Malapot, malasa, at may nakakakilig na asim. ‘Yan ang trademark ng paborito nating Sinigang. Pinapalapot ng gabi, pinaasim ng sampalok, at pinapalinamnamn ng patis, hindi ka ba masasabik kung ito ang nakahain sa inyong hapag? Kaya sa mga certified Sinigang Lover, hindi lang lovelife at romantic scene sa mga pelikula ang magpapakilig sa inyo. Pati na rin ang Pinalevel-up na Sinigang na Baboy na ituturo ko sa inyo.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sangkap sa Sinigang na Baboy recipe
- Paraan ng pagluluto ng Sinigang na Baboy
Sinigang na Baboy paborito ng mga pinoy
Sinigang ang isa sa ulam na hindi pinagsasawan ng mga Pilipino. Bukod kasi sa nakakakilig na asim na binibigay nito, may mga sustansiyang hatid ang mga sangkap nito tulad ng karne o seafood, gulay na gabi, kangkong, okra, sitaw at kung anu-ano pa. Kaya naman all time fave natin ito. Pampainit ng katawan, pampalakas rin ng resistensya.
Alam niyo bang ang Sinigang ay galing sa salitang “Singgang” ng mga taga Malaysia. Gawa rin ito sa sabaw na may pampaasim at nilalagyan din gulay. Masasabing nakarating ang Sinigang sa atin noong unang panahon, kasabay ng pagpapalitan ng produkto ng mga sinaunang tao. Ang ating mga ninuno naman ay likas na resourceful kung kaya’t maraming version na ng sinigang ang matitikman sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Asim kilig na Sinigang na Baboy recipe
Nariyan ang Sinigang Sa Batwan na partikular sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao, Sinigang sa Manggang Hilaw ng mga Katagalugan, Sinigang sa Bayabas ng mga Kapampangan, mayroon ding Sinigang sa Kamias, Sinigang sa Santol at ang pinakakilala ay ang Sinigang sa Sampalok.
Ang pinakamadali at pinakakilalang version sa mga sinigang ngayon ay ang Sinigang na Baboy. Karaniwang nilalahukan ang Sinigang na Baboy ng karne ng baboy at gulay katulad ng sitaw, kangkong, okra sili, at gabi.
Isa sa mga natutunan kong version ng Sinigang na Baboy ang mas malasa at mas pinalevel-up ang linamnam. Ituturo ko rito ang paraan kung paano gawin ang Pinalevel-up na Sinigang sa Baboy.
Mga sangkap para sa Pinalevel-up na Sinigang na Baboy recipe:
Pork liempo ang kadalasang ginagamit sa sinigang na baboy, pero masarap din gumamit ng buto-buto na baboy. | Larawan mula sa iStock
- 1 kilo ng karne ng baboy (may taba)
- 1 malaking sibuyas
- 6 na pirasong kamatis
- 2 pirasong malaking gabi
- Sampalok o kalamansi
- 1 tali ng okra
- 1 bungkos ng kangkong
- 3 siling berde
- Patis
BASAHIN:
Lechon Paksiw: Ang masarsang recipe para sa Lechon leftover (with homemade lechon sauce)
Leche Flan Recipe: Ang egg-cellent dessert na puwedeng ipang-negosyo
Kinilaw na Tuna: Pamanang sarap ng ating mga ninuno
Paraan sa pagluluto ng Pinalevel-up na Sinigang na Baboy recipe:
- Sa isang malalim na kawali, ilagay ang nahugasang baboy, 1 tasa ng tubig, at 1 kutsarang patis. Isalang sa katamtamang init. Kapag malapit na matuyuan ng tubig, hakuin uoang hindi manikit. Iprito ng bahagya sa sa sarili niyang mantika. Hanguin at itabi.
- Hiwain ang sibuyas, kamatis, gabi at okra. Isunod na hiwain ang kangkong. Kunin ang dahon at isama ang malalambot na stem ng kangkong.
- Pakuluan ang sampalok sa ½ tasang tubig. Kapag malambot na, salain at itabi.
- Sa pinaglutuan ng baboy, igisa ang sibuyas at kamatis sa loob ng limang minuto. Lagyan ng 5-6 na tasang tubig at timplahan ng patis. Hayaang kumulo.
- Kapag kumukulo na, ilagay ang nilutong karne ng baboy at gabi. Pakuluin muli hanggang sa lumambot ang karne at madurog ang gabi. Ang gabi ang magsisilbing pampalapot ng sabaw ng Sinigang na Baboy.
- Kapag malambot na ang karne, ilagay ang pampaasim na sampalok o kalamansi. Tikman upang maadjust ang lasa ng sinigang. Timplahan ulit ng patis kung nakukulangan sa alat. Dagdagan ng tubig kung kinakailangan.
- Ilagay ang okra, kangkong, at sili at pakuluan muli sa loob ng 5 minuto. Huwag tatakpan upang mapanatili ang kulay ng mga gulay.
- Ihain ng mainit kasama ang sawsawang patis na may sili.
Larawan mula sa iStock
Mga Tip:
- Nilalaga at piniprito sa sariling mantika ang karne ng baboy, upang mas maging malinamnam ang lasa ng gagawing Sinigang na Baboy.
- Maaaring gumamit ng ng kalabasa, ube, o kamote bilang pampalapot ng sabaw kapag hindi available ang gabi sa pamilihan.
- Maaari ring lagyan ng labanos, sitaw, talong, sigarilyas, at buto ng patani ang inyong Pinalevel-up na Sinigang na Baboy.
- Imbes na kangkong, pwede ring gamitan ng talbos ng kamote, petchay, o repolyo ang inyong sinigang. Dumedepende ito sa availability ng mga sangkap sa inyong pamilihan.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!