Hindi natin maitatago na ang paninigarilyo ay masama sa kalusugan. Sinisira nito ang iyong internal organs at nakakasama sa katawan, sa kabuuan. Habang nagbubuntis, ang negatibong epekto ng paninigarilyo ay nagpapatuloy. Kaya naman paano nga ba maiiwasan ang smoking? Alamin dito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga pwedeng mangyari sa buntis at baby kapag patuloy na naninigarilyo
- Paano maiiwasan ang smoking kung ikaw ay buntis
Paninigarilyo habang nagbubuntis: Narito ang mangyayari sa iyo at sa iyong baby
Kung ikaw ay naninigarilyo at hindi kayang itigil ang ganitong gawi, hindi mo lamang inilalagay ang iyong kalusugan sa kapahamakan ngunit maging ang buhay ng iyong baby.
1. Miscarriage at stillbirth
Ang isa sa pinakamasakit na posibleng mangyari habang nagbubuntis ay ang makunan (miscarriage) o ipanganak ng wala ng buhay si baby (stillbirth).
Kung ang isang buntis ay patuloy na maninigarilyo ang mas tumataas ang posibilidad na mangyari ang alinman sa dalawang ito, dahil sa mga mapanganib na kemikal na nasa sigarilyo.
Ayon sa pag-aaral ang panganib na makunan ay mas tumataas depende sa bilang ng paninigarilyo (1% tumataas ang panganib na dulot ng paninigarilyo depende sa dami ng beses na ginagawa ito kada araw).
Samantala ang paninigarilyo habang buntis ay nakaugnay din sa 47% pagtaas ng bilang ng stillbirth.
2. Ectopic pregnancy
Ang ectopic pregnancy ay nangyayari kapag ang pertilisadong itlog ay nasa labas ng matres o ‘di kaya ay na-stuck sa fallopian tubes at hindi made-develop.
Ang nicotine sa sigarilyo ang sanhi nito dahil pinipigilan nito ang contractions sa tube na nagpa-padaloy sa itlog.
Larawan mula sa Shutterstock
3. Placenta Previa
Sa mga normal na pagbubuntis, ang placenta o inunan ng bata ay karaniwang nasa ibabaw ng sinapupunan, upang magbigay ng espasyo sa cervix upang bumukas ito ng maayos sa panganganak.
Ang placenta previa ay kapag ang placenta ay nakatakip sa bukasan ng cervix, at ang paninigarilyo habang nagbubuntis ay maaaring maging sanhi nito.
4. Pre-term Birth
Ang paninigarilyo habang nagbubuntis ay maaring magdulot ng pre-term birth o panganganak ng wala pa sa kabuwanan. Hindi lamang ito nangangahulugan ng panganganak ng maaga.
Ngunit maaari ring maging sanhi ng pagkakaroon ng mga posibleng komplikasyon sa baby. Maaaring lumabas ang mga komplikasyon na ito habang lumalaki ang bata, tulad ng cerebral palsy o learning at behavioral problems o maaaring magkaroon ng kapansanan.
5. Birth Defects
Ito ang mga epekto sa pisikal na katawan ng bata dahil sa paninigarilyo. Ang cleft lip/palate o bingot sa tagalog, o mga problema sa puso ay sanhi ng patuloy na paninigarilyo habang nagbubuntis.
BASAHIN:
STUDY: Exposure sa usok ng sigarilyo ng buntis, dahilan ng cancer at developmental disorders sa baby
Effects of second hand smoking in pregnancy?
What complications does smoking cause in your baby?
Panahon na upang huminto sa paninigarilyo mga mommies.
Kapag ikaw ay buntis lahat ng mga bagay na iyong kinakain o ginagamit sa katawan ay maaaring makaapekto kay baby. Kung ikaw ay naninigarilyo ang iyong baby ay naka-expose sa mga kemikal tulad ng nicotine at carbon monoxide.
Kung ikaw ay isang smoker at nabuntis, ngayon na ang panahon upang huminto. Sa kabilang banda kung ikaw ay naninigarilyo at nagpaplano ng mabuntis, gumawa ng plano kung kailan hihinto bago mabuntis.
Larawan mula sa Shutterstock
Ang paghinto sa paninigarilyo ay makatutulong upang mabawasan ang mga panganib na maaaring maranasan ni baby. Importante rin na huwag bumalik sa paninigarilyo matapos manganak dahil maaari rin itong makasama sa bata.
Paano maiiwasan ang smoking at mga epektibong paraan upang huminto sa paninigarilyo mga mommies?
Narito ang 5 tips na maaari mong gawin.
Larawan mula sa Shutterstock
Tunay nga namang mahirap ang paghinto sa paninigarilyo o smoking. Maaari itong mapadali kung ikaw ay mayroong plano. Kung sa tingin mo ay handa ka ng tumigil sa paninigarilyo narito ang mga simpleng tips kung paano maiiwasan ang smoking:
-
Alamin kung bakit ka hihinto sa paninigarilyo.
Bago ka tuluyang huminto sa paninigarilyo, importanteng alamin kung bakit mo nga ba ginagawa ang bagay na ito. Makakatulong ito upang as mapatibay ang iyong will sa paghinto. Maaari mong itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod na katanungan:
-
- Ano ang bagay na ayaw ko sa paninigarilyo?
- Ano ang mga bagay na hindi ko nagagawa dahil sa paninigarilyo?
- Paano nga ba nakakaapekto ang paninigarilyo sa kalusugan ko?
- Ano ang maaaring mangyari sa akin at sa pamilya ko kapag nagpatuloy ako sa paninigarilyo?
- Ano ang mga mabuting maidudulot sa buhay ko, kapag huminto ako sa paninigarilyo?
-
Alamin ang mga triggers, cravings o nagtutulak sa iyo upang manigarilyo at kung paano ito maha-handle ng tama.
Ang triggers ay maaring tao, lugar, o aktibidad na nagtutulak sa iyo upang manigarilyo. Ang cravings naman ay mahirap labanan, ngunit hindi rin ito nagtatagal.
Humanap ng mga paraan upang malibang ang iyong sarili hanggang sa mawala ang cravings na ito. Hangga’t maaga ay maaari mo ng ilista ang mga activities na pwede mong gawin kapag nagkaroon ka ng cravings.
-
Humanap ng paraan kung paano maha-handle ang nicotine withdrawal.
Sa unang Linggo ng pagtigil sa paninigarilyo maaari itong maging mahirap. Habang nangyayari ang withdrawal, nasasanay ang katawan sa pagkawala ng nicotine sa katawan.
Ang ibang tao ay nakakaranas ng malalang sintomas tulad ng pagka-depressed, hirap sa pagtulog, mainitin ang ulo, pagiging anxious, hirap sa pag-iisip ng maayos.
Bilang solusyon ang iba ay ginugusto ulit manigarilyo. Isa sa pinaka mainam na paraan upang malabanan ito ay ang nicotine replacement therapy o NRT na makakatulong upang maiwasan ang mga sintomas na ito.
Ang mga buntis o mga taong sumasailalim sa medikasyon ay kinakailangang kumonsulta sa doctor bago gawin ang NRT.
-
Ipaalam sa pamilya at kaibigan na ikaw ay hihinto na sa paninigarilyo.
Mas mapapadali ang paghinto sa paninigarilyo kung makatatanggap ng suporta mula sa mga taong malapit sa iyo. Maaaring ipaalam sa kanila na hihinto ka na sa paninigarilyo, maaaring sabihin sa kanila ang bagay na pwede nilang maitulong.
-
- Sabihan sila na bantayan ka habang ginagawa ang plano mo na paghinto.
- Ipaalam sa mga kapamilya na huwag manigarilyo kapag kasama ka,
- Sabihan ang mga kapamilya na huwag kang bigyan ng sigarilyo kahit magpumilit ka pa.
- Ipaalam sa kanila na maaaring kang makaranas ng mga sintomas at maging mapagpasensya sa iyo.
Larawan mula sa Shutterstock
-
Gumawa ng quit plan.
Ang pagkakaroon ng plano ay malaking tulong. Magsisilbi itong gabay sa iyong paghinto sa paninigarilyo.
Mga bagay na maaari mong gawin kapag hinahanap ng katawan ang nicotine
Mahirap labanan ang cravings ng nicotine sa mga unang araw ng paghinto. Narito ang mga maaari mong gawin upang labanan ito.
- Maaari kang gumamit ng nicotine gum, lozenges o inhaler.
- Libangin ang sarili, gumawa ng mga bagay na nakakapag distract sa iyo.
- Lumayo sa ibang mga naninigarilyo, dahil mas lalo itong nakakapag trigger.
- Ipaalala lagi sa sarili ang rason kung bakit ka huminto.
- Tandaan na panandalian lang ang cravings.
- Uminom ng tubig.
- Kumain ng candy.
- Makinig ng music.
- Mag-relax, mag-exercise o magyoga.
- Gumawa ng mga activities na ginagamit ang kamay, tulog ng pagbuo ng puzzles.
- Gumawa ng mga gawaing bahay.
Tandaan
Ang pagbubuntis ay may kalakip na malaking responsibilidad, dalawang buhay na ang nakasaalang alang. Iwasan ang mga aktibidad na makakasama sa iyo at sa iyong anak, itigil ang paninigarilyo bago ito pagsisihan at mahuli ang lahat.
Kung nais basahin ang English version ng article na ito, i-click mo ito.
Source:
MyHealth.Alberta, smokefreewomen, CDC
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!