May bagong batas na inilaan para sa pinakamahalagang yaman ng ating bayan, ang mga bata.
Noong Mayo 8, 2025, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12199 o ang Early Childhood Care and Development (ECCD) System Act. Ito ay isang panukala na layong tiyakin na ang bawat batang Pilipino, lalo na ang mga edad zero hanggang lima, ay mabibigyan ng tamang aruga, edukasyon, at kalusugan mula sa simula pa lang ng kanilang buhay.
Bakit mahalaga ang batas na ito?
Ayon sa mga experts, ang unang limang taon sa buhay ng isang bata ang tinatawag na “critical years.” Sa panahong ito, mabilis ang pag-develop ng isip, katawan, at emosyon ng bata.
Kung sapat ang suporta sa edukasyon, nutrisyon, at kalusugan, mas malaki ang tsansang magtagumpay ang bata sa hinaharap.
Ano ang bago sa RA 12199?
RA 12199: Bagong Batas Para sa Kinabukasan ng Batang Pilipino
Pinalitan ng batas na ito ang lumang Early Years Act of 2013 (RA 10410) at ginawang mas malawak at mas inklusibo ang ECCD System sa Pilipinas. Ilan sa mga bagong tampok ng batas ay:
- Mas malinaw na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng DepEd, DOH, DSWD, at LGUs.
- Mas pinahusay na programa para sa early learning, nutrition, child health, at parental education.
- Early intervention para sa mga batang may special needs katuwang ang RA 11650 o ang Inclusive Education Act.
Ano ang benepisyo sa mga magulang at anak?
Sa ilalim ng RA 12199:
- May mas maagang access ang mga bata sa edukasyon at nutrisyon
- Maagang natutukoy ang mga developmental delays
- Mas handa ang mga bata sa pagsisimula ng formal schooling
- Mas panatag ang mga magulang sa kalagayan ng kanilang anak
Isang hakbang tungo sa inklusibong kinabukasan
Inirerekomenda ng Second Congressional Commission on Education ang batas na ito bilang bahagi ng reporma sa sistema ng edukasyon ng bansa. Sa pamamagitan ng ECCD System Act, inaasahang mas marami pang batang Pilipino ang mabibigyan ng patas na oportunidad na lumaking malusog, matalino, at handa sa buhay.
Sa bagong batas na ito, hindi lang ang mga bata ang panalo, pati ang buong bansa. Kapag may sapat na suporta sa unang yugto ng buhay ang isang bata, mas mataas ang tsansang siya’y lumaking malusog, matalino, at responsableng mamamayan.
Bilang mga magulang, guro, at tagapag-alaga, nasa atin ang mahalagang papel upang masigurong naipapatupad at naipapasa ang tamang kaalaman tungkol sa ECCD.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!