Postpartum depression dahil sa COVID 19 mas dumarami umano ang biktima ngayon. Ito ay ayon sa mga eksperto.
Postpartum depression dahil sa COVID 19
Ayon sa World Health Organization o WHO, isa sa nakakabahalang epekto ng COVID-19 pandemic ay ang impact nito sa mental health ng isang tao. Dahil maliban sa takot na mahawa sa sakit, nagdudulot rin ito ng stress at depression. Sapagkat hindi tulad ng dati naging limitado ang galaw ng bawat isa ngayon dahil sa ipinatutupad na lockdown. At karamihan ay nawalan ng kabuhayan at patuloy na namomoblema kung paano sila makakasurvive sa kasalukuyang kalagayan.
Isa nga sa labis na apektado ng sitwasyong ito ay ang mga bagong silang na ina. Dahil maliban sa pag-aalala sa kaligtasan ng kanilang bagong silang na sanggol ay mas tumataas ang tiyansang makaranas sila ng postpartum depression dahil sa COVID 19.
Paliwanag ng psychiatrist, ito ay dahil mas mahihirapan silang makuha ang social support na kailangan nila ngayon. Dahil sa ipinatutupad na lockdown na pumipigil sa kanilang makasama ang mga taong mahalaga at makakatulong sana sa bagong responsibilidad na hinaharap nila.
“The COVID-19 pandemic and all the things that we need to be doing around physical distancing are going to make the risk of maternal mental health complications greater. One of the primary reasons is that social support is so vital.”
Ito ang pahayag ni Dr. Samantha Meltzer-Brody, director ng University of North Carolina Center for Women’s Mood Disorders. At ang maternal mental health complication na tinutukoy niya ay ang postpartum depression o ang uri ng depresyon na nararanasan ng mga bagong silang na babae.
Ano ang postpartum depression?
Ang postpartum depression ay kilala rin sa tawag na post-natal depression. Ito ang uri ng depresyon na nararanasan ng mga kababaihan ilang linggo o buwan pagtapos manganak. Sinasabing ang postpartum depression ay may kaugnayan sa chemical, social at psychological changes na nararanasan ng isang ina dahil sa pagkakaroon ng bagong sanggol na dapat niyang pag-ukulan ng pansin at alagaan. Habang ayon naman sa isang bagong pag-aaral, may limang dahilan kung bakit ito nararanasan ng mga babaeng bagong panganak. Ito ay ang sumusunod:
Bakit nagkakaroon ng postpartum depression at paano ito maiiwasan?
Dahil sa conflicting at contrasting emotions na nararanasan ng isang ina.
Isa sa pangunahing dahilan kung bakit nakakaranas ng postpartum depression ang isang babae ay dahil sa sari-saring emosyon na kaniyang nararamdaman. Tulad ng saya ng pagkakaroon ng baby at ang hirap na maibigay ang pangangailangan nito. Dahil madalas isa sa kailangang gawin ng isang bagong panganak na ina ay ang magpuyat upang makasabay sa nag-aadjust pang body clock ng kaniyang sanggol. Dinagdagan pa ito ng tanong at pag-alala kung tama ba ang kaniyang ginagawa. At ang hormone changes na normal na nararanasan ng mga babae matapos magbuntis.
Kaya naman payo ni Dr. Alison Stuebe, mas mabuting paghandaan ito habang buntis pa. Maghanap at makipag-usap na sa isang therapist na makakausap mo matapos manganak. Ito ay upang makasigurado ka na may gagabay sayo sa bagong responsibilidad at magpaparamdam sayo na hindi ka nag-iisa.
Si Dr. Stuebe ay professor ng maternal and child health sa University of North Carolina Gillings School of Global Public Health.
Pag-aalala na hindi maibigay ang pangangailangan ng asawa.
Maliban sa pag-iisip na baka mali ang kaniyang ginagawa, nagdudulot rin ng depresyon sa bagong panganak na babae ang pag-aalala na hindi niya naibibigay ang pangangailangan ng asawa niya. Ito ay dahil masyado siyang busy sa pag-aalaga sa kaniyang sanggol. At dahil hindi pa siya handang makipagtalik ulit.
Ayon parin kay Dr. Stuebe, kailangang maintindihan ng mga bagong panganak na babae na hindi biro ang kanilang pinagdaanan. Mula sa pagbubuntis at panganganak ng kaniyang sanggol. Kaya naman hindi dapat nila isipin na mayroon na silang kakulangan dahil hindi nila maibigay ang pangangailangan ng kanilang partner o asawa. Hayaan na muna nilang makapag-adjust ang kanilang katawan at bumalik sa dati nitong lakas. O kaya naman sumubok muna ng ibang paraan upang maging intimate kay Mister.
Hindi paghingi ng tulong sa iba.
Isang bagay pa ng kailangang maintindihan ng isang bagong silang na ina ay ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga taong tutulong sa bagong responsibilidad na ginagampanan niya.
Hindi dapat mahiyang humingi ng tulong sa iba kung kinakailangan. At hindi dapat pilitin ang sariling pagsabay-sabayin ang mga gawain sa bahay. Mahalagang magbigay ng oras sa pahinga at magagawa ito sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa kaibigan o kapamilya. Sila ang maaring umalalay sa paggawa ng mga gawaing bahay habang nasisigurong naibibigay ang tamang pag-aalaga ng bagong silang na anak niya.
Ayon kay Dr. Stuebe, sa puntong ito ay mahalaga ring malaman ng mga taong nakapaligid sa bagong silang na ina ang mga dapat nilang gawin. Tulad ng kanilang mga partner na dapat ay siguraduhing laging maayos ang pakiramdam ng kanilang asawa. Gawin ito sa pamamagitan ng pangangamusta na magpapagaan ng pakiramdam niya.
Mahalaga rin ang suporta na nakukuha ng isang babae sa kaniyang mga magulang. Bagamat, sa ngayon dahil sa lockdown ay hindi makakalabas at makakabisita sa kanila, maari paring maiparamdam ang suporta at pag-aalala sa iba pang paraan. Tulad ng pagpapadeliver ng pagkain sa kanilang bahay para hindi na siya magluto pa. O kaya naman ay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng karanasan sa pagiging isang magulang.
Pagiging insecure dahil sa mga peklat at bagong hugis ng kanilang katawan.
Hindi dapat masyadong mag-alala ang isang babae sa bagong itsura ng kaniyang katawan. Dahil ito ay hindi ginawa upang kaniyang iparada. Ngunit upang magbigay buhay sa isang tao na tanging isang babae lang ang nakakagawa.
“That is a moment for women to realize that their body is not something to exhibit. It’s actually functional. Their body can do really powerful things and it’s not about what it looks like. It’s about what it can do. And that may be a way for people to move beyond ‘these pants don’t fit’ and instead look at, ‘Wow, I made a person.'”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Dr. Stuebe. Dagdag pa niya, maibabalik naman sa dati ang lahat. Kailangan lang bigyan ng bagong panganak na babae ang sarili ng panahon upang ito ay magawa.
Pakiramdam na hindi na sila nabibigyan ng tamang pag-aalaga
Isa pang dahilan na nagdudulot ng postpartum depression sa mga bagong panganak na ina ay ang pakiramdam na hindi na sila pinapahalagahan o inaalagaan tulad nung nagbubuntis pa sila.
Paliwanag ni Dr. Stuebe, tulad ng kanilang sanggol ay kailangan parin nila ng pag-aalaga. Ito ay upang maiwasan ang mga komplikasyon at kondisyon na maaring maglagay sa kalusugan nila sa bingit ng kapahamakan.
Kaya naman mahalaga ang ginagampanang papel ng mga taong nakapaligid sa kanila sa mga oras na ito. Dahil sila rin ang makakatukoy kung ang isang babae ay nakakaranas na ng postpartum depression base sa ikinikilos niya.
Sintomas ng postpartum depression
Ilan nga sa sintomas ng postpartum depression na kailangang bantayan ay ang sumusunod:
- Matinding kalungkutan
- Madalas na pag-iyak
- Kawalan ng gana sa mga dating kinatutuwaang gawin
- Pagkapagod
- Hirap sa pagtulog o tulog ng tulog
- Kawalan ng gana kumain
- Mas gustong mag-isa at ayaw makipag-bonding sa kaniyang sanggol
- Nagsasabi siya ng kakaiba at nakakabahalang pahayag
- Pagsasabi na gusto niyang saktan ang sarili o kaniyang sanggol.
Sa oras na mapansin ang mga sintomas na ito ay mabuting kausapin na agad ang bagong panganak na ina. Iparamdam sa kaniya na hindi siya nag-iisa at may mga taong handang tumulong sa kaniya. Gawin ito ngayon sa pamamagitan ng pagtawag o pagvivideo call sa kaniya. Para lang maramdaman niya na hindi hadlang ang ipinatutupad na lockdown para makausap niya ang mga taong mahalaga sa kaniya. Mga taong pinagkukunan niya ng lakas dahil sa kanilang pagmamahal at pagtitiwala.
Source:
Ilang pregnant patients tinatangging may COVID-19 symptoms sila
Also Read: Mental Health Law: Mga benepisyo para sa may postpartum depression