Ano ang SIDS o Sudden Infant Death Syndrome? Ito na ata ang pinakamasamang panaginip para sa ating mga magulang. Ilalagay mo lang sa kama ang iyong anak para matulog ngunit hindi mo aakalaing hindi na ito magigising pang muli.
Mababasa dito ang sumusunod:
- Ano ang SIDS o Sudden Infant Death Syndrome?
- Dahilan ng SIDS.
- Risk factor ng SIDS sa baby.
- Paano makakaiwas sa Sudden Infant Death Syndrome ang iyong anak.
Ano ang SIDS sa baby o Sudden infant death syndrome?
Narinig mo na rin ba ang terminolohiyang sudden infant death syndrome? Napapatanong ka rin ba kung ano ang Tagalog ng SIDS sa baby? Ang SIDS sa Tagalog ay ang biglaang pagkamatay ng sanggol sa hindi maipaliwanag na dahilan habang natutulog.
Ilang beses nang nakakita ng trahedyang ito ang isang pediatric palliative care specialist sa Boston Children’s Hospital na si Dr. Richard Goldstein, M.D. Ayon sa kaniya, hindi ito kailanman naging madali.
“These parents have such profound suffering,” dagdag pa niya, “It’s a peculiar and sad little corner of medicine.”
Ayon sa pinakabagong tala ng Centers for Disease Control and Prevention noong 2017, halos 3,600 na sanggol ang biglaang namamatay na lamang.
Habang 1,400 rito ang pinaniniwalaang namatay dahil sa Sudden Infant Death Syndrome o SIDS kung tawagin. Ito’y nangyayari kapag biglaang namatay ang bata na nasa isang taon pababa habang sila’y natutulog na walang ibang dahilan para sila’y mawalan ng buhay.
SIDS o Sudden infant death syndrome | Image from iStock
Sa kabila ng pagiging pangatlong pinakapangkaraniwang dahilan ng pagkamatay ng mga sanggol ang SIDS, hindi pa rin malaman ng mga eksperto kung paano ito pumapatay. Ayon kay Dr. Michael Ackerman, M.D., Ph.D., isang genetic cardiologist ng Mayo Clinic.
Samantala, ayon naman kay Dr. Nino Ramirez Ph.D., isang neuroscientist ng University of Washington, “We’ve been making big progress by looking at how a cloud of factors come together in a perfect storm,” dagdag pa niya na, “Every SIDS child has a unique history, but we can identify common risks by letting the data speak.”
Sudden infant death syndrome diagnosis: Ano ang dahilan ng SIDS?
Bago ang 1960s, pinaniniwalaang namamatay ang mga sanggol nang biglaan dahil sa “asphyxiation” o “unexplained causes”. Ngunit sa paglipas ng panahon, ito ay nakilalang SIDS ng mga eksperto.
Masasabing misteryo pa rin ito sa mga sanggol. May mga naniniwala na tumataas ang tiyansa ng SIDS sa sanggol kapag ito’y lumaki sa mahirap na pamilya o ang mga nanay ay naninigarilyo habang sila ay nagbubuntis.
Ngunit nagbigay ng pahayag ang mga eksperto sa potential risk factor ng SIDS. Ang mga sanggol ay maaaring namamatay dahil sa SIDS dahil natutulog ito nang nakadapa.
Ayon sa mga sinsabi ng eksperto ang mga baby na natutulog nang nakadapa ay nalalanghap nang paulit-ulit ang hangin na kanila ring binubuga. Pagkaubos ng vital oxygen ang nagpapataas ng carbon dioxide. Kapag hindi nagising agad ang mga sanggol kapag ito’y nangyari, mataas ang tiyansa na sila’y ma-suffocate.
SIDS o Sudden infant death syndrome | Image from iStock
Taong 1994, nagsagawa ng “Back to Sleep” campaign ang National Institute of Child Health and Human Development. Hinihikayat nito ang mga magulang na patulugin ang kanilang mga anak nang nakahiga.
Sa loob ng 10 years, bumaba ang kaso ng SIDS sa mga sanggol. Mula 5,000, mabilis itong bumaba ng 2,000 hanggang 3,000 kada taon pagsapit ng 2000s.
Ngunit napababa man ito, may ilang porsiyento pa rin ng pagkamatay ng mga sanggol kada taon ang patuloy na nakikita. “we don’t really know the ultimate causes of these deaths.” ayon pa kay Dr. Peter Blair, Ph.D., isang epidemiologist sa University of Bristol sa United Kingdom.
Misteryo pa rin ang dahilan ng Sudden infant death syndrome o SIDS.
Ang utak ba ang dapat sisihin?
Ano nga ba ang sudden infant death syndrome? Ano ang rason bakit biglaang namamatay ang mga sanggol habang natutulog?
Marami na ang nakitang kaso ng SIDS ng isang neuropathologist sa Boston Children’s Hospital sa Massachusetts na si Dr. Hannah Kinney, M.D. Dagdag pa nito, kung alam lang niya ang dahilan ng pagkamatay ng mga sanggol, maaaring makakatulong siya sa pagpigil nito.
Noong 1980s, nakakita si Dr. Kinney ng ilang senyales ng pagkasira sa isang parte ng utak ng mga batang namatay sa SIDS. Ang parteng ito ay kumokontrol sa paghinga. Sa 40 percent ng mga batang namatay sa SIDS, nakita nitong nagkaroon sila ng mababang level ng neurotransmitter serotonin.
Ang serotonin ang nagkokontrol sa mood ng isang tao pati na rin sa paghinga, heart rate, blood pressure, temperature regulation at arousal habang natutulog.
Sa ginawang eksperimento ni Dr. Kinney at Dr. Susan Dymecki, M.D., Ph.D. sa dalawang daga na mayroong parehong kakulangan sa serotonin, nakita nilang hindi man lang ito nagkaroon ng tension kahit na mababa ang oxygen dito at mataaas ang carbon dioxide. “they just lied there and died,” ayon kay Dr. Goldstein.
Iba pang pag-aaral na may kaugnayan sa serotonin
Taong 2018 naman nang ilimbag ni Dr. Dymecki at mga kasama nito ang pag-aaral tungkol sa pagharang ng serotonin neurons sa brainstems ng mga daga.
Ito ang naging dahilan nang pagkakaroon nila ng abnormal na pattern sa paghinga. Sa madaling salita, maaaring magpapahawig ang ang behavior ng daga at sanggol na namatay dahil sa SIDS. Ito ang nagbigay sa kanila ng idea na puwedeng ang pagkakaroon ng serotonin deficiencies ang rason ng SIDS.
Noong 2017 sa Australia, nagkaroon ng research si Dr. Fiona Bright, Ph.D., isang neuroscience doctoral student sa University of Adelaide tungkol sa paghahanap ng bagong abnormality sa neurotransmitter sa brainstem ng mga SIDS babies.
Dito niya nakita na mayroong defect sa pathway ng brain na may kaugnayan sa paghinga ng sanggol pati na rin sa pagkakaroon ng mababang level ng oxygen. Ito ang dahilan kung bakit nahihirapang huminga ang mga bata habang sila ay natutulog.
Ayon kay Dr. Bright, “During sleep, most infants can wake themselves up,” dagdag pa niya na, “SIDS babies don’t have this ability.”
May defect sa DNA?
May pag-aaral din ang mga scientist na ang mga sanggol na namatay sa SIDS ay may mutation sa kanilang DNA. Sa katunayan, may ilang pag-aaral na nagtuturong isang dahilan ng SIDS ang namamanang kondisyon.
SIDS o Sudden infant death syndrome | Image from iStock
Noong 2018, inilimbag ni Dr. Ackerman ng Mayo Clinic ang isang pag-aaral ng American College of Cardiology kung saan pinag-aralan ang genomes ng 419 na sanggol na namatay sa SIDS. Nalaman niya na 5 percent nito ay mayroong mutation ng genes na mayroong sudden cardiac death.
Nakakita rin sila ng ugnayan sa SIDS at mutation ng SIDS sa metabolism, inflammation at development ng epilepsy.
Undiagnosed Disease
Hindi pa rin makapagbigay ng tamang explanation sina Dr. Goldstein at Dr. Kinney sa mga magulang sa kabila ng ilang pag-aaral na ito.
Noong 2014, nagsagawa sila ng clinical program at research study sa Boston Children’s Hospital. Dito nila pinag-aralan ang kaso ng mga bata sa Massachusetts na namatay sa hindi malamang dahilan sa edad na 3 pababa.
Taong 2017 sila nakakita ng explanation dito. Napagalaman nila na may kaugnayan ang undetected infections, unusual birth defects at rare genetic mutations sa mga namatay na sanggol dahil sa SIDS.
Sa isang kaso, isang “epilepsy-causing mutation” ang nakita sa kapatid ng batang namatay mula sa SIDS, at kasalukuyang ginagamot.
Isang pag-aaral ang inilimbag noong April 2019 kung saan mataas ang tyansa na magkaroon ng SIDS baby ang mga nanay na naninigarilyo habang sila ay nagbubuntis.
Risk factor ng SIDS sa baby
Hanggang ngayon man ay nananatiling hindi maipaliwanag kung ano ang SIDS sa baby. Patuloy pa rin ang mga pag-aaral hinggil dito. Ngunit dahil sa mga isinagawang pag-aaral, mayroong inilatag na mga posibleng dahilan kung bakit nangyayari ito sa mga bata.
Ayon sa artikulong Children’s Hospital Organization, may mga factor na maaaring makapagpataas ng risk ng SIDS sa iyong anak. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
- Kapag mayroong kapatid ang bata na namatay sa SIDS
- Kung nasa edad na 19 years old pababa pa lamang ang nanay nang unang mabuntis
- Mga premature baby
- Mga sanggol na may mababang timbang noong isilang
- Pagtulog ng sanggol nang nakadapa o nakatagilid
- Kung naninigarilyo ang mommy habang ipinagbubuntis ang baby. O kaya naman ay madalas na makalanghanp ng usok ng sigarilyo ang mommy mula sa ibang tao habang ito ay buntis.
- Pagpapatulog sa sanggol sa masyadong malambot na higaan
- Overheating habang natutulog
- Kakulangan o kawalan ng prenatal care ng mommy habang ipinagbubuntis si baby.
Paano nga ba nada-diagnosed ang SIDS?
Walang diagnostic test para sa SIDS. Masasabi lang na SIDS ang ikinamatay ng sanggol kung matapos ang autopsy, death scene investigation at clinical history review at wala pa ring makitang tiyak na dahilan kung bakit namatay ang baby.
Tips para maiwasan ang SIDS sa iyong anak
Mahirap man malaman kung at risk bas a SIDS ang iyong baby o hindi, mahalaga pa rin ang pag-iingat para sa kaniyang kaligtasan. Narito ang ilang hakbang na maaari mong gawin para maiwasan sa SIDS sa iyong anak.
1. Patulugin ang baby nang nakatihaya
Iwasang patulugin ang iyong anak nang nakadapa o nakatagilid. Maaari kasi itong magdulot ng hirap sa paghinga ng sanggol. Tiyaking anomang oras, tuwing siya ay matutulog ay nakalapat sa higaan ang kaniyang likod at maayos ang kaniyang paghinga.
Kung iiwan ang iyong anak sa pangangalaga ng ibang tao, halimbawa ay sa iyong asawa, magulang, o yaya, tiyakin na ibilin sa kanila na huwag patutulugin ang bata nang nakadapa o nakatagilid.
Iwasan ding hayaan na natutulog ang bata sa car seat, baby seat, duyan, o stroller nang matagal na oras. Hangga’t maaari ay ihiga ang baby sa patag na higaan at tiyaking maayos ang kaniyang paghinga.
Bukod pa rito, huwag ding maglalagay ng mga stuffed toys, kumot, labis na unan, sa crib ng iyong anak o sa paligid ng natutulog na baby. Ang mahalaga lang ay mayroon siyang fitted sheet. Iwasan din siyang ihiga sa masyadong malambot na higaan.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Dominika Roseclay
Mahalagang iiwas mula sa usok ng sigarilyo ang iyong anak. Huwag manigarilyo habang ikaw ay buntis at maging sa oras na nakapanganak na.
Ilayo rin ang iyong anak mula sa second hand smoke galing sa ibang tao sa paligid lalo na sa mga kasama sa bahay. Tiyaking walang maninigarilyo sa loob ng bahay. Maaari din kasing kumapit sa mga gamit ng bata ang amoy ng usok ng sigarilyo na siyang malalanghap ng bata.
3. Panatiling presko ang pakiramdam ng bata
Isa ang overheating na tinitingnang dahilan ng SIDS sa baby. Iwasang mainitan nang labis ang bata habang natutulog. Tiyaking presko ang pakiramdam nito at komportable sa pagtulog.
Suotan ang iyong anak ng komportable at hindi mainit sa pakiramdam na damit. Tiyakin din may maayos na ventilation at sapat at komportableng temperatura ang lugar kung saan natutulog ang bata.
Hangga’t maaari ay pasusuhin ang iyong anak sa iyong dibdib. Malaki ang maitutulong ng sustansya mula sa gatas ng ina para mapanatiling malusog ang anak.
5. Bakuna
Tiyaking kompleto ang bakuna para sa bata. Makatutulong ito para maiwasan ang mga hindi inaasahang sakit at pati na rin ang SIDS sa baby.
6. Physical Touch
Ayon sa Web MD, mahalaga umano ang skin-to-skin contact ng ina at baby. Maaaring patulugin ang iyong anak sa iyong kwarto pero huwag sa kaparehong higaan ng mga magulang.
Kung papasusuhin ang iyong anak sa inyong kwarto, ibalik din ito sa sarili nitong crib, cradle, o basinet kung tulog na ang bata at matutulog na rin ang magulang.
Bukod pa rito, kung ikaw ay pagod at may tiyansa na makatulog habang nagpapasuso, iwasang magpasuso sa habang nakaupo sa silya o couch.
Dagdag pa sa mga nabanggit na paraan para maiwasan ang SIDS sa iyong anak, tandaan na huwag din bibigyan o paiinumin ng honey ang iyong baby kung ito ay wala pang isang taong gulang.
Ang pagkonsumo ng honey ng mga batang nasa edad isa pababa ay maaaring magdulot ng tinatawag na botulism. Naiuugnay ng mga eksperto ang botulism at ang bacteria na nagdudulot nito bilang isa sa mga posibleng sanhi ng SIDS.
Panghuli, mahalaga ang regular na check-up sa pedia para matiyak na walang iniindang sakit ang iyong anak. Importanteng ma-monitor ng doktor ang kalusugan ng iyong baby.
This story was originally published on 17 April 2020 in NYT Parenting.
Isinalin sa wikang Filipino mula sa theAsianparent Singapore
Isinalin sa wikang Filipino ni Mach Marciano
Karagdagang impormasyon sinulat ni Jobelle Macayan
“What Causes SIDS?” by Carrie Arnold © 2020 The New York Times Company Carrie Arnold is an award-winning health and environment reporter based in Virginia, WebMD, Children’s Hospital Org., Mayo Clinic
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!