Ang Pampanga ay kilala bilang Culinary Capital of the Philippines, dahil sa kanilang masasarap na putahe na talaga namang patok sa panlasa nating mga Pilipino. Mapa-fiestahan o handaan, hindi papahuli ang mga Kapampangan pagdating sa kanilang mga ibinibidang putahe.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paraan ng pagluluto sa Sinigang na Bangus sa Bayabas
- Mga sangkap sa pagluluto ng Sinigang na Bangus sa Bayabas
Sinigang na Bangus
Kilala ang Pampanga dahil sa kanilang sisig, tocino, morcon, crab paste (taba ng talangka), halo-halo, relyenong palaka, pulutok(dinuguan), at marami pang iba. Likas sa mga Kapampangan ang pagiging malikhain sa larangan ng pagluluto kung kaya’t karamihan sa ating mga menu kapag handaan ay kadalasang nagmula sa kanilang lugar. Sa Pampanga rin nakilala ang isa sa pinakasarap na version ng Sinigang, ang Sinigang na Bangus sa Bayabas o Bulanglang sa Kapampangan.
Naiiba ang lasa ng Sinigang na Bangus sa Bayabas dahil sa asim at tamis ng sabaw nito na naggagaling sa hinog na bunga ng bayabas. Katulad rin ng ibang version ng sinigang, nilalahukan din ito ng mga gulay tulad ng okra, kangkong at sili. Ang nag-aagaw na asim at tamis ng sabaw nito ang talaga namang nagpapasarap sa putaheng ito.
Bukod sa isdang bangus, maaari ring gumamit ng ibang isda tulad ng tilapia, labahita, dalagang bukid, hasa-hasa, o anumang isda na available sa inyong pinakamalapit na pamilihan at syempre dapat swak sa budget nating mga nanay. Hindi lang masarap ang sabaw nito, napakahealthy rin nito dahil sa bayabas na pangunahing sangkap nito.
Bayabas, sangkap para sa malinamnam na Sinigang na Bangus
Larawan mula sa iStock
Bayabas ang ginagamit na pang-asim dito ng mga Kapampangan dahil sa sagana ito sa kanilang lugar lalo sa sa panahon ng tag-ulan. Madaling mahinog ang mga bayabas, kaya nakaisip sila ng paraan upang hindi masayang ang sobrang hinog na mga bunga nito. Ang resulta, isang masarap at talaga namang malinamnam na Sinigang na Bangus sa Bayabas.
Ang bayabas ay bukod sa masarap kainin, nagtataglay rin ito ng iba’t ibang nutrients na kailangan ng ating katawan. Mataas ang vitamin C ang taglay nito,mas mataas pa sa level ng vitamin C ng orange o lemon. Nagtataglay rin ito ng antioxidant, potassium, at fiber. Mainam daw ang pagkain ng bayabas sa mga taong may mataas na blood sugar sa katawan, nagdidiet dahil sa fiber content nito, at may mataas na porsyento ng potassium na nakabubuti sa ating mga puso. Ayon rin sa ilang pag-aaral, ang bayabas ay meron ring anti-cancer properties dahil sa mataas nitong antioxidant. (www.healthline.com)
Sa paggawa ng Sinigang na Bangus sa Bayabas, simple at madali lang mahanap ang mga sangkap. Mas mainam kung lulutuin ito sa panahon na peak season ang bayabas.
Narito ang paraan sa pagluluto ng Sinigang na Bangus sa Bayabas.
BASAHIN:
Sinigang na Baboy: Pinalevel-up ang paborito nating nakakakilig na sabaw
Nilagang Baka Recipe: Ang pinakasimpleng beef ulam ng mga Pinoy
Afritadang baboy recipe: Fiesta-favorite ng mga Pinoy!
Mga sangkap para sa Sinigang na Bangus:
- 2 pirasong malalaking Bangus (1 kilo)
- ½ kilong hinog na hinog na bayabas
- 1 pirasong katamtamang laki ng sibuyas
- 1 bungkos ng kangkong o talbos ng kamote
- 6 na piraso ng okra
- 3 pirasong siling haba o berde
- 6 tasang tubig
- Patis
Paraan ng pagluluto ng Sinigang na Bangus sa Bayabas:
Larawan mula sa iStock
- Kaliskisan at linisan ang bangus. Hiwain ng pa-slant ang bawat bangus. Apat na piraso sa bawat bangus. Tanggalin ang lahat ng lamang loob. Hugasang maigi at lagyan ng kaunting asin. Salain at itabi.
- Hatiin sa gitna ang mga hinog na bayabas, ilagay sa blender kasama ang isang tasang tubig. Salain upang maalis ang sapal at itabi.
- Hugasan at hiwain ang sibuyas at okra. Alisan ng dahon ang kangkong o talbos ng kamote. Ibabad ang mga dahon ng kangkong o talbos ng kamote sa isang malaking bowl na may kaunting asin sa loob ng 5 minuto. Upang maalis ang mga insekto na kumapit dito.
- Sa isang malalim na kaserola, magpakulo ng 6 na tasa ng tubig, kapag kumukulo na. Ilagay ang sibuyas, at ang bangus. Hayaang kumulo ulit.
- Isunod na ilagay ang katas ng hinoh na bayabas. Timplahan ng asin at pakuluing muli.
- Kapag kumulo na, ilagay ang okra, kangkong o talbos ng kamote, at siling haba. Iluto sa loob ng limang minuto.
- Ihain habang mainit.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!