Poliovirus type 2, ayon sa DOH ito ang strain ng polio virus na tumama sa nai-report na dalawang batang tinamaan ng sakit sa bansa. At mga naunang oral polio vaccine (OPV) ay hindi umano sapat ang proteksyon na ibinibigay laban sa uri ng polio na ito. Ngunit ang mga nabigyan ng inactivated polio vaccine (IPV) ay protektado naman daw laban sa strain na ito.
Poliovirus Type 2
Ayon kay DOH Public Health Undersecretary Myrna Cabotaje, lumabas sa kanilang pagsusuri na poliovirus type 2 umano ang tumama sa nai-report na 3-anyos na batang babaeng tinamaan ng virus sa Lanao del Sur. Ganoon din sa 5-anyos na batang lalaki nai-report na may polio sa Laguna province. Ito ang unang dalawang kaso ng polio virus na naitala sa bansa mula noong taong 2000 na kung saan idineklarang polio-free na ang Pilipinas.
Dagdag pa niya ang tumamang poliovirus sa dalawang bata ay ang mutated form o kakaibang version ng virus na naitalang na-eradicate na sa buong mundo noong 2015.
Ayon naman kay former Philippine Society of Microbiology and Infectious Diseases president na si Rontgene Solante, hindi naman nakakapagtaka kung muling bumalik ang isang uri ng virus na eradicated na. Lalo na sa mga bansa na may poor sanitation at poor immunization tulad ng Pilipinas.
Vaccine laban sa poliovirus type 2
Paliwanag naman ni World Health Organization o WHO Philippines representative Rabindra Abeyasinghe, ang mga nauna ng ibinibigay na oral polio vaccine (OPV) ay hindi sapat ang proteksyon para labanan ang poliovirus type 2 strain na ito.
Ngunit, hindi naman daw dapat ng mangamba dahil ayon sa DOH ay paparating na sa bansa nitong Oktubre ang monovalent vaccine laban sa poliovirus type 2 na mula sa WHO headquarters mula sa Geneva.
Sa pagdating ng monovalent vaccine laban sa poliovirus type 2 ay agad umanong magsasagawa ng door-to-door vaccination ang DOH. At ito ay ibibigay sa lahat ng batang limang taong gulang pababa kabilang na ang mga nabigyan ng naunang oral polio vaccine o OPV.
“Vaccinators will go around to look for those who have not yet been given the OPV. At the same time, they will also administer the monovalent vaccine.”
Ito ang pahayag ni DOH Public Health Undersecretary Myrna Cabotaje.
“That is what the other countries are doing until there are no more recorded cases. What’s important with the distribution of the monovalent vaccine is to cover everyone. We don’t want anyone to be left behind in an area, so that the virus would not be able to mutate,” dagdag pa niya.
Ano ang polio virus?
Ayon sa WHO, ang poliomyelitis o polio ay isang highly infectious viral disease na karaniwang umaatake sa nervous system ng isang tao at madalas maliliit na bata ang nakakakuha ng sakit na ito.
Ito ay maaring maihawa o mai-transmit sa pamamagitan ng paghawak, pagkain o pag-inom ng mga pagkaing na-contaminate ng dumi o feces ng taong may taglay ng polio virus.
Ang mga sintomas ng polio ay lagnat, fatigue, pananakit ng ulo, pagsusuka, stiff neck at pananakit ng kalamnan. Kapag napabayaan at lumala ang polio ay maaring magdulot ng paralysis ng isang tao.
Paraan para maiwasan
Ayon sa CDC o Center for Disease and Control Prevention, ang poliovirus ay may tatlong uri. Ito ang type 1, type 2 at type 3. At ang pinakamagandang paraan para maiwasan ng isang tao ang pagkakaroon ng sakit na ito ay sa pamamagitan ng bakuna.
Noong una ay trivalalent OPV ang inirerekumendang ibinibigay sa mga bata bilang proteksyon sa nabanggit na tatlong uri ng poliovirus. Ngunit mula noong 2015, taon kung kailan idineklarang poliovirus type 2 free na ang buong mundo ay pinalitan ito ng WHO sa bivalent vaccine na pumoprotekta lang laban sa type 1 at type 3 na poliovirus.
Ito ay dahil ayon sa Global Polio Eradication Initiative o GPEI, ang patuloy na paggamit ng trivalent OPV ay nagpapataas umano ng tiyansa ng poliovirus type 2 strain na kumalat.
Kaya naman mula noong 2015 ay itinigil na ng WHO ang pamimigay ng trivalent OPV. Bagamat available naman ang monovalent vaccine anumang oras sa WHO kung mayroong outbreak.
Maliban sa anti-polio vaccine na ibinibigay sa mga bata ay ipinapayo rin ng mga health experts na panatilihin ang good proper hygiene at proper sanitation para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
Source: Inquirer News, The Philippine Star, WHO, CDC
Basahin: Polio: Sanhi, sintomas at paano gamutin ang sakit na ito