Isang ina ang nagbahagi ng post sa social media tungkol sa isang insidente na nangyari sa kaniyang anak. Aniya, may kakulangan raw sa play area safety ang kanilang napuntahan, dahil nagulat siya nang makita na mayroong plastic beads sa loob ng tenga ang kaniyang anak.
Paano kaya ito nangyari, at ano ang naging tugon ng play area sa kaniyang reklamo? Ating alamin.
Play area safety, importante para sa mga magulang
Ayon sa Facebook post ni Merlyn Tok, nagpunta raw sila sa North Point City, isang malaking mall sa Singapore. Dito, naglaro ang kaniyang mga anak sa isang play area.
Nagtaka sila nang sabihin ng isa niyang anak na makati raw ang kaniyang tenga. Nang silipin nila, nagulat sila nang makitang mayroong nakabara na plastic beads sa loob ng tenga ng kaniyang anak. Sinilip niya ang tenga ng isa pa niyang anak at nakitang mayroon rin itong mga plastic beads sa loob.
Dahil hindi nila kayang tanggalin ang beads, kinailangan pa nilang pumunta sa doktor upang ito ay tanggalin. Sa kabutihang palad, kahit raw malapit ang beads sa ear drum ay wala naman raw naging pinsala at natanggal ito ng maayos.
Hindi nila nagustuhan ang tugon ng play area sa nangyari
Matapos ang insidente ay dumulog sila sa play area at sinabi ang nangyari sa kanilang mga anak. Ito raw ay upang ipaalam na posibleng hindi ligtas ang ginagamit nilang beads sa “sand pit.”
Ngunit ang naging reply ng play area sa kanila ay “they must’ve been playing and putting the beads into their ears. Go see a doctor and bring the bill to us, we will reimburse.”
Ayon kay Merlyn, hindi naman raw nila kailangan ng pera. Ang gusto raw nila ay silipin ang safety ng lugar, at baka ito makapinsala sa iba pang mga bata.
Sinubukan pa raw niyang tawagan ang head ng lugar, ngutin hindi raw ito nagreply sa kanila. Dagdag pa niya na palagi raw siyang nakabantay sa mga anak, kaya sigurado siyang hindi nagpasok ng beads sa tenga ang mga bata.
Paano magiging ligtas sa mga play area?
Heto ang ilang tips na dapat tandaan ng mga magulang kapag naglalaro ang kanilang mga anak sa play area:
- Siguraduhin walang sakit ang bata. Kapag may sakit ang bata katulad ng sipon, ubo, lagnat o sore throat, mababa ang resistensya nito. Madali siyang mahawa sa mas malalang sakit. Bukod pa sa maaari siyang makahawa ng ibang bata.
- Pumili ng maayos na mall playground. Alamin kung gaano kadalas nililinis ang palaruan at kung anu-ano ang polisiya nila sa pagpapapasok ng mga bata. May mga establishments na kinukuhanan muna na temperatura ang mga bata bago ito papasukin.
- Mas maraming bata, mas maraming sakit. May mga mall playground na sadyang dinadayo. Mainam na iwasan ang mga branches na ito dahil mas malaki ang tsansa na makasagap ng germs ang anak mo.
- Mag-sanitize. Siguruhin na gumamit ng alcohol o hand sanitizer ang bata bago at pagkatapos nitong maglaro.
- Huwag isubo ang kamay. Paalalahanan ang anak na huwag isusubo ang kamay o hahawak sa ibang mga bata.
- Magpalit ng damit. Palitan agad ng damit ang chikiting matapos maglaro upang hindi na maiuwi ang germs galing sa labas ng bahay.
- I-alerto ang management kung makakita ng ibang bata na mukhang may sakit, dumumi, o umihi sa palaruan upang malinisan agad at hindi magkalat ang bacteria at germs.
Basahin: 9 diseases your child can get from ball pits
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!