Ilang araw bago malaman na buntis ang isang babae? Pagkatapos makipagtalik, ilang araw bago malaman na buntis ka? 1 week delayed buntis na ba? Malamang ito ang mga katanungang bumubuo sa isipan mo kung ngayong nag-aalala ka kung nagdadalang tao ka nga ba.
Sexually active ba kayo ng partner mo at naghahangad na makabuo? Malamang ay excited na kayong malaman kung may i-e-expect ba kayong baby matapos ang siyam na buwan.
Marahil ay gusto mo na agad bumili ng pregnancy test (PT) kit para malaman agad kung nagbunga ba ang inyong pagmamahalan. May ilang mga bagay na kailan tandaan bago ka mag-take ng pregnancy test at aalamin natin iyan sa artikulong ito.
Ilang araw bago malaman na buntis ang isang babae?
Sa mayroong regular na menstruation, ilang araw nga ba bago malaman na buntis ka?
Ang missed period ang unang palatandaan na maaaring buntis ang isang babae. Kaya nga sa araw na ine-expect mo sanang magkakaregla ka na at hindi dumating, mapapatanong ka ng: “Buntis na nga ba ako?” Ang sagot dito? Maaaring mayroong laman na nga ang tiyan na baby pero maaari ring wala namang nabuo.
Para naman sa may irregular menstruation, ilang araw bago malaman na buntis ka? May kahirapan itong tukuyin. Para sigurado, may isang paraan lang para masagot ang agam-agam nating ito.
Ito’y sa pamamagitan ng pregnancy test kit na common nang ginagawa ng mga nacucurious kung buntis nga ba sila. Mayroong two way na maaaring gawin ng babaeng nais malaman kung siya ay buntis.
Maaring sa pamamagitan ng pagkuha ng sample sa dugo o ang blood test. Ito ay madalas na ginagawa sa mga clinic o ospital. Isa sa paraan din naman ay sa pamamagitan ng urine test. Ito naman ay ginagawa gamit ang over-the-counter pregnancy test na puwedeng gawin kahit pa nasa bahay lang at mag-isa ka.
Ayon sa mga eksperto, may mga pagkakataon na maaring hindi maging accurate ang resulta ng home o over-the-counter pregnancy test.
Ito ay dahil sa iba’t ibang factors, katulad na lang ng mga sumusunod:
- Maaaring mali ang paraan ng pagkuha ng ihi dahilan para magresulta sa maling impormasyon.
- Masyadong maaga na nagtetest at hindi kaagad nadedetect ng pregnancy kit kung buntis ba o hindi.
Kaya naman mahalagang malaman kung kailan o ilang araw bago malaman na nagdadalang-tao ang isang babae. Dahil ito rin ang araw na kung kailan dapat magsagawa ng pregnancy test upang makumpirma ang pagbubuntis.
Baby photo created by freepik – www.freepik.com
Ano ang home o OTC pregnancy test?
Ilang araw bago malaman na buntis ang babae pagkatapos makipagtalik? Ayon sa experts, kinakilangan daw na maghintay ng 21 days mula nang huling makipagtalik nang walang proteksyon. Dito na kadalasang ginagamit ang home o OTC pregnancy test
Ang home o OTC pregnancy test ay isang uri ng test na tumutukoy sa pagbubuntis sa pamamagitan ng pag-dedetect ng hormone. Tinatawag itong human chorionic gonadotropin o HCG sa ihi.
Ang hormone na ito ay nagiging present lamang sa katawan ng babae sa tuwing may fertilized egg na naka-attached sa uterus o uterine lining ng babae. Ito ang palatandaan na nagsisimula na ang pagdadalang-tao.
Isinagawa ang OTC pregnancy test, una sa pamamagitan ng pagkolekta ng ihi ng babae. Mas magandang ginagawa ito sa umaga pag-gising para sa mas accurate na resulta. May iba-ibang paraan naman kung paano mate-test ang nakolektang ihi.
Maaring ito ay sa pamamagitan ng pagpatak ng ihi gamit ang dropper sa isang special container na kung saan masusuri ito. O kaya naman ay sa pamamagitan ng paglubog sa ihi ng isang testing stick na magtutukoy na kung positibo ba o negatibo ang pagdadalang-tao.
Dito sa Pilipinas ang madalas na pregnancy test kit na ginagamit ay ang ipinapakita kung positibo ba ang pagbubuntis sa tulong ng linya. Kung negatibo (hindi buntis) ay may isang linya ang lalabas sa pregnancy test. Positibo namang nagdadalang-tao kung dalawang linya ang lalabas sa test.
False positive o false negative
Pero may mga pagkakataon na maaring magkaroon na false positive o false negative na reading ang mga pregnancy test. At maiiwasang mangyari ito kung gagawin ang test sa tamang panahon o stage ng pagbubuntis.
Mayroong faint second line ang PT
May mga pagkakataon din na hindi klaro ang pangalawang linya. Dito nagkakaroon ng pagkalito kung positive ba o negative ang resulta. Kadalasang inaabisuhan na subukang mag-PT muli matapos ang 3-7 araw. Maaari kasing hindi pa ganoon kataas ang HCG para ma-detect ito nang mabuti.
Kung sa susunod na PT ay malabo pa rin ang pangalawang linya, mabutihing magpa-konsulta na agad sa iyong OB-GYN. Karaniwan na magre-request ang duktor ng blood test para malaman kung may kumplikasyon ba ang pagbubuntis.
Kailan ang tamang panahon para mag-try ng pregnancy test for accurate result?
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Pagkatapos makipagtalik, ilang araw bago malaman na buntis ka?
Ayon sa UK National Health Services, ang pagte-take ng pregnancy test ay dapat isinasagawa sa unang araw ng missed period ng isang babae.
Kung hindi naman alam o nalimutan kung kailan dapat ang simula ng kaniyang regla ay maari niya ring gawin ang test 21 days matapos siyang magkaroon ng unprotected sex. Ito ang panahon na kung saan detectable na ang levels ng HCG sa kaniyang katawan.
Pahayag ng mga eksperto, puwede ring gawin ang pregnancy test sa kahit anong oras. Pero para sa mas accurate na resulta ay ipinapayong gawin ito sa umaga pagkagising. Dahil rito pa concentrated ang iyong ihi at mas mataas ang level ng hCG kung nagbubuntis ka.
Iba pang palatandaan na maaaring buntis ang isang babae
Samantala, maliban sa missed period, may iba pang sintomas na maaring maramdaman ang isang babae na nagpapahiwatig na buntis siya. Ang mga ito ay ang sumusunod.
Para masuportahan ang lumalaking sanggol sa sinapupunan ay nagkakaroon ng malaking pagbabago sa katawan ng isang babae. Partikular na sa mga hormones na mayroon ang kaniyang katawan tulad ng estrogen at progesterone na mas tumataas ang level kapag siya ay buntis.
Ang mga hormones na ito ang nagdudulot ng pagbabago sa kaniyang katawan. Tulad na lang sa kaniyang suso na naninigas at tila mas lumalaki kapag nagdadalang-tao.
Ito ay dahil sa dagdag na flow ng kaniyang dugo na dahilan rin kung bakit nagiging sensitive ang kaniyang nipples at utong. At kung bakit tila nangingitim ang balat na nakapaligid dito na tinatawag na areola.
2. Mild cramps o implantation cramps.
Tulad ng paparating na regla, ang pagbubuntis ay maaari ring magdulot ng pananakit ng puson ng isang babae. Ito ay tinatawag na implantation cramps na dulot ng nag-aattach na fertilized egg sa lining ng uterus ng buntis.
3. Implantation spotting.
Maari ring makaranas ng light spotting o bleeding ang isang babaeng nasa early stage palang ng pagbubuntis. Ito ay tinatawag na implantation spotting na madalas na nararanasan 10-14 days matapos magsimula ang pagbubuntis. Nangyayari ito dahil pa rin sa nag-attach na fertilized egg sa lining ng uterus ng buntis.
Ito ay madalas na mapagkakamalang mahinang regla o light period. Maaring kulay pink, red o brown ito na mapapansin sa tuwing magpupunas ng ari ang isang babae. Mararanasan ito ng hanggang sa 3 araw na maaaring sabayan ng pananakit ng puson.
Kapag nagbubuntis ang isang babae ay nadagdagan o mas bumibilis ang daloy ng kaniyang dugo upang matutustusan ang pangangailangan ng nagde-develop na sanggol sa kaniyang sinapupunan.
Ito ang dahilan kung bakit mas nagiging mainit ang kaniyang katawan. Mas nagiging mainit pa nga ito sa tuwing siya ay nag-iexercise o nasa mainit na lugar. Kaya naman ipinapayong ang babaeng buntis ay magdahan-dahan sa pag-iexercise at uminom ng maraming tubig.
5. Fatigue o labis na pagkapagod.
Ang pakiramdam ng sobrang pagkapagod ay isa rin sa pangunang sintomas ng pagbubuntis. Ito ay dahil tumataas ang level ng hormone na progesterone sa katawan ng babae na dahilan kung bakit siya rin ay nagiging antukin.
Sa stage na ito ng pagbubuntis, ipinapayong matulog ng sapat ang isang babaeng buntis na mahalaga rin sa development ng kaniyang sanggol.
Ano-ano ang mga senyales na dapat tignan para malaman kung buntis ka?
Woman photo created by valuavitaly – www.freepik.com
Ang morning sickness ang isa rin sa unang palatandaan ng pagdadalang-tao. Nag-dedevelop ito sa ika-4 hanggang 6 na linggo ng pagbubuntis at maaring maranasan kahit anumang oras.
Isa sa sinasabing dahilan kung bakit nararanasan ng isang buntis ang morning sickness, nausea at pagduruwal ay dahil pa rin sa hormone changes sa kaniyang katawan.
7. Pagiging moody.
Ang sintomas na ito ng pagbubuntis ay dulot parin ng hormonal changes sa kaniyang katawan. Mas magiging reactive o emotional ang isang babae dahil dito. Mas mabilis rin siyang makaramdam ng irritability, depression, anxiety at ganoon rin ang labis na kasiyahan.
Ang maya-mayang pag-ihi ay isa sa epekto ng mabilis na daloy ng dugo sa katawan ng isang buntis. Dahil sa mabilis na daloy na dugo ay nag-proprocess ng mas maraming fluid ang kaniyang kidney.
Kaya naman mas mabilis na mapuno ang kaniyang bladder at maya-maya siyang umiihi. Dahil dito ay ipinapayong uminom ng mas maraming tubig ang buntis upang maiwasan siyang ma-dehydrate.
Maari ring makaramdam ng bloating o constipation ang isang babaeng nagdadalang-tao. Ito ay dulot parin ng hormone changes sa kaniyang katawan na nagpapabagal sa paggalaw ng kaniyang digestive system.
10. Mas mabilis na tibok ng puso.
Dahil parin sa hormones na ipino-produce ng pagbubuntis ay mas bumibilis ang tibok ng puso ng isang babaeng nagdadalang-tao. Mas bumibilis pa nga ito kapag nasa ika-8 o 10 ng linggo na ng pagbubuntis.
Mataas rin ang tiyansa na makaranas ng high blood o pagkahilo ang isang babaeng nagdadalang-tao. Sinasabing maaring mag-develop ito bago pa man ang pagbubuntis o kaya naman ay sa oras na magdalang-tao na ang isang babae. Ang itinuturong dahilan kung bakit ito nag-dedevelop sa pagbubuntis ay dahil sa dagdag na timbang ng babaeng nagdadalang-tao o ang kakulangan niya sa physical activity.
12. Sensitivity sa pang-amoy at pagiging mapili sa pagkain.
Ang pagiging sensitive sa pang-amoy ay isa sa madalas na nararanasan ng mga babae sa simula ng pagbubuntis. Ito rin ang sinasabing dahilan kung bakit nakakaranas ng nausea o pagduduwal ang isang babae. Ganoon rin kaya nagiging mapili siya sa mga pagkaing gusto niyang kainin.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa pangunang sintomas ng pagbubuntis na maaring makumpirma ng isang babae sa pamamagitan ng pagtetake ng pregnancy test.
Isang mahalagang paalala, ano pa man ang maging resulta ng pregnancy test na isinagawa sa inyong bahay negatibo man o positibo ay mabuting magpunta na agad sa doktor. Lalo na kung ikaw ay nakakaramdam ng mga nabanggit na sintomas na maaring dulot rin ng iba pang kondisyon.
Paano dapat inaalagaan ang katawan sa panahon ng pagbubuntis?
Hindi biro ang pagbubuntis, sa panahong ito dalawang buhay ang kinakailangang bigyang pansin. Mayroong mga kababaihang hindi gaano kaselan, pero mayroon din na mga sensitive sa panahon ng pregnancy. Paano mo ba dapat bigyang pansin ang katawan? Subukan ang mga sumusunod na paraan kung ikaw ay nagdadalang tao:
Kahit sa hindi buntis, alam ng lahat ng mahalaga ang pagkain ng healthy foods para sa tao. Sa pregnant mom, mas mahalaga ito dahil kailangan ni baby ng enough nutrients para lumaki siyang healthy at strong.
Kinakailangan mong kumain ng maraming prutas at gulay maging ng calcium-rich foods para malusog siya sa loob ng iyong tiyan.
Uminom ng multivitamins para sa buntis
Kung minsan, kulang ang pagkain lamang. Magandang mayroon ka rin prenatal multivitamins para ma-ensure nito na mayroon kang tamang amount ng nutrients na kailangan ni baby. Humanap ng vitamins na mayroong folic acid, calcium, at iron.
Huwag kalimutan ang check-ups
Importanteng namomonitor ang health at progress ng inyong pregnancy. Dapat hindi nakakalimot na bumisita sa iyong doktor upang maiwasang maging underweight o magkaroon ng ibang kumplikasyon si baby.
Umiwas sa kahit anong bisyo
Ang lahat ng bisyo ay nakakasama para sa bata. Iwasang uminom ng alcohol before, during, at after ng pregnancy. Nakakataas kasi ng chance ang mga bisyo sa ilang abnormalities para sa iyong baby. Kung minsan pa, maaari itong mauwi sa miscarriage o pagkalaglag ng bata.
Malaking factor sa health ang pagkakaroon ng labis-labis na stress. Mas mainam kung iwasan ang mga bagay na nagbibigay sa iyo ng problema para hindi makaapekto kay baby.
Bigyan ng oras ang sarili na makapagpahinga
Esesnyal ang pahinga sa pagbubuntis. Gumawa ng paraan para makatulog nang 8 hours kada araw. Huwag ding gumampan ng mabibigat na trabaho at gawain upang hindi makaapekto sa baby.
Karagdagang ulat mula kay Angerica Villanueva
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!