Ang posisyon ang paborito ni baby kapag natutulog? Alamin rito ang tamang higa ng sanggol.
Hindi ba’t may ginhawang nararamdaman kapag napatulog mo na si baby? Pagkatapos ng mahaba-habang ritwal sa pagpapatulog, sa wakas ay mahimbing na siya.
Ang anak ko ay mahilig matulog nang nakadapa, kaya naman naisipan namin na magbasa ng mga artikulo at libro tungkol sa tamang higa ng sanggol.
Talaan ng Nilalaman
Tamang higa ng sanggol: paalala sa mga magulang
Ayon sa ulat ng American Academy of Pediatrics, halos 3,400 sanggol ang namamatay sa Amerika taun-taon habang sila ay natutulog. May mga binabawian dahil sa sudden infant death syndrome (SIDS) o mula sa aksidente.
Kaya naman nagpalabas ang AAP ng mga guidelines para sa tamang paraan ng pagtulog ng mga sanggol at babala sa mga magulang. Narito ang mga bagay at paalala na sa magulang tungkol sa tamang higa ng sanggol:
-
Sa kanilang unang taon, ang sanggol ay dapat pinapatulog nang nakatihaya sa lahat ng oras.
Mas mababa ang posibilidad ng SIDS sa mga sanggol na pinapatulog nang nakatihaya. Narito pa ang ilang paalala kaugnay nito:
-
- Pagkapanganak, dapat ay ma-practice ang skin-to-skin contact ng ina at kaniyang sanggol sa loob ng isang oras. Kapag nagpapahinga si mommy, dapat ay ibalik ang bata sa pagkakahiga nang nakatihaya sa kaniyang bassinet.
- May mga bata na gugulong sa kanilang gilid o dadapa. Kung marunong nang umikot ang sanggol, wala namang problema rito. Basta siguruhin lang na walang mga gamit sa paligid ng higaan ng newborn. Alisin ang mga kumot, laruan at unan para maiwasang ma-suffocate si baby sa mga bagay na ito.
- Kapag nakatulog si baby sa kaniyang car seat, stroller o carrier, dapat ay ihiga mo siya sa isang ligtas na surface nang nakatihaya
-
Ihiga si baby sa isang ligtas at matibay na surface.
Siguruhing ang crib o bassinet na paglalagyan sa iyong anak ay pasado sa standards ng Consumer Product Safety Commission. Gayundin, dapat ay akma o well-fitted ang sapin sa kutson nito.
Iwasan ang paggamit ng masyadong malambot na kutson para kay baby. Dapat ay hindi siya lulubog kapag inilapag siya rito.
Huwag ding patutulugin si baby sa mga pregnancy pillow o nursing pillow. Maari kasing gumulong si baby at mahulog, o kaya naman ma-suffocate ng tela ng unan.
Gayundin, iwasang patulugin ang sanggol sa mga sofa, upuan o lamesa kung saan pwede siyang gumulong at mahulog. Lubhang delikado ito para sa isang sanggol.
-
Ilagay lang si baby sa kama kapag magpapadede o pinapakalma siya.
Ilagay na si baby sa kaniyang crib o bassinet kapag handa na siyang matulog. Kung sa palagay mo ay may posibilidad na makatulog ka habang hawak mo siy.
Siguruhin na walang mga kumot at bed sheet o unan sa paligid para hindi matabunan si baby. sa oras na magising ka, ilipat agad ang iyong sanggol sa kaniyang crib.
-
Pagtabi kay baby sa pagtulog, okay lang ba?
Ayon sa AAP, hindi dapat itinatabi si baby sa inyo sa pagtulog, lalo na kung wala pa siyang 4 na buwan. Maaari kasing maging delikado sa kaniya ito, lalo na kung ang magulang ay may iniinom na gamot at mahihirapan siyang magising kaagad.
Gayundin, maaari kasing matabunan si baby ng mga unan o kumot sa inyong kama, at maaari mo rin siyang madaganan nang hindi mo namamalayan.
Alalahanin ang mga bagay na ito para sa tamang higa at ligtas na pagtulog ng sanggol.
Bakit mahilig matulog nang nakadapa si baby?
Ang pagtulog ng nakadapa ay cute pa rin namang tingnan, hindi ba? Ang mga baby lang naman ang sadyang nakakatuwa kapag nakatuwad at nakaumbok ang puwet habang natutulog nang mahimbing.
Maniniwala ba kayong ang dahilan ng ganitong posisyon sa pagtulog ay nagmula sa ebolusyon?
Bago pa natutong maglakad ang tao, tulad din ng mga hayop, gamit natin ang “all fours”—dalawang kamay at dalawang binti (o tuhod), sa umpisa. Kaya naman ang mga hayop ay may matibay na likod at malambot na tiyan.
Kaya ang tiyan ang karaniwang inaatake ng mga kalaban ring hayop. At para protektahan ang sarili kapag tulog, animo’y itinatago nila ang kanilang tiyan.
Para sa mga tao, ang muscles sa likod ang mas matibay kaysa sa abdominal muscles. Kaya instinct na rin ang pagtulog ng naka “fetal position” o nakadapa, at likod ang naka-expose.
Ganoon din ang mga babies. Sanay sila sa fetal position mula sa sinapupunan, kaya patuloy ito hanggang pagkapanganak sa kanila at habang lumalaki. Mas ligtas ang pakiramdam ng mga sanggol kapag nakabalot o naka-swaddle.
Ligtas nga ba ang pagtulog nang nakadapa?
Ayon sa mga pag-aaral, ang pagtulog nang nakadapa ay maaaring magdulot ng mga problema sa paghinga, lalo na sa mga sanggol. Kapag nakadapa, maaari kasing mahinga lang uli nila ang kanilang hininga kaya mamumuo ang carbon dioxide at bababa ang oxygen.
Gayundin, kapag nahihinga mo uli ang iyong exhaled breath, maaaring maging mahirap para makalabas ang init sa iyong katawan. Dahil rito, posibleng magkaroon ng overheating sa katawan ng sanggol, na isang kilalang risk factor ng SIDS.
Ayon sa guidelines ng AAP, nirerekomenda na patuloy na patulugin si baby nang nakatihaya hanggang 1-taong gulang. Subalit pagdating ng 6 na buwan, o mas maaga pa, maaaring matututo na siyang gumulong o umikot. Sa ganitong pagkakataon, ayos lang kung makakatulog nang padapa si baby.
Pagdating ng 1-taong gulang, nababawasan na ang posibilidad ng SIDS. Pero kung marunong nang dumapa ang iyong sanggol pero hindi pa siya marunong umikot pabalik sa pagkatihaya, mas mabuting ibalik mo siya sa nauna niyang posisyon.
At kung marunong na talagang dumapa sa kaniyang paglaki, hindi na kailangang bantayan ito. Hayaan lang sa kaniyang pagtulog at sabayan na lang siya sa pagpapahinga.
Kung matutulog na nang padapa si baby, siguruhin din na walang suffocation hazard (mga nabanggit sa itaas) sa kaniyang kama o crib.
Swaddling: nakakatulong ba sa tulog ni baby?
Isa sa mga paraan na nirerekomenda ng mga eksperto para maging mahimbing ang pagtulog ni baby ay swaddling. Ito ang tawag kapag sa technique kung saan ang katawan ni baby ay nakabalot sa manipis na tela.
Nakakatulong umano ito dahil kinokopya nito ang pakiramdam ni baby noong nasa loob pa siya ng iyong tiyan. Gayundin, kapag balot na balot si baby, mas naiiwasan ang pagkagulat, at nakakaramdam siya ng warmth kaya naman nagiging masarap ang tulog niya.
Subalit ayon din sa AAP, ang swaddling ay nakakapagpataas ng posibilidad ng SIDS. Kaya naman siguruhing manipis lang ang gagamiting tela pambalot sa katawan ni baby para hindi mag-overheat, at makahinga nang maayos ang sanggol. Gayundin, siguruhin na tama ang pagkakabalot mo kay baby at nakakagalaw pa rin ang kaniyang mga paa.
Para sa tamang paraan ng pag-swaddle sa iyong sanggol, basahin rito.
Kapag marunong nang gumulong si baby at kaya na niyang makawala mula sa pagka-swaddle, senyales ito na dapat nang itigil ang paraang ito.
Nakakakaba ang mga unang araw na pinagmamasdan mong matulog ang iyong sanggol. Pero kung sasanayin mo siya sa tamang paraan ng paghiga at pagtulog, makakasanayan niya rin ito at mas mapapalagay at magiging mahimbing ang tulog ng buong pamilya.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni ANNA SANTOS-VILLAR
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.