Subukan ng lutuin ang Pork Sisig recipe na ito!
Sadyang malikhain nga raw tayong mga Pilipino. Likas sa kultura natin ang mapamaraan sa lahat ng bagay. Maging sa ating pagluluto. Ang patapon na sa iba, nagagawaan pa natin ng paraan upang lubos na mapakinabangan. Kaya naman naimbento ang putaheng “Sisig”.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sangkap sa pagluluto ng pork sisig recipe
- Paraan sa pagluluto ng pork sisig sa pina-healthy na recipe
Pork Sisig paboritong pulutuan noon, paboritong pang-ulam na rin ngayon
Ang Pork Sisig ay mas kilala lamang noon bilang pampulutan o ‘yung pagkaing ino-order sa mga inuman, ngunit ngayon ang Pork Sisig ay numero uno na ring ino-order sa mga sikat na malalaking kainan sa bansa. Mabibili rin ang Pork Sisig sa stall sa food court ng mga mall o sa simpleng karinderia. May mga ready-to-cook na nakalagay sa mga frozen section ng supermarket. Ready-to-eat naman ang offer ng ilang manufacturer ng canned good sa bansa. Gayunpaman, ang Pork Sisig ay maaari ring gawing sa loob ng inyong bahay ng hindi nangangailangan ng mga kumplikadong mga sangkap.
Kasaysayan ng Pork Sisig na putahe
Si Aling Lucing o Lucia Cunanan ang tinaguriang “Sisig Queen”. Siya ay taga Angeles, Pampanga at sinasabing unang nakalikha ng pagkaing Pork Sisig noong taong 1974. Ang Pork Sisig ay aksidente lamang umano na nalikha dahil sa nasunog ang iniihaw na tenga ng baboy na tinitinda ni Aling Lucing. Upang hindi masayang, tinadtad niya ito at nilagyan ng dinurog na atay ng manok, bawang, sibuyas, kalamansi, toyo, at iba pang pampalasa at inihain sa kanyang karinderia. Tinangkilik ng kaniyang mga suki kaya ngayon ang pagkain na Pork Sisig ay nakilala hindi lamang sa Pampanga, maging sa buong bansa.
Ang Pork Sisig recipe ay nahihahalintulad rin sa Ilokano dish na Dinakdakan. Ginagamitan din ito ng inihaw na maskara ng baboy (pork jowl). Ang pinagkaiba lang nila’y ang laki ng hiwa ng karne at ang paglalagay ng nilagang utak ng baboy o mayonnaise na siyang nagbibigay dito ng makremang tekstura.
Larawan mula sa iStock
Sa ngayon, kasabay ng pagbabago, maraming version na rin ng Sisig ang naglipana sa buong Pilipinas. Mayroong gawa sa Seafood tulad ng isda at pusit, at hipon ,mayroong Chicken Sisig para sa mga hindi kumakain ng karne ng baboy, Sisig with Gravy naman ang inihahain ng ilang restaurant, nagkaroon din ng Tofu Sisig para sa mga health conscious at nagda-diet.
Ang Pork Sisig recipe nama’y nagkaroon na rin ng iba’t ibang version. Mayroong ginagamitan ng mayonnaise, nilalagay sa sizzling plate na may kasamang itlog, at mayroon ding nilalagyan ng gravy. Iba’t iba man ang recipe, hindi maikakailang iisa ang pinanggalingan.
Ituturo ko sa inyo, ang isang paraan ng pagluluto para mapahealthy ang nakasanayan na nating Pork Sisig.
BASAHIN:
Sinigang na Bangus sa Bayabas: Healthy Sinigang Dish ng mga Kapampangan
Kinilaw na Tuna: Pamanang sarap ng ating mga ninuno
4 ways to cook creamy and special Laing
Mga Sangkap sa Pagluluto ng Healthy Version ng Pork Sisig:
- 1/4 kilo giniling na baboy
- 2 kutsarang butter
- 4 butil ng bawang
- 1 piraso malaking sibuyas na pula
- 2-3 piraso siling berde o pansigang
- 1 piraso malaking sibuyas na puti
- 2 kutsaritang toyo
- 1 piraso katamtamang laki ng bell pepper
- Asin
- 1 itlog na maalat
- Paminta
- 1 kutsaritang asukal
- Mayonnaise
- Calamansi
- Dinurog na chicharon (optional)
Larawan mula sa iStock
Paraan ng Pagluluto ng Healthy Version ng Pork Sisig:
- Tadtarin ang bawang, sibuyas na pula, sibuyas na puti, bell pepper, at sili. Durugin ang itlog na maalat gamit ang tinidor. Set aside.
- Sa isang kawali, maglagay ng butter, igisa ang bawang hanggang maging golden brown, isunod ang sibuyas na pula, at sibuyas na puti. Igisa sa loob ng limang minuto.
- Ilagay ang giniling, iluto sa loob ng sampung minuto habang patuloy na hinahalo upang manikit at masunog sa kawali. Timplahan ng toyo, asukal, kaunting asin at paminta o timplahan ng naayon sa panlasa.
- Ilagay ang tinadtad na bell pepper, at haluin. Isunod ang itlog na maalat. Iluto sa loob ng isang minuto.
- Patayin ang apoy at ilagay ang siling berde at dinurog na chicharon. Ang chicharon ay optional lamang para sa extra crunchy na Pork Sisig.
- Pakahain, lagyan lang ng mayonnaise sa ibabaw at kalamansi. Ready to eat na ang Healthy version ng Pork Sisig. Ihain sa mainit na kanin at tiyak na ikaw ay mapaparami ng kain.
Larawan mula sa iStock
Paalala lang po, ang pagkain ng Pork Sisig ay hindi maaaring araw-arawin dahil sa fat content ng baboy na maaaring makasama sa katawan ng tao kapag napasobra ang kain.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!