Safe ba makipagsex after menstruation? Mabubuntis ba pagkatapos ng period kung makikipagtalik? Ito ang tanong ng marami sa ating mga babae.
Lalo na sa mga hindi pa handang magbuntis. Para malinawagan at masagot ang iyong katanungan ay magpatuloy sa pagbabasa ng artikulong ito.
Safe ba makipagsex after menstruation/ Image from Freepik
Safe ba makipagsex after menstruation?
Ayon sa mga eksperto, ang pakikipagtalik na walang proteksyon ay laging may kaakibat na tiyansa ng pagbubuntis. Kahit na ang pagtatalik ay ginawa habang mayroong regla ang isang babae o katatapos lang nito.
Paliwanag ng mga eksperto, ito ay dahil ang sperm ng lalaki ay maaaring mabuhay sa loob ng katawan ng babae hanggang sa limang araw matapos ang pagtatalik. Ang pagbubuntis ay maaaring mangyari sa oras na ang sperm na ito ay nakipagpares sa egg cell ng babae.
Para sa mga babaeng may average 28-30 days na menstrual cycle, may posibilidad na mabuntis kung makipagtalik ilang araw bago matapos ang period.
Sakaling nakipag-sex ang babae bago matapos ang period at nag-ovulate siya nang maaga, posibleng mabuntis ito. Upang maiwasan na mabuntis, makatutulong ang paggamit ng birth control condoms, o iba pang barrier method.
Mabubuntis ba kapag pagtapos magkaroon ng menstruation at makikipagtalik?
Kaya ang sagot sa tanong na kung mabubuntis ba ang isang babae kung siya ay makikipagtalik pagkatapos ng kaniyang period ay, OO. Bagama’t ayon sa mga eksperto ay mababa ang tiyansa nito. Lalo na kung hindi pa nagaganap ang ovulation o hindi pa nag-rerelease ng eggs ang ovaries ng babae.
Para sa karamihan ng mga babae, ang ovulation ay nagaganap sa day 14 ng kanilang menstrual cycle. Habang may ilang babae naman ang nararanasan ang ovulation ng mas maaga pagkatapos ng kanilang menstruation.
Sila ang may mataas na tiyansa na magbuntis kung makikipagtalik pagkatapos ng kanilang regla. Kaya para maiwasan ang pagbubuntis ay mas mabuting mai-track ang ovulation at maiwasan ang pakikipatalik sa mga araw na nagaganap ito.
Paano ba malalaman kung nag-o-ovulate ang isang babae?
Upang mas maunawaan ang tungkol sa ovulation ay kailangan munang maging aware ng isang babae sa kaniyang menstrual cycle.
Ang menstrual cycle ng isang babae ay nagsisimula sa first day o unang araw ng kaniyang regla. Ito naman ay magtatapos sa unang araw ng susunod niyang regla sa panibagong buwan.
Ang ovulation naman ay nagaganap sa tuwing may mature egg na inilabas ang ovary ng babae. Nangyayari ito isang beses sa isang buwan at madalas ito ay nagaganap ika 12-14 na araw ng menstrual cycle.
Ito ang mga araw na ipinapayong huwag munang makipagtalik ang isang babae. O kaya naman ay gumamit ng proteksyon upang hindi mabuntis. Sapagkat sa loob ng mga araw na to ay mataas ang tiyansa ng pagbubuntis na maaaring magsimula 6-12 days matapos ang ovulation.
Kaya para makasigurado mabuting gumamit ng proteksyon o contraception. O i-track ang iyong ovulation at makipag-talik 36-48 na oras matapos nito kung kailan mababa na ang tiyansa ng pagbubuntis.
Paano malalaman kapag fertile ang babae?
Maliban sa pagta-track ng ovulation, makakatulong din ang pagta-track ng fertile window ng isang babae para maiwasan ang pagbubuntis.
Ang babaeng fertile ay sinasabing mas mataas ang tiyansa o mas may kakayahang magbuntis. Mula sa mga impormasyong nauna ng nabanggit, ang babae ay fertile sa oras ng ovulation na kung saan nagre-release ng egg ang kaniyang ovaries na kung ipapares sa sperm ng lalaki ay magiging simula ng pagbubuntis.
Kaya para maiwasan ang pagbubuntis kung walang ginagamit na birth control method ay mabuting alamin ang iyong fertile window na magagawa sa sumusunod na paraan:
Paraan kung paano malalaman ang fertile window ng isang babae
1. I-record ang simula at pagtatapos ng iyong menstrual cycle sa loob ng 8-12 buwan. Tandaan na ang iyong menstrual cycle ay nagsisimula sa 1st day ng iyong regla at nagtatapos sa 1st day ng sumunod mong regla.
2. Bilangin kung ilang araw nagtatagal ang iyong menstrual cycle kada buwan. Madalas ito ay tumatagal ng 27-30 na araw.
3. Isulat o markahan ang mga buwan na may pinaka-mahaba at pinaka-maikling menstrual cycle.
4. Alamin ang unang araw ng iyong fertile window sa pamamagitan ng pag-susubstract ng 18 days sa pinaka-maikli mong menstrual cycle.
Halimbawa:
27 days (menstrual cycle) – 18 days = 9 (Ito ang unang araw ng iyong fertile window)
5. Sunod na alamin ang last day ng iyong fertile window. Gawin sa pamamagitan ng pagsusubstract ng 11 days sa pinaka-mahaba mong menstrual cycle.
Halimbawa:
30 days (menstrual cycle) – 11 days = 19 (Ito ang huling araw ng iyong fertile window)
Mula sa nakalap na sagot, mabuting umiwas muna sa unprotected sex sa ika-9 hanggang sa ika-19 na araw ng iyong menstrual cycle. Ito ang mga araw na fertile ka at mataas ang tiyansa na magbuntis. Sa loob rin ng mga araw na ito nagaganap ang ovulation.
BASAHIN:
6 dahilan kung bakit nade-delay ang menstruation
10 rasong kung bakit biglang humina ang menstruation
10 apps na makakatulong mag-track ng period at fertile days
Iba pang paraan kung paano malaman na fertile ang isang babae
Maliban sa pagtukoy ng fertile window, may iba pang paraan kung paano matutukoy kung ang isang babae ay fertile. Ito ay sa pamamagitan ng sumusunod:
Basal body temperature
Ang mga babaeng fertile, ayon sa siyensa ay mas mataas na basal temperature. Ito ang temperature ng katawan kapag walang ginagawa o nagpapahinga.
Habang o pagkatapos ng ovuation ng isang babae ay tumataas ito ng bahagya ng 0.5°F o 0.3°C. Kaya para malaman kung fertile ka ay mabuting i-check ang iyong temperature araw-araw pagkagising sa umaga.
Iwasan na muna ang unprotected sex na oras na tumaas ng bahagya ang iyong basal temperature. Lalo na kung ito ay pasok sa araw ng iyong fertile window o sa mga araw na nagaganap ang ovulation.
Cervical mucus
Isa pang palatandaan sa mga babae na nalalapit na ang ovulation ay ang pagdami ng cervical mucus na lumalabas sa kaniya. Ito ay dahil mas tumataas ang estrogen level ng katawan sa mga panahong ito kaya naman mas dumadami din ang napo-produce ng mucus ng kaniyang cervix.
Kung ika’y naglalabas ng mas maraming mucus na clear at stretchy na maihahalintulad sa puti ng itlog, palatandaan ito na fertile ka at may mataas na tiyansa na mabuntis.
Ovulation predictor kits
May mga ovulation predictor kits din ang maaaring mabili na makakapag-track kung malapit ka ng mag-ovulate.
Gamit ang iyong ihi ay ma-tretrace nito ang ovulation. Sapagkat sa oras na nalalapit na ang ovulation ay tumataas ang level ng luteinizing hormone o LH sa katawan ng babae na masusukat sa ihi. Madalas nagkakaroon ng pagtaas sa level nito 24-48 hours bago ang ovulation.
Paggamit ng birth control method para maiwasan ang pagbubuntis
Photo by Reproductive Health Supplies Coalition on Unsplash
Para maiwasan ang pagbubuntis gamit ang mga nabanggit na paraan ay kailangan maging matandain ng isang babae. Sapagkat ang pagkakamali sa bilang o paraan ng pagta-track ay maaaring magdulot ng hindi planadong pagbubuntis.
Kaya payo ng mga eksperto para makasigurado ay gumamit ng birth control method. Ngunit bago ito gawin ay magpakonsulta muna sa iyong doktor.
Upang malaman kung ano bang method ang angkop sa iyo. Ang mga birth control method na maari mong pagpiliang gamitin ay ang sumusunod.
1. Condom
Isa sa mga modern family planning method na inirerekumendang gamitin ng mga health expert sa mga magkarelasyon, ang paggamit ng condom.
Ipinapayong isuot ito ng mga lalaki sa kanilang ari bago magsimula ang penetration. Ginagawa ito upang mapigilan na mag-travel ang sperm papasok sa vagina na babae na maaaring magsimula ng pagbubuntis.
2. Pills
Isa pang birth control method na ginagamit ng maraming babae sa ngayon ay ang oral contraceptive pills. Ito ay 99% effective kung tama ang paggamit at pare-parehong oras ang pag-inom.
May dalawang uri birth control pills. Una, ang progestin only pill at ang pangalawa ay ang combined oral contraceptive pill. Ang progestin only pill ay ang ipinapayong inumin o gamitin ng mga inang nagpapasuso.
Sapagkat ito’y hindi nakakaapekto sa kaniyang breastmilk supply. Hindi tulad ng combined oral contraceptive pill na maaaring makapagpahina o makapagpatigil ng supply ng gatas ng ina.
3. Implant
Ang implant ay isang maliit na tube na nilalagay sa braso ng isang babae. Nagre-release ito ng etonogestrel isang uri ng progesterone na nakakatulong para makaiwas sa pagbubuntis.
Ang isang implant ay maaaring tumagal ang effectivity ng hanggang tatlong-taon na maaaring mag-dugo kung hindi maiingatan.
4. IUD o Intra-uterine device
Samantala ang isa sa uri ng birth control na may 99% at pinakamatagal na effectivity sa isang babae, ang IUD. Isa itong maliit na T-shaped metal na nilalagay sa uterus ng isang babae. Nilalagay ito upang hindi makapasok ang sperm sa loob ng vagina ng babae at maabot ang mga egg cells. Iniiwasan din nito na makabuo ang uterus ng lining na pagdidikitan ng isang fertilized egg.
5. Injectable
Isa pang uri ng birth control method na ginagamit sa Pilipinas, ang injectable o Depo-Provera. Ang injectable ay nagtataglay ng progestin na itinuturok sa braso ng isang babae isang beses kada tatlong buwan.
Ipinapayo itong gamitin ng mga babaeng may hypertension. Sapagkat tulad ng progestin only pill ay hindi ito nakakaapekto sa kaniyang blood pressure. Isa sa sinabing epekto ng injectables sa katawan ng mga babaeng gumagamit nito ay ang pagnipis ng lining ng kanilang matris. Dahilan kung bakit sa katagalan ay hindi na nireregla ang mga babaeng gumagamit nito.
6. Emergency contraceptive pills
Mayroon ring tinatawag na emergency contraceptive pills o ecp. Ito ang pills na iniinom matapos ang pagtatalik. Sinasabing pinipigilan nito ang sperm na ma-fertilize ang egg ng isang babae upang hindi magsimula ang pagbubuntis.
Pero dito sa Pilipinas ay dini-discourage ang paggamit nito. Dahil sa ito ay maraming side effects at hindi rin 100 percent na epektibo.
Epektibo ba ang withdrawal method para hindi mabuntis?
Ang withdrawal method ay paraan ng birth control kung saan ay agad na inilalabas ng lalaki ang kaniyang ari bago ito labasan o mag-ejaculate.
Ginagawa ito para maiwasan na maiwan sa loob ng babae ang semilya ng lalaki at hindi mabuntis ang babae. Tinatawag ding pull-out method o coitus interruptus ang method na ito.
Kailangan ng matinding kontrol ng lalaki at akmang timing bago ang orgasm kung ganitong birth control method ang kanilang gagawin ng partner.
Kailan safe ang withdrawal method para hindi mabuntis? Ayon sa Web MD, hindi ganoon ka-reliable ang method na ito para maiwasan ang pregnancy.
Kaya naman, kung ayaw pang mabuntis o hindi pa handa ang mag-partner na magkaroon ng anak, mahalagang huwag umasa sa withdrawal method bilang birth control.
Lalo na kung makikipagtalik nang malapit na ang ovulation period ng babae. Mahalagang i-track ang ovulation days ng babae.
Bukod dito, narito pa ang ilang mga maaaring gawin para maging epektibo ang withdrawal method at maiwasan ang pregnancy:
- Mag-take ng birth control pills o gumamit ng condom.
- Gumamit ng spermicide. Kemikal ito na nakapapatay ng sperms.
- Dapat na umihi muna ang lalaki bago makipagtalik para ma-clear out ang anomang sperm na nasa ari nito bago ang sex.
- Kapag nag-ejaculate ang lalaki, tiyaking walang fluid mula sa ari nito ang mapupunta sa upper thighs o groin ng babae. Ang sperm na nasa bahagi ng katawan na malapit sa vagina ay maaaring gumapang papasok ng ari ng babae.
Mahalagang maging consistent sa mga paraan na ito. Gawin ang mga hakbang na nabanggit tuwing makikipagtalik gamit ang withdrawal method bilang birth control.
Subalit, tandaan na hindi ka maproprotektahan ng pull-out method mula sa ano mang sexually transmitted disease tulad ng HIV, chlamydia, gonorrhea, herpes, o syphilis.
Infections na maaaring makuha sa pakikipag-sex during menstruation
May menstruation man o wala, may risk ng infection sa pakikipagtalik. Ito man ay oral, anal, vaginal sex, o ano mang skin-to-skin genital contact.
Mayroong dalawang uri ng impeksyon na maaaring makuha sa sexual activity. Ang una ay ang changes sa normal vaginal flora. Maaari itong magdulot ng yeast infections at bacterial vaginosis.
Mataas ang risk ng pagkakaroon ng yeast infection during menstruation dahil sa hormonal changes na nararanasan ng babae kapag nireregla.
Bagama’t maaaring magkaroon ng yeast infections kahit walang sexual activity, maaaring kumalat ang yeast infections sa pamamagitan ng vaginal-penile sex.
Kapag nakipagtalik ang lalaki sa babaeng may yeast infections maaaring maging inflamed ang ulo ng ari nito. Tinatawag na balanitis ang kondisyon na ito.
Samantala, ang ikalawang uri ay ang sexually transmitted infections (STI). Maaaring magkaroon ng mga sumusunod na sakit kung makikipagtalik nang walang barrier.
- Genital warts
- Hepatitis B
- HIV
- Human papillomavirus (HPV)
- Syphilis
- Scabies at pubic lice
- Herpes
- Gonorrhea
- Chlamydia
- Molluscum contagiosum
- Trichomoniasis
Hindi man garantiya na hindi magkakaroon ng mga nabanggit na STI ang isang tao kung gagamit ng condom o dental dams bilang proteksyon, mapabababa naman nito ang risk ng pagkakaroon ng naturang mga sakit kung gagamitin nang tama.
May benepisyo ba sa pakikipagtalik during menstruation?
Maraming makukuhang benefits sa pakikipagtalik na makatutulong sa overall health ng isang tao. Posibleng maging maikli ang menstrual period kung makikipagtalik habang may regla. Ito ay dahil sa uterine contractions kapag nag-orgasm.
Bukod pa rito, posible ring maging mas magaan at less painful ang period kung makikipagtalik nang may regla.
Makatutulong din ito upang mabawasan ang stress, makatulog nang mahimbing, mapalakas ang immune system, at maibsan ang pananakit ng ulo.
Natural na maaaring maging messy ang pakikipagtalik habang may period. Subalit mayroong mga paraan para maiwasan ang kalat kung makikipagtalik during menstruation.
- Gumamit ng disposal menstrual cup
- Manatili sa missionary position
- Gumamit ng condom
- Sa banyo magtalik
- Gumamit ng towel bilang cover ng higaan o ano mang surface
Tandaan na magkaiba ang disposable at reusable menstrual cup. Mas makapal ang reusable menstrual cup at hindi dapat gamitin kung makikipagtalik.
Importanteng malaman na maaari pa ring makipagtalik kahit na may regla ang babae. Subalit hindi ito garantiya na hindi mabubuntis o hindi magkakaroon ng sexually transmitted infections. Mahalaga pa rin ang pag-iingat at paggamit ng akmang birth control method at protections.
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!