Para sa maraming mag-asawa, malaking kasalanan ang pangangaliwa. Ito ay isang pagtataksil sa kanilang sumpa na maging tapat sa isa’t-isa, at nagiging sanhi ito ng matinding pagseselos, at pag-aaway na nakasisira sa mga pamilya. Ngunit para sa ibang tao, normal lang ang pagkakaroon ng ibang mga partner o kung tawagin ay polyamory.
Ating alamin ang kwento ng isang pamilya na kahit hindi conventional, ay masaya sa kanilang kakaibang sitwasyon.
Ano ang polyamory?
Ang pinakasimpleng explanation ng polyamory ay ang pagkakaroon ng dalawang partner. Para sa marami sa atin, ito ay kakaibang bagay, lalong-lalo na dahil maraming mga Pilipino ang konserbatibo, at naniniwala sa pagkakaroon lamang ng iisang asawa.
Ngunit para sa Amerikanong si Alexia Shrout, at ang kaniyang dalawang asawa na si Doug Shrout, at Jacob Shrout-Mchaffie, mas okay sa kanila ang pagiging polyamorous.
Nagsimula ang kanilang kwento kay Alexia at kay Doug. Dati pa raw sila mayroong open relationship, at normal na sa kanila ang mayroong kinakasamang ibang mga tao, basta’t ipapaalam nila sa isa’t-isa.
Dito, nakilala nilang dalawa si Jacob, at agad ay naisip ni Alexia na tila ay napapamahal na siya kay Jacob. Sinabi niya ito kay Doug, at pumayag naman ang kaniyang asawa, basta raw ay hindi siya mawalan ng pagmamahal sa kaniya.
At dito na nagsimula ang pagsasama nilang tatlo.
Hindi kombensyonal ang kanilang samahan
Ayon kay Doug at Jacob, bagama’t mahal rin nila ang isa’t-isa, hindi raw nito ibig sabihin na nakikipagsex sila sa isa’t-isa. Ayon kay Jacob, hindi naman raw nila ito kailangang gawin para ipakita ang pagmamahalan nila.
At kakaiba man ang kanilang samahan, mukhang masaya naman ang tatlo, at sama sama sila sa pagpapalaki ng kanilang tatlong anak.
Bagama’t hindi raw sila legally married, may suporta naman raw sila ng kanilang mga kaibigan at kamag-anak. Ngunit hindi raw ganoon kadali, lalong-lalo na nung simula.
Marami raw silang kamag-anak na hindi sang-ayon sa desisyon, ngunit nang nakita naman nila na masaya ang mga mag-asawa, at naaalagaan nila ang kanilang mga anak, sinuportahan na rin nila ito.
Ayon naman sa mga anak ni Alexia, parang tatay na rin daw ang trato nila kay Jacob. Para sa kanila, dalawa raw ang kanilang ama, at hindi naman raw ito naging sanhi ng mga problema para sa pamilya.
Hindi man para sa lahat ang ganitong klaseng pagsasama, mabuti rin at maayos at walang problema ang kanilang pamilya, at naalagaan ng mabuti ang mga anak.
Source: NY Post
Photo: Rhogram.com
Basahin: “Nagkaroon ako ng iba, sana mapatawad mo ako…”
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!