Ano ang placental abruption at gaano ito kapanganib sa iyong pagbubuntis?

Ang placental abruption o paghihiwalay ng inunan sa matris sa mga nagdadalang-tao ay sadyang nakakabahala. Dahil kung napabayaan ito ang nagiging sanhi ng pagkawala ng buhay na iniingat-ingatan mo

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Maaring bago sa inyong pandinig, sapagkat ang placental abruption o ang paghihiwalay ng inunan sa matris ay nangyayari lamang sa isa sa kabuuang porsyento ng babaeng nagdadalang-tao, ayon sa pag-aaral. Ngunit ang epektong maaring maidulot nito sa iyo at sa iyong baby ay sadyang mapanganib at nakakabahala.

Ang placental abruption ay kadalasang nangyayari pagtapos ng ika-dalawampung linggo ng pagbubuntis. Dito magsisimulang makaranas ng mga sintomas ng placental abruption ang buntis tulad ng pagdurugo na maaring malakas o mahina kasabay ang pananakit ng tiyan o ng balakang. Kapag nakaranas ng mga nasabing sintomas mabuting magpunta at magpakonsulta agad sa doctor upang makasigurado. Dahil sa kaso ng placental abruption, ang mahina o malakas na pagdurugo ay may parehong nakakabahalang epekto para sa iyo at sa iyong baby.

Ang iba pang sintomas ng placental abruption ay ang patigil-tigil na vaginal bleeding o pagdurugo, mababang level ng amniotic fluid o panubigan at mabagal na paglaki ng sanggol sa iyong sinapupunan.

Ano nga ba ang maaring maging epekto nito para sa iyo at sa baby na dinadala mo?

Ang inunan ang nagbibigay nutrisyon o buhay sa sanggol sa loob ng iyong sinapupunan. Kaya kung ito ay hihiwalay, nangangahulugan ito na mawawalan rin ng kaukulang supply ng nutrisyon ang iyong baby na napakaimportante sa kaniyang development. Dahil dito, ang placental abruption ay maaring magdulot ng premature birth o di kaya naman ay still birth o ang pagkamatay ng sanggol sa loob ng iyong tiyan.

Ang pagdurugo ang numero unang sintomas ng placental abruption kaya kung mapapabayaan at marami ng dugo ang nawala sayo ay maari itong humantong sa major blood loss na nangangailangan ng blood transfusion. Ang placental abruption ay maari rin maging dahilan ng kidney failure at maari pang humantong sa kamatayan kung patuloy na hindi maagapan.

Sino nga ba ang maaring makaranas ng placental abruption at ano-ano ang sanhi nito?

Mas malaki ang posibilidad na makaranas ng placental abruption ang mga kababaihang nagdadalang-tao sa edad na 35 years old pataas. Madalas din nangyayari ito sa mga kababaihang nagbubuntis ng higit sa isang supling sa kanyang sinapupunan.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang pagkaranas ng traumatic injury mula sa isang aksidente, pagkahulog o physical abuse ay nakadaragdag din sa posibilidad ng placental abruption. Ang pagkakaroon din ng mataas ng blood pressure at iba pang kumplikasyon sa pagbubuntis tulad ng UTI o urinary tract infection ay nakadaragdag din sa tyansang mangyari ito .

Ang iba pang itiniturong dahilan ng placental abruption ay ang paninigarilyo at paggamit ng illegal na droga tulad ng coccaine habang nagdadalang tao.

Paano nga ba natutukoy na nakakaranas na ng placental abruption ang isang buntis? At paano ito ginagamot?

Kung ikaw ay nagdadalang-tao at nakararanas ng pagdurugo mahina man o malakas, mabuting magpakonsulta agad sa iyong OB-Gyne. Dito ay magsisimula siyang magconduct ng physical examination sa iyo kasabay ng ilang blood test at ultrasound upang malaman kung ito nga ay kaso ng placental abruption.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Kung sakaling matukoy na ikaw nga ay nakakararanas ng placental abruption, magbibigay agad ng kaukulang aksyon ang iyong doktor na nakabatay naman sa stage ng iyong pagbubuntis o kung ilang linggo na ang sanggol sa iyong sinapupunan.

Kung ang pinagbubuntis mo ay 34 weeks na pababa, ikaw ay papayuhang magpaconfine sa ospital upang mamonitor ang iyong baby. Kung ang heart rate ng iyong baby ay normal, huminto ang iyong pagdurugo at ang placental abruption mo naman ay hindi malala maari ka nang pauwiin. Reresetahan ka na lamang ng gamot na magpapabilis sa pagdevelop ng baga ng iyong baby upang sya ay maihanda kung sakaling ikaw ay manganak ng mas maaga sa inaasahan.

Kung ang pinagbubuntis mo naman ay 34 weeks na pataas at ang placental abruption mo ay hindi malala, maari ka parin manganak ng normal sa papamagitan ng vaginal delivery. Ngunit kung ito ay nagdudulot na ng banta sa iyong kaligtasan at kay baby kinakailangan mo ng sumailalim agad sa Caesarian section. Dahil ito na lamang ang paraan upang masigurong magiging ligtas ka at ang sanggol na iyong dinadala.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Kung makakaranas ka naman ng severe bleeding o malakas na pagdurugo kailangan na agad mag-sagawa ng blood transfusion upang mapunan ang kakulangan ng iyong dugo na maaring maging dahilan ng shock. Kung ang pagdurugo naman ay tuluyang hindi huminto, kinakailangan ng magsagawa ng hysterectomy o ang operasyon kung saan tinatanggal na ng tuluyan ang matris ng isang babae.

Kaya bago pa man humantong sa ganito kalalang sitwasyon, ugaliing maging mapanuri sa iyong katawan lalo na kung ikaw ay nagdadalang-tao. At higit sa lahat umiwas sa mga bagay na maari maging dahilan ng placental abruption o ng iba pang kumplikasyon na maglalagay panganib sa buhay mo at sa sanggol na dinadala mo.

 

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Sources: Healthline.com, Webmd.com

Isinulat ni Irish Manlapaz

Basahin: Ectopic pregnancy: Sanhi, sintomas, at lunas

Sinulat ni

theAsianParent