Lahat ng magulang ay may iisang pangarap para sa pamilya: ang mapalaki ang kanilang mga anak ng masaya at mabuting tao. Madaling sabihin, pero mahirap talagang gawin, hindi ba?
Lahat ng magulang ngayon ay kailangang magtrabaho para kumita ng sapat, para matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga anak. At dahil parehong magulang ang nagtatrabaho, ibig sabihin ay parehong magulang din ang wala sa bahay, at sa piling ng kanilang mga anak.
Dagdag pa ang sitwasyon ng mga OFW, na dahil sa kakulangan ng trabaho sa Pilipinas, o di kaya’y hindi sapat na sweldo sa sariling bansa kaya’t nangingibang bansa ang ibang magulang.
Sa debate ng quantity vs. quality ng family time, mahirap talagang piliin kung alin ang mas mahalaga—-at alin ang mas bibigyan ng diin ng mga magulang.
Sa isang banda, may mga nagsasabing mas dapat pahalagahan ang panahon na kasama ka ng mga bata (at asawa); ang kabilang banda naman ay nagsasabing mas mahalaga ang kalidad ng oras at panahon na kasama ang mga bata, kahit hindi madalas o maikling panahon lamang.
Ano ang mas mahalaga para sa ‘yo?
Ano ang depinisyon ng Family Time?
May pagkakaiba ang ibig sabihin ng “time” at “family time.” Ang oras para sa pamilya ay pinag-iisipang mabuti at sinisigurong interactive at makahulugan. Sa madali’t salita, hindi basta basta. Ani Mike Morton, na may tatlong anak na lalaki at nakatira sa United Kingdom, ang pamilya ay isang pundamental na yunit ng lipunan. “Children are born to be nurtured, educated, loved and cared for,” paliwanag ni Morton. Kailangan nila ng oras at atensiyon ng kanilang mga magulang. Ito ang naghahanda sa kanila para maging mabuting miyembro ng kanilang pamayanan at ng lipunan, at maging mabuting magulang din pagdating ng panahon.
Ang “family time” ay hindi lang pagsama sa playground para panooring naglalaro ang mga anak. Kung sasamahan mo ang iyong anak sa playground, hindi pwedeng nakaupo ka lang habang tumatakbo siya o nagpapadulas sa slide. Kailangang itulak mo siya kung uupo siya sa swing, o makikipaglaro ka kung gusto niyang maglaro sa sandpit/sandbox. Ito ang pagkakaiba ng “pagsama” sa anak, at pagiging “kasama” sa ginagawa o gustong gawin ng anak. Ayon kay Stephanie Jaffe, na may 2 anak at nakatira sa US, “Kahit pa magkasama kami ng asawa at mga anak ko sa bahay ng buong araw, hindi quality time ang tingin ko dito kung wala naman kaming ginagawa nang magkasama, tulad ng paglalaro, o pag-uusap.” Pwede kasing nasa isang bahay, o kuwarto lang kayo, pero may iba-iba naman kayong ginagawa—hindi ito quality time. Ang quality time ay panahon at oras na ginugugol na nakatutok sa anak o mga anak. Ito ang matatandaan at maaalala ng mga bata, at makakaapekto sa magiging desisyon nila sa kanilang paglaki. portantly.
Ang “family time” ay hindi ang pagpunta sa mga school activities ng iyong anak, pero nagmamadali at hindi naman binibigay ang sapat na atensiyon at pansin sa bata, o sa ginagawa nito. Ito ay hindi ang palaging pagmamadali sa tuwing kasama ang anak o mga anak, nang hindi man lamang naitatanong kung kumusta o ito o kumusta ang eskwela at mga kaibigan nito. Ang tanging gusto ng mga bata ay maramdaman na interesado ang mga magulang nila sa kung anumang ginagawa nila, at ang “partisipasyon” ni nanay at tatay sa buhay nila.
Ang magkabilang panig ng argumento
Mabuti ring marinig ang magkakaibang pananaw ng mga magulang tungkol sa usaping ito. Narito ang ilang mga magulang at ang kanilang masasabi. ry.
Hazel Rios, Special Education teacher, New York City Department of Education, nanay ni to Jaina. Ang buhay ng mag-asawang Hazel at Marcello ay umiikot sa pagpapalaki ng kanilang anak, at pagkakaron ng quality time bilang mag-asawa at isang pamilya. “Stressful at time consuming ang trabaho ko bilang teacher, pero sinisikap namin ng asawa ko na makasama si Jaina palagi. Pag weekend, sinisiguro naming may family activities kami tulad ng pagpunta sa park, grocery, sa simbahan, para di lang makasama si Jaina kundi makausap at mapaliwanag sa kaniya ang kahit na maliliit na bagay na makikita sa mga pinupuntahan namin—lahat ng nakikita, naririnig at nahahawakan niya,” kuwento ni Hazel. Dagdag niya, kaya siguro lumalaki si Jaina na komportable ang kaniyang anak kapag nasa labas ng bahay, at nakikihalubilo sa ibang tao. Ni hindi kailangan ng pera, “basta’t magkakasama kami. We expose her to different genres of music, nagsasayaw kami, pinapapanuod pa namin siya ng mga lumang Sesame Street videos na kinalakihan namin,” kuwento niya. “Pinangako din namin na palaging magsasabi ng‘I love you’ sa isa’t isa,” dagdag niya.
Gabs Buluran, media researcher at propesor, tatay nina Simon and Carmela
“In the Philippine setup, ang quality time o kakulangan nito, ay pinupunan ng ating extended families. Kung wala ang nanay o ang tatay o ang kapatid, nandiyan sina lolo at lola, tito, tita at mga pinsan,” simulang paliwanag ni Gabs. “Lumaki ako na nagtatrabaho ang Tatay ko sa Subic habang nasa Malolos, Bulacan kaming mag-anak. Umuuwi lang siya kapag weekends,” kuwento niya. Kapag weekend, naglalaro naman ng tennis ang Tatay niya. Ang Nanay naman niya ay nagtatrabaho sa Maynila, umaalis ng alas 5 ng umaga at nakakaballik ng oras na ng hapunan. “Pagod na rin siya makipagkuwentuhan sa amin, by the time na makauwi siya. Ang Lola ko ang nag-alaga sa amin,” dagdag na kuwento ni Gabs.
May dalawang anak si Gabs, at nung maliliit pa ang mga bata, tumigil sa pagtatrabaho sang asawa niyang si Deng para matutukan ang pag-aalaga sa mga bata. Dahil sa nagtatrabaho siya noon, tanging ang paghahatid sa mga bata sa eskwela ang oras na nakakasama niya ang mga bata. Siya ang designated driver para sa dalawang bata. “Kaya iyon na ang bonding moment namin. Duon ko sila kinakausap, duon kami nakakapagkwentuhan. Naisip ko, pwede namang maupo lang kami sa isang sasakyan at ibaba sila sa kani-kaniyang pupuntahan ng wala nang usap usap. Pero bakit ba hindi ko gawing oras ‘to para alamin ano ang nangyayari sa buhay nila,” paliwanag niya. “Bonus na lang yung dinner o travel na magkasama.”
Nang lumaki na ang mga bata, nagtayo ang pamilya nila ng eskwelahan sa Malolos, at nakabalik sa pagtuturo si Deng. Dagdag ni Gabs, “Quantity time? Para sa kin, posible lang talaga ito kung baby o toddler pa ang mga bata, at totally dependent sila sa aming mga magulang. Kapag malalaki na sila, mga teenager na at may sarili nang mga lakad, mas madalang na ang quantity time.”
Stephanie Jaffe, nanay nina Marcus and William
“Quantity is great, pero kung palagi mo namang hawak ang cellphone o lagi kang nasa harap ng computer imbis na nakikipag-usap o nakikihalubilo sa mga bata, then might as well be absent. The last thing you want is to spend all day in one room, nang hindi nag-uusap,” ani Stephanie.
Kapag kasama ang mga bata, itago o patayin ang cellphone, itabi ang mga electronics, at umupo sa sahig kasama ang mga bata habang nagbubuo ng Lego, o nagbabasa ng libro, payo niya. “Malaki ang impact ng ganitong mga bagay para sa mga bata, lalo na kung maliliit pa sila. Walang mabuting maidudulot ang pag-upo sa iisang couch o pagsasama-sama sa isang kuwarto nang hindi naman nag-uusap o nagpapansinan. Kuwento pa niya, “Madalas nga tatawagin ako ni Marcus at sasabihan akong ibaba ang cellphone ko o ang libro kong binabasa at makipaglaro sa kaniya. That really woke me up!”
Ching Solis-De Joya, may 5 anak, at isang apo
“No easy answer,” simula ni Ching, “pero kung nararamdaman mo nang mahirap makipag-usap o hindi na kayo masyadong nagkakaintindihan sa tuwing magkakasama, then it’s time to make more time. Quality time isn’t quality time if there’s insufficient quantity of it.” Hindi lang ito ang dami o haba ng panahon o oras na ginugugol kasama ang pamilya; ito rin ay ang need o pangangailangan na magkaron ng quality time. “Hindi ko sinasabing titigil na akong makasama sila o gustuhing makasama sila, kasi kailangan naming lahat iyon e. It’s about wanting to spend more quality time nang hindi ako puro utos o palagi na lang nagsasabi ng gagawin nila sa bahay: clean your room, throw the trash, turn off the TV, at kung anu-ano pa. Ang quality time ay pagsasama-sama ng masaya na may ginagawang nakatutuwa, at maaalala naming lahat nang nakangiti. Making memories, ika nga,” paliwanag ni Ching.
Sandy Gonzalez-Sternberg, nanay nina Raesee and Rysyn
“Para sa kin, ang ibig sabihin ng quality time ay iiwan mo ang trabaho sa lugar ng trabaho mo, at uuwi kang naka-focus sa mga bata—kakain ng dinner nang nagkukuwentuhan, nagkukumustahan, pagbabasa ng bedtime stories bago matulog ang mga bata, o pagkakaron ng bedtime routines nang magkakasama,” kwento ni Sandy. Sila ng asawang si Red ay umuupo kasama ang mga bata at nagkukuwentuhan tungkol sa eskwelahan, kung ano ang ginawa nila maghapon, at manonood ng paborito nilang palabas sa TV, habang nagkukwentuhan pa rin tingkol dito. Tuwing may pagkakataon, dinadala nila ang mga bata sa beach. “Hindi kailangang gumastos ng malaki para magkaron ng quality time kasama ang pamilya. Dapat lang nating alamin kung ano ang pwedeng gawin ng magkakasama na ikatutuwa o ikasasaya ng lahat, how to just engage with each other and enjoy the beauty of life and nature, your time is well spent.”
Paano nga ba gawing memorable ang oras na ginugugol kasama ang pamilya?
Simulan habang bata pa sila
Mahalaga ang pagkakaron ng family rituals. Pinapagyaman nito ang pagkakakilanlan ng isang bata at nakakapagtibay ng self-esteem. Ang koneksiyon ng isang bata sa kaniyang pamilya o mga magulang ay napakahalaga sa kaniyang development. Kung may sapat na panahon ang isang bata kasama ang mga magulang (at mga kapatid) na nakikipag-usap, nabibigyan ng positive reinforcement at nagtuturo ng social skills, matututo itong makisalamuha at makisama sa ibang tao, kahit hindi kapamilya, ng may tiwala sa sarili at sa kapwa.
Gumawa ng sariling “family time”
Ang family time ay group bonding. Sa katulad kong may tatlong anak, halimbawa, kailangan kong mag-isip ng gagawin na kasama silang tatlo, pati na rin oras na kasama sila ng isa-isa. Kailangan ng bawat bata ng individual attention. Kailangang planuhin, at hindi palagi na lang spur of the moment o impromptu. Kaya’t sa tuwing may pagkakataon, nagse-set ako ng one-on-one date-slash-date o day out sa bawat isa sa mga anak ko. Sila minsan ang pinagdedesisyon ko kung saan nila gusto pumunta o kumain o kung ano ang gusto nilang gawin. Kapag malayo ako, pati ang pakikipag-video chat ay may oras para sa kanilang tatlo ng magkakasama, at isa-isa. Bigyan ng kani-kaniyang oras ang bawat anak, para maparamdam sa kanila na ang bawat isa sa kanila ay importante.
Hindi kailangang gumastos o maing elaborate ang gagawing activity. Basta’t nakatutok ang magulang at binibigay ang buong atensiyon sa anak, at magkakaron din ang anak ng pagkakataon na bigyan ka ng sapat ding atensiyon.
Narito ang ilang suhestiyon:
Family meal time.
The family that eats together, actually sticks together more tightly, ika nga. Gamitin ang oras ng pagkain na oras din para magkuwentuhan at makilala ang isa’t isa, kahit anong edad pa ang mga anak.
Kahit pa gaano ka-busy, siguraduhing iiwan ang kung anong ginagawa para makakain ng magkakasama kahit sa isa o dalawang meal time sa isang araw.
Hindi kailangang araw araw o gabi gabi ito gawin. Kahit weekend lang o tuwing Linggo, may madudulot nang mabuti.
Homework.
Mas excited ang mga batang anak na kasama ang Nanay at Tatay nila sa paggawa ng homework. Ibang usapan na kapag tween o teenagers na ang mga anak—mas gusto na kasi nilang mapag-isa o gawin ang mga bagay ng wala ang magulang. Hayaan silang gawin ito ng walang tulong mula sa inyo, ngunit kumustahin sila tungkol dito pagkatapos.
School events.
Masaya ang mga bata kapag nakikita nila ang mga magulang na pumupunta sa eskwelahan lalo kapag may program o activity. Kahit hindi palagi, tiyaking nandun kayo, lalo sa mga importanteng okasyon o activity.
Sports o outdoor activity, hobbies, board games,
Ito masayang mga gawain na magandang pagkakataon para magkaron ng makahulugang pag-uusap o karanasan kasama ang buong pamilya. Ito ang mga bagay na maaalala ng mga bata sa kanilang kabataan.
Manuod ng concert, play, pelikula o TV shows, nang magkakasama.
Kung ito ang hilig ng mga bata, magandang pagkakataon ito para makilala nang mabuti ang mga anak, at malaman ang mga nasa isip nila. Masayang pag-usapan ang ganitong mga bagay, lalo na para sa mga bata. Mas magkakakilala ang lahat ng miyembro ng pamilya, at kung ganito ang mangyayari, mas magiging natural ang paggabay ng mga magulang sa kanilang mga anak.
Huwag susuko.
Ang mga teenagers ang pinakamahirap na makasama o mahuli ang kiliti. Huwag sumuko at patuloy na sumubok ng iba’t ibang paraan o bagay para mahuli ang interes ng anak. Kahit na humihindi nang paulit-ulit ang anak, huwag tumigil sa pakikipag-usap o pag-iisip ng mga bagay na sa tingin mo ay magugustuhan niyang gawin kasama ka.
Dagdag ni Gabs Buluran, “Yung mga downtime, tulad nga ng paghahatid-sundo sa mga anak sa eskwelahan, ay pwedeng gawing quality time. Kung gusto nilang makipag-usap, o may gusto silang sabihin sa kin o sa Nanay nila, madalas sa kotse ito napag-uusapan. Kung wala sila sa mood na magsalita, e di quiet time namin yon.”
Ayon sa mga pag-aaral at pagsasaliksik, ang mga batang hindi nakakaranas ng sapat na pagpapahalaga at aruga ng kanilang magulang ay mas malaki ang posibilidad na lumaking may emotional at behavioral disorders. Ang quality time kasama ang mga anak ay isang mahalagang hakbang sa matagumpay na parenting, at mabuti, masaya at responsableng mga anak.
READ: 7 Great bonding ideas for the entire family
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!