Isa ka na rin ba sa mga magulang na nangangalap ng mahahalagang impormasyon hinggil sa kasaysayan, sanhi, paraan ng gamutan, at mga sintomas ng polio?
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ba ang polio at mga sanhi nito?
- Mga sintomas ng polio
- Paraang ng pag-gamot
- Iba’t ibang pamamaraan upang makaiwas sa sakit na polio
Taong 2000 nang ideklara ng World Health Organization (WHO) na polio-free na ang Pilipinas. Pero taong 2019 nang may naitalang kaso ng polio muli sa ating bansa. Ito’y sa anunsyo noon ni Secretary Francisco III Duque ng Department of Health.
Napag-alaman noon na mayroon nagkaroon ng polio sa Lanao del Sur, at nalaman din na ang mga sample na nakuha sa imburnal ng Maynila at waterways sa Davao ay kontaminado ng poliovirus. May naitala rin noong 2019 na nagkaroon ng polio sa Laguna, isang 5 taong gulang.
Ang pananaliksik nito’y pinangunahan ng Research Inistitute for Tropical Medicine at sinang-ayunan naman ito ng Japan National Institute for Infectious Diseases at United States Centers for Disease Control and Prevention.
Ano ba ang polio at mga sanhi nito?
Ang polio, o pinaikling poliomyelitis, ay isang uri ng sakit na dulot ng isang virus (poliovirus) na lubhang mabilis kumalat sa loob ng katawan ng pasyente at nagiging dahilan ng mabilis nitong panghihina.
Oras na makapasok sa katawan ng tao ang naturang virus sa pamamagitan ng bibig, mabilis itong dumarami sa loob ng bituka at kalaunang kumakalat sa nervous system ng pasyente. Dumaraan ang virus sa gulugod paakyat sa utak, dahilan para maparalisa o malumpo ang pasyente.
Larawan mula sa iStock
Kung matindi ang epekto ng virus sa katawan at hindi naagapan, nauuwi rin ito sa pagkamatay.
Ang poliovirus na pangunahing nagdadala ng sakit ay nakukuha sa dumi ng tao, na maaaring maipasa sa iba’t ibang bagay at sa kapuwa mismo kung hindi maayos na nakapaghuhugas ng kamay ang taong naglalabas ng virus na ito sa kanilang dumi. Maaari itong makuha sa pamamagitan ng:
- direktang paghawak sa mga bagay na napasahan ng virus;
- pagsubo ng mga kamay na kontaminado ng virus;
- pagpasa nito sa iba pang tao; at
- pagkain at pag-inom ng mga kontaminadong pagkain at tubig o iba pang uri ng inumin.
Dahil madali at mabilis itong makahawa, mahirap na agapan ang kaso nito oras na magkaroon ng isa man lamang na kaso sa loob ng isang komunidad.
Mga sintomas ng polio
Habang kumakalat ang virus sa iba’t ibang bahagi ng katawan, partikular na sa sistema ng nerbiyo, kasabay na makararanas ng mga panimulang sintomas ng polio ang taong tinamaan ng virus.
- lagnat
- pagkahapo
- matinding pananakit ng ulo
- pagsusuka
- paninigas ng leeg
- pangingirot ng mga biyas
- pamamanhid ng mga kalamnan sa braso, binti, at dibdib
- kahirapang huminga
Larawan mula sa Shutterstock
Itinatayang mga batang limang taon pababa ang pinakamadaling mahawa at tamaan ng virus na ito. Hindi pa kasi ganoon katatag at kalaka sang pangkalahatang depensa ng mga bata laban sa virus, lalo pa’t ang pagkalat nito ay mabilis na nagaganap sa nervous system ng pasyente.
Magpahanggang ngayo’y wala pang natutuklasang tiyak na gamot sa polio. Ngunit may mga programa namang inilulunsad ang ating pamahalaan upang mapigilan ang pagtama nito sa katawan ng tao—sa pamamagitan ng bakuna.
Napatunayan nang ligtas at mabisa ang mga isinasagawang pagbabakunang nakatuon laban sa polio, hindi lamang sa loob ng Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang panig ng mundo.
Paraang ng pag-gamot
Sa sinumang makararanas ng mga nabanggit na sintomas ng polio, mabuting dalhin agad ito sa pinakamalapit na hospital upang matingnan at maisailalim sa mga pagsusuring medikal.
Nangangailangan ito ng agarang gamutang tanging ang mga doktor lamang ang nakaaalam, lalo na kung mabutihing isailalim sa operasyon ang pasyente.
Bagama’t nakaliligtas sa panganib ng kamatayan ang marami sa mga tinatamaan ng poliovirus, mayroong mga panghabambuhay na epekto ang pagtama ng sakit na ito sa katawan ng pasyente—liban pa ito sa tuluyang pagkalumpo para sa mga malala ang naging tama ng virus sa katawan.
BASAHIN:
Mga kailangang bakuna sa unang taon ni baby
Tigdas Hangin (Rubella o German Measles): Sanhi, sintomas at gamot
Bulutong tubig: Sanhi, sintomas, gamot, at mga paraan para maka-iwas sa sakit na ito
Ilan sa mga nararanasan ng pasyente ang:
- panghihina ng kalamnan;
- madalas na pagkapagod;
- pana-panahong pangingirot ng kasukasuan at kalamnan
- pagiging mahina sa lamig
- hirap sa paghinga
Sa kabila nito, may mga ilang therapy na maaaring gawin ang mga naapektuhan ng sakit na ito. Ito ay mga gawaing hindi nangangailangan ng gastusan at medikal na atensiyon.
- paggamit ng tungkod, brace, saklay, silyang de-gulong, at mga iskuter;
- regular na ehersisyo, na katamtaman lamang at layong mabanat lamang ang mga kalamnan at buto
- paglangoy, hangga’t maaari ay hot spring na swimming pool
- pag-iwas sa malalamig na lugar
Iba’t ibang pamamaraan upang makaiwas sa sakit na polio
Larawan mula sa Shutterstock
Sa ngayon, itnituring ng DOH na ang husto at kumpletong pagpapabakuna pa rin ang pinakamainam na paraan upang makaiwas sa sakit na polio na dulot ng virus.
Ang mga batang nasa edad na isang taon pababa ay inaasahang mabibigyan ng 3 doses ng Oral Polio Vaccine (OPV) sa magkakahiwalay na buwang edad ng bata, at 1 dose ng Inactivated Polio Vaccine (IPV) kasabay ng pinakahuling pagpapapatak ng OPV.
Samantala, tinukoy ni Sec. Duque ang sumusunod na salik na pangunahing dapat pagsumikapan at labanan ng lahat ng mamamayang bumubuo ng komunidad.
- poor immunization coverage (maliit na bilang ng mga nagpapabakuna)
- poor sanitation and hygiene (maruming paligid at hindi maayos na pangangalaga sa katawan)
- suboptimal surveillance (kakulangan sa malawakan at regular na pagbabantay ng mga kinauukulan)
Larawan mula sa Shutterstock
Upang labanan ang mga salik na ito, hinihikayat ng kagawarang pangkalusugan ang pakikiisa ng bawat isa, at pakikilahok sa tuloy-tuloy na pagsasagawa ng sumusunod.
- Suporthan ang Zero-Open Defecation! Gumamit ng palikuran.
- Ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig pagkatapos gumamit ng palikuran at bago kumain.
- Sigruaduhing malinis ang tubig na iinumin. Pakuluan nang tama ang tubig na inumin.
- Tiyaking malinis ang proseso ng pagluluto. Lutuin nang mabuti at husto ang pagkain.
Kailan dapat pumunta sa doktor?
Maiging pumunta sa doktor kung napansin o hindi pa nagagawa ang mga ganitong bagay:
- Kung ikaw o ang iyong anak ay hindi pa kumpleto ang bakuna sa polio
- Mayroong allergic reaction ang iyong anak sa polio vaccine
- May problema ang iyong anak sa bahagi ng kaniyang katawan mula sa pinagbakunahan sa kaniya. Katulad na lamang ng pamumula o soreness nito.
- Nagkaroon ng polio noon at ngayon ay nakakaranas ng hindi maipaliwanag na panghihina at fatigue.
Tandaan ang pinakamabisa pa ring paraan para hindi magkaroon ng poliovirus ay pagbabakuna. Kausapin ang inyong doktor patungkol sa bakuna patungkol sa polio.
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!