Usap-usapan ngayon ang hiwalayan nina Pokwang at partner nitong foreigner na si Lee O’Brian dahil sa kaliwa’t kanang ispekulasyon kung bakit nga ba sila naghiwalay.
Mga mababasa sa artikulong ito:
- Pokwang sinabing walang third party sa kanilang hiwalayan ni Lee O’Brian
- Tips para sa single parent kung paano mapapalaki ang anak
Pokwang sinabing walang third party sa kanilang hiwalayan ni Lee O’Brian
Marami ang natuwa noong malaman na may nagpapatibok na ng puso ni Pokwang. Ito nga ay si Lee O’Brian, isang American na nakatrabaho ni Pokwang sa isang project. Kinilig ang mga fans at masaya para sa buhay niya dahil sa kaniyang love life. Nitong nakaraang mga araw naman, ginulat ang netizens ng balitang hiwalay na raw ang dalawa.
Emosyonal namang ibinahagi ng komedyante kung bakit pitong buwan na pala mula nang sila ay maghiwalay. Ngunit ngayon lang ito isinapubliko. Ayon kay Pokwang tiniis niya raw ito para sa kanyang mga anak.
“Ako iyong taong lahat tinitiis ko. Hangga’t kaya ko, ako lang. Hangga’t kaya kong itago sa mga anak ko, huwag iiyak sa kanila, lahat ng burden, gusto ko ako lang.”
Larawan mula sa Instagram account ni Pokwang
Nagsimula niya raw itago ang mga ito dahil ayaw niya madamay ang kanyang pamilya sa issue.
“Parang nahihiya akong mandamay sa pamilya ko, which is naisip ko ngayon na kaya nga pamilya, dapat damayan,”
Nakadagdag daw nang labis sa kanyang pag-iisip ang kaliwa’t kanang issue na ibinabato kung bakit sila naghiwalay. Mayroong nagsabi na may ibang babae raw ang kaniyang dating partner. Mayroon din na nagbanggit na ito raw ay dahil sa pera, at marami pang ispekulasyon.
Dahil dito, tinuldukan niya ang mga hindi totoong isyu na ito tungkol sa hiwalayan nila. Wala raw third party na involved. Wala rin daw kinalaman ang pera. Ang pinakarason daw kung bakit naghiwalay sila ay dahil napagod lang sila sa isa’t isa.
“Una sa lahat, walang third party in all fairness kay Papang [Lee]. Hindi rin pera kagaya ng mga lumalabas na ano na pera. Hindi ho, walang ganon,”
“Siguro baka napagod lang kami.”
Larawan mula sa Instagram account ni Pokwang
Ipinagtanggol naman ng komedyante si Lee O’Brian hinggil sa usap-usapang si Pokwang lang daw ang kumikita sa kanilang dalawa. Ani Pokwang, masipag daw ito.
“Sana alam ng tao na iyong hinuhusgahan niyo na si Lee O’Brian ay mabuting tao naman po, mabuting ama. Nasasaktan lang ako do’n sa mga nababasa ko kesyo palamunin ko raw. Masipag po iyong tao.”
Sa ngayon daw ay pinipili nilang maging tahimik na lang ang buhay ng dating karelasyon. Nalilibang din daw ang komedyante ngayon dahil sa trabahong mayroon siya at dito niya inilalaan ang kanyang panahon at oras.
Sinugurado rin daw ni Pokwang na hindi maaapektuhan ang pagiging ina at ama nila sa kanilang anak na si Malia. Kuwento pa ni Pokwang handa naman daw sila sa pagpapalaki ng kanilang baby girl na si Malia.
“Naka-ready naman ako sa kanya kung anuman ‘yung katanungan niya. Ganun talaga ang buhay. Kung sakaling mangyari ‘to sa’yo anak akong nanay mo ang unang makakaunawa sa’yo at unang susuporta sa’yo. “
Larawan mula sa Instagram account ni Pokwang
Tips para sa single parent kung paano mapapalaki ang anak
Hindi palaging tulad ng fairytale ang mga relasyon kung saan mayroong, “happily ever after.” Marami pa rin ang nauuwi sa hiwalayan kahit pa mayroon nang pamilya o anak.
Dahil dito, marami tuloy ang maaaring bitbit na stress, fatigue, o kaya naman ay pressure para sa mga single parent. Mahirap kasing ipagsabay ang pagtatrabaho at pag-aalaga ng mga bata.
Narito ang ilang ways at tips kung paano mapapalaki ang iyong anak kahit pa single parent ka.
- Unang-una sa lahat, iparamdam mo ang umaapaw mong pagmamahal sa iyong anak upang hindi niyang maramdaman na nagkukulang siya sa natatanggap na pagmamahal.
- Kung hindi talaga kayang bantayan ang anak, humanap ng mapagkakatiwalaang caregiver o tagapagbantay sa bata na alam mong maalaagaan siya nang mabuti.
- Gumawa ng routine at schedules para sa lahat ng task mo para sa anak.
- Iwasang ma-feel na guilty ka o sisihin ang sarili dahil sa mga nangyayari.
- Huwag ding i-spoil ang anak upang makabawi lamang sa pagiging broken ng inyong pamilya.
- Alagaan ang sarili upang lalong lumakas para sa iyong anak dahil ikaw ang pinakakailangan niya ngayon.
- Sumali sa mga support groups at community for parents para magkaroon ka ng masasandalan.
- Maging bukas sa komunikasyon sa iyong anak, hindi masamang nagbubukas ng saloobin sa anak kung ano nga ba ang pinagdadaanan mo bilang single parent.
- Huwag kalimutang magkaroon pa rin ng “me time” kasama ang friends at workmates upang magsaya nang hindi nakokonsensya.
- Maging bukas sa posibilidad na magkaroon muli ng partner.
Hindi nga naman as easy as 1, 2, 3 ang pagiging single parent. Marami ang pagsubok na kahaharapin kasabay nito. Sa kabilang banda hindi sukatan ang pagiging single parent kung ikaw ba ang isang mabuting magulang.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!