Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Sa harap ng camera, puro pagpapatawa sa manonood ang ginagawa ng komedyanteng si Pokwang, ngunit isa siyang mapag-arugang ina sa kaniyang anak. Alamin dito ang kwento tungo sa pagiging isang nanay ng komedyante.
Mga mababasa sa artikulong ito:
- Pokwang’s motherhood journey
- Pagpanaw ng kaniyang panganay na anak
- Paano napasok ni Pokwang ang mundo ng showbiz?
Pokwang’s motherhood journey
Sa isang video na pinamagatang ‘Survivor Mom Pokwang: Paano Nasubok Ang Kanyang Pagiging Ina?’ sa YouTube channel ng journalist na si Karen Davila, ibinahagi ng komedyanteng si Pokwang ang maraming kuwento tungkol sa kanyang pagiging nanay.
Mula sa paglipad sa ibang bansa upang maging overseas Filipino worker (OFW), maiwanan ng asawa, at mamatayan ng anak, ngayon ay maituturing na mas malakas na siya bilang babae at ina.
Pang-siyam sa 12 magkakapatid nanggaling si Pokwang. Dahil sa kahirapan, lahat silang magkakapatid ay pare-parehong nagbanat ng buto at siya sa murang edad na 8 taong gulang ay nagtatrabaho na rin para matulungan ang mga magulang.
Dumating na rin daw sa puntong kahit ultimo gagastusin niya para sa project noong high school ay hindi niya na mabili kaya nagpatulong sa kaibigan niya. Dinaya niya ang kaniyang edad para lang makapunta sa bansang Japan.
Dito raw ay kahit papaano umahon ang kanilang pamumuhay. Bukod sa pagpupundar ng kaunting pera, dito niya rin natagpuan ang kanyang unang asawa na Hapon.
Nagkaroon siya ng anak sa kaniyang unang asawa, at pinangalanan niya itong Shin. Hindi rin nagtagal ay naghiwalay sila ng kanyang mister na Japanese at ganap siyang naging single mom.
Muli naman daw umibig si Pokwang at nasundan ang anak nito na sa pagkakataong ito ay babae na, pinangalanan niya ang anak na si Mae. Para maitaguyod ang mga anak, lumipad naman siya patungong Abu Dhabi.
“Kailangan ko kumayod nang todo kasi may mga anak nga ako. Single mom nga eh, ‘di ba?”
Pagpanaw ng panganay na anak ni Pokwang
Hanggang sa napansin daw ni Pokwang na parang may iba na sa kalusugan ng panganay niyang anak. Dumalas daw ang pananakit ng ulo nito, pagsusuka at pag-iiba sa paglalakad nito. Doon nilang nalaman na sintomas na pala ito ng tumor niya sa utak.
Pagkukwento ni Pokwang, saktong kaarawan niya ay tumawag sa kaniya ang anak niya.
“Hindi ko alam na ‘yun na pala ang huling beses na maririnig ko ang boses niya.”
Maluha-luhang ikinuwento ni Pokwang kung paano nila nalaman ang sakit nito. Sa mismong operasyon daw sana ng anak niya ay bumigay na ang katawan nito.
“Halos bumigay ako noon, single mom ako. Sabi ko, ‘parang ‘di ko kaya ito pala pakiramdam ng mawalan ng anak. Ang sakit-sakit pala talaga.”
Wala raw siya sa tabi ng anak niya noong namatay at inilibing ito dahil wala siyang sapat na pera upang makabalik sa bansa. Dumating pa sa puntong gusto niyang tumalon sa building para kitilin ang kaniyang sariling buhay dahil sa mga naranasang ito.
Sa kabilang ng sakit mula sa pagkawala ng kanyang panganay nilakasan pa rin niya ang loob para sa isa niya pang anak.
“Lalaban ako sa buhay para dito sa anak ko. Lahat gagawin ko na trabaho.”
BASAHIN:
Pokwang pumalag sa basher na nagsabing pangit ang anak niyang si Malia: “See you in court.”
Zeinab Harake inaming hiwalay na sila ni Skusta Clee: “Nandidiri ako sa sarili ko!”
Heart Evangelista ayaw patahimikin ng mga basher dahil wala pa ring anak
Paano napasok ni Pokwang ang mundo ng showbiz?
Taong 2002 raw nang unang ma-discover si Pokwang nang first time niyang bumisita sa isang comedy bar. Kinuha raw ng manager ang number niya dahil sa pagkakaroon nito ng natural na karakter ng pagiging komedyante.
Naranasan din niyang sumali sa contest ng ABS-CBN na ‘Clown In A Million’ at pinalad siyang manalo. Dito na rin nagsimula ang kaniyang career sa pagiging komedyante.
Napag-aral na rin daw niya ang anak sa magandang paaralan dahil sa nakaluwag-luwag na siya. Bukod dito, nabigay na rin niya ang pangarap na bahay nito para sa kanyang mga magulang.
“Kung anong meron ako ngayon, proud ako dahil pinagpaguran ko lahat ‘yan. Wala akong sinagasaang tao. Talent po pinuhunan ko dito at sipag at tiyaga. Literal na pawis at luha.”
Ngayon ay masaya na rin siya sa kasalukuyang asawang foreigner na si Lee O’Brian. Una niya raw nakilala ito sa movie na ‘EDSA Woolworth’, kung saan leading man niya ito. Napaka-supportive raw ni Lee sa kanya at parating pinalalakas ang kanyang loob.
Ibinahagi niya rin na ang kaibahan ni Lee sa dating asawa ay hindi siya nito sinasaktan. Sa tuwing nag-aaway raw ay umaalis na lang ito para hindi sila magkasakitan.
Base pa sa pagkukwento ni Pokwang, una niya raw na-realize na seryoso na si Lee nang magsabi ito ng “I love you” sa kanya. Hanggang sa ngayon ay magkasama na sila sa iisang tahanan at mayroon na ring anak na babae.
Napagdaanan din ni Pokwang na makunan ng anak dahil na rin sa pagod sa pagtatrabaho. Dalawang taon matapos nito ay nalaman naman niyang buntis na siya.
Sa ngayon daw ay nais niyang ikasal sa kanyang partner. Para kay Pokwang, nais niyang maging mabuting nanay katulad ng kanyang ina.