Mga magulang, narito ang mga kailangan niyong malaman tungkol sa polio vaccine.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang polio?
- Polio vaccine sa Philippines – mahalagang impormasyon
- Bakit kailangan ng polio vaccine ni baby?
Para masigurong magiging ligtas at malusog si baby, kailangan niya ng sapat na kalinga, gatas para magbigay ng nutrisyon sa kaniyang katawan, at mga bakuna para makaiwas sa mga sakit. Isa sa mga unang bakuna na ibinibigay sa mga sanggol ay ang polio vaccine.
Pero para lubusang maintindihan ng mga magulang kung bakit mahalaga ang pagbibigay ng bakunang ito sa kanilang anak, narito ang ilang mahalagang impormasyon tungkol sa polio at polio vaccine dito sa Philippines.
1. Ang sakit na polio
Ayon sa ng poliomyelitis o mas kilala sa tawag na polio, ay isang malubhang sakit na nakukuha mula sa virus.
Sinasabing nakakahawa ang virus na ito na naninirahan sa lalamunan at intestines ng isang tao. Tinitira nito ang ating spinal cord, na nagdudulot ng paralysis (o kawalan ng kakayahan para galawin ang mga parte ng katawan).
2. Sintomas ng polio
Kapag nahawa ng polio virus, mararamdaman ang mga sintomas nito sa loob ng 2 linggo.
Karamihan sa mga taong nagkakaroon ng virus ng polio ay hindi nakakaramdam ng mga sintomas ng sakit.
1 naman sa 4 ang maaaring makaranas ng mga sintomas na maihahalintulad sa trangkaso. Narito ang ilan sa kanila:
- Pananakit ng lalamunan
- Lagnat
- Matinding pagod
- Pagkahilo
- Sakit ng ulo
- Pananakit ng tiyan
Kadalasang tumatagal ang mga sintomas na ito sa loob ng 2 hanggang 5 araw, at kusa namang nawawala.
Subalit mayroon pa ring mga taong nakakaranas ng matitinding sintomas ng polio na nakakaapekto sa kanilang utak at spinal cord:
- Paresthesia (pakiramdam na parang tinutusok ang mga binti)
- Meningitis (isang infection na binabalot ang spinal cord at brain) nangyayari sa 1 sa 25 taong may poliovirus infection
- Paralysis (hindi nagagalaw ang mga bahagi ng katawan) o pagkahina ng mga braso, binti o pareho. Nangyayari ito sa 1 sa 200 taong may polio infection.
Paralysis ang pinakamatinding sintomas ng polio, dahil maaari itong humantong sa permanenteng pagiging paralisado at maging kamatayan.
Tinatayang nasa 2 hanggang 10 sa 100 na may paralysis mula sa polio infection ang namamatay, dahil naaapektuhan ng virus ang muscles na tumutulong para makahinga sila.
3. Polio outbreak sa Pilipinas, natapos na
Noong Setyembre 2019, inanunsyo ng DOH ang pagkakaroon ng polio outbreak sa Pilipinas pagkatapos ng 19 taon na polio-free. Nakipagtulungan ang himpilan sa World Health Organization at UNICEF Philippines para muling masugpo at mabawasan ang mga kaso ng polio sa bansa.
Noong June 2021, masayang inanunsyo ng DOH na muling natapos na ang polio outbreak sa Pilipinas. Nangyari ang pag-aanunsyong ito dahil wala nang kaso ng polio sa bansa sa loob ng 16 na buwan.
Dala rin ito ng pagpapatibay ng immunization para sa sakit na ito at pagbantay sa mga lugar kung saan nagkaroon ng kaso ng polio noon.
BASAHIN:
Kaso ng polio at tigdas possibleng tumaas dahil sa mga batang hindi nabakunahan
7 Libreng bakuna sa health center na ibinibigay sa mga batang 1-taong gulang pababa
5. Polio vaccine
Ayon sa Department of Health (DOH), walang gamot sa sakit na polio. Gayunpaman, ang pinakamabisang paraan para maibalik ang pagiging polio-free ng bansa ay ang pagtanggap ng bakuna.
Sino ang dapat makatanggap ng polio vaccine?
Ang mga batang 5-taong gulang pababa ang pinakadelikado sa sakit ng polio. Kaya naman ibinibigay ng libre ang bakuna para sa kanila. Kabilang ito sa mga bakuna na dapat matanggap ng isang sanggol bago siya mag-1 taong gulang.
Responsibilidad nating mga magulang na masiguro na matatanggap ng iyong anak ang lahat ng bakuna laban sa polio.
Mas mababa ang risk ng sakit ng polio sa matatanda. Kung sa tingin mo ay hindi ka nakatanggap ng bakuna para sa polio noong bata ka pa, makipag-ugnayan sa iyong doktor.
May side effects ba ang bakuna?
Ang polio vaccines ay ligtas para sa mga bata. Sa nagdaang 30 taon, 18 milyong tao na sa buong mundo ang nasagip ng bakuna mula sa permanenteng pagkabaldado.
Kadalasan, banayad lang ang nararanasang side effects mula sa polio vaccine. Maaaring makaramdam ng pamumula at pananakit sa lugar na binakunahan. May ibang nahihilo pagkatapos matanggap ang bakuna, pero panandalian lamang ito.
Gaya ng ibang gamot, may mga bihirang kaso na nakakaranas ng severe allergic reaction. Subalit para sa mga bata, mas delikado ang makukuha nila mula sa sakit na polio kaysa sa mga side effects na maaari nilang matamo mula sa bakuna.
5. Polio vaccines sa Philippines
Inirerekomenda ng DOH na sundin ang mga bakuna na nakatakda para sa mga bata. Ang mga ito ay tatlong dose ng Oral Polio Vaccine at isang dose ng Inactivated Polio Vaccine (IPV).
Subalit, ayon sa DOH, marami ang hindi tumatanggap ng ikatlong dose ng OPV. Kasabay sana ditong ibibigay ang IPV sa bata para sa kumpletong proteksiyon laban sa poliovirus.
Kami ay nakipanayam kay Dr. Art Jerome Luzande, MD. para malaman kung sapat na proteksiyon na ba ang OPV laban sa polio.
Oral Polio Vaccine (OPV)
Ayon kay Dr. Luzande, ang OPV ay ibinibigay sa mga bata sa mga edad na 6, 10 at 14 lingong gulang. Ito ay ibinibigay sa pamamagitan ng pagpatak ng gamot sa bibig ng bata.
Naglalaman ang OPV ng pinahinang poliovirus na mapupunta sa intestines ng bata. Dahil sa pagkakaroon ng mahinang virus sa katawan, ang katawan ay gumagawa ng mga antibodies para labanan ang virus. Kalaunan ay ilalabas ng katawan ang virus sa pagdumi nito.
“Ligtas ang pag-inom ng OPV at epektibo itong panlaban mula sa poliovirus,” dagdag pa ni Dr. Luzande.
Inactivated Polio Vaccine (IPV)
Kung ang OPV ay tatlong beses ibinibigay sa bata, ang IPV ay isang beses lamang. Ibinibigay ito sa 14 na lingong gulang kasabay ng ikatlong dose ng OPV. Ito ay iniinject sa bata hindi tulad ng OPV na ipinapatak sa bibig.
An IPV ay naglalaman ng mga patay na poliovirus. Nagbibigay ito ng proteksiyon sa dugo. Gayunpaman, wala itong side-effects at maaaring ibigay sa bata kahit pa may ibang bakuna na iiinject sa parehong araw.
OPV + IPV
“Ang OPV at IPV, pareho mang mabisang panlaban sa polio, ay magkaiba ang paraan na pinoprotektahan ang mga tao.
Ang pinakamabisa ay ang pagsunod sa alituntunin ng DOH at World Healh Organization (WHO). Kailangan tumanggap ang mga bata ng 3 dose ng OPV at 1 dose ng IPV kasabay ng ikatlong dose,” bilin ni Dr. Luzande.
Subalit, marami sa mga nagpapabakuna ang hindi na bumabalik para sa ikatlong dose ng OPV. Ibig sabihin, hindi na rin nila natatanggap ang kanilang bakuna ng IPV.
Ayon kay Dr. Luzande,
“Ang pagbakuna sa bata nang nasa takdang oras ay maganda para maprotektahan sila sa mga edad kung saan madali silang makakapitan ng sakit. Kung hindi itutuloy ang mga nakatakdang bakuna, naiiwan ang mga bata na open para magkasakit.
Kung ang bata ay nakatanggap na ng OPV ngunit hindi pa ng IPV, ibig sabihin nito ay hindi pa natatanggap ng bata ang kaniyang ikatlong dose ng OPV. Sa ganitong pagkakataon, hindi pa sapat ang natatanggap na bakuna ng bata laban sa polio. Sa pagkakataon naman na kumpleto na ang OPV ngunit wala pang IPV, may limitasyon pa rin ang dulot nitong proteksyon. Makakabuti na magpakonsulta para malaman kung kailangan pang tumanggap ng IPV.”
Para malaman kung kailan dapat tumanggap ng polio vaccine ang iyong anak, huwag mahiyang kumonsulta sa kaniyang pediatrician o pumunta sa health center sa inyong barangay.
Source:
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.