay Doula Cheryl, ang kanilang nagagawa umano sa pamamagitan nang pagbibigay ng workshop at classes sa mga ina tungkol sa fertility, pregnancy, birth, postpartum, breastfeeding at parenting. Pati na sa pagiging isang kaibigan at kapwa babae na mapagkukunan nila ng advice base sa sarili rin nilang karanasan bilang isang ina. Pahayag niya,
“Your doulas, they will never be the reason why you have the birth that you had. It is always you to decide for yourself. Kami support lang kami women empowerment. And we provide you information and option that are evident-based at hindi haka-haka.”
Image from Pinay Doulas Collective Facebook account
Mensahe para sa mga ina
Paalala naman ni Doula Jen sa mga mommies, huwag mahiyang magtanong. Kung nais namang makakuha ng kaalaman tungkol sa pagbubuntis at panganganak ay mabuting lumapit sa mga taong mapagkakatiwalaan mo. Tulad nilang mga doula na may training at sapat na kaalaman pagdating dito.
Sa tulong ng Pinay Doulas Collective, ay maaari mong matupad ang dream birth mo. Ito ay magagawa mong posible sa tulong ng kanilang expertise na mas magbibigay kahulugan sa buhay mo bilang isang ina.
“Sa Pinay Doula we always say that you are the author of your own birth story. And you have to power to write it beautifully. That’s our tagline.” “It is always you. So ‘yong sinasabi nila na seek informaiton, seek support and know your options. Kasi it is one of your cornerstones in your life as a parent, and a cornerstone of your child’s life. Kaya kung maisusulat mo ‘yon in such a beautiful way, then everything else will fall into place. Kami as doulas we’re just here to guide to write that beautiful story.”
Ito ang pahayag pa ni Doula Ros.
Kung nais na mahingi ang kanilang tulong at serbisyo, maaring makipag-ugnayan sa Pinay Doulas Collective sa pamamagitan ng kanilang website na pinaydoulascollective.com/ o sa pamamagitan ng kanilang official Facebook account na Pinay Doulas Collective.
Source: WebMD
Images from Pinay Doulas Collective Facebook account