Relasyon ng magulang sa anak, paano nga ba mas mapapalapit sa isa’t-isa?
Pagkakaroon ng close na relasyon ng magulang sa anak
Ayon sa pag-aaral, mahalaga ang pagkakaroon ng maganda at close na relasyon ng magulang sa anak. Dahil nakakatulong ito para hindi makaranas ng depression at anxiety ang anak sa mga oras na nahaharap siya sa isang problema.
Ngunit, hindi pagtulong sa kaniya ang solusyon sa ganitong pagkakataon. Kung hindi ang pagdamay o pagpapakita ng empathy sa kaniya na pangunahing sikreto para mas mapalapit ang loob ng anak sa magulang niya.
Sympathy vs Empathy
Si Erin Leonard ay isang practicing psychotherapist at author ng mga librong tungkol sa relationships at parenting. Ayon sa kaniya, malaki ang kaibahang nadudulot ng pagpapakita ng sympathy at empathy ng magulang sa anak.
Dahil bilang magulang ay madalas agad tayong nagpapakita ng simpatiya sa ating anak na ating ginagawa sa pamamagitan ng pagtulong sa kaniya sa panahon na siya ay may problema. Ngunit ito daw ay mali. Dahil tinuturuan lang daw ng isang magulang na maging self-absorbed at entitled ang isang bata sa ganitong paraan.
Ngunit ang pagtulong sa isang bata sa isang “healthy manner” ay nagiging daan para maging close ang relasyon ng magulang sa anak at mas mapalakas ang character ng isang bata. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagpapakita sa kaniya ng empathy o pagdamay sa kaniya sa oras na siya ay may problema.
Paano magpakita ng empathy sa anak
Ayon parin kay Erin Leonard ang pagpapakita ng “healthy empathy” ng isang magulang sa anak ay may mga critical components. Ito ay ang sumusunod:
Pagkakaroon ng affective response at pagiging aware sa feelings ng anak sa oras na may pinagdadaanan siya.
Isang paraan para mas matulungan ng magulang ang anak sa oras na may problema siya ay pag-iintindi sa nararamdaman niya. At hindi ang pagtulong sa kaniya na maresolbahan ang problema.
Ito ay kaniyang magagawa sa pamamagitan ng pagsasantabi ng kaniyang nararamdaman bilang magulang at pag-una sa nararamdaman ng anak. Dahil sa oras na maramdaman ng isang bata na siya ay may kadamay at may nakakaintindi sa pinagdadaanan niya, pakiramdam niya ay hindi siya nag-iisa at mas nagiging mas malapit sa magulang na nagpapakita nito sa kaniya.
Pag-iwas sa pag-iimpose ng sarili mong pananaw sa problema ng anak bago intindihin ang nararamdaman niya.
Ang madalas na nagiging hadlang para makapagpakita ng empathy ang isang magulang sa anak ay pag-iisip nito sa sarili niya bago ang sa anak niya.
Halimbawa, ang bestfriend ng iyong anak sa school ay lilipat ng papasukang eskwelahan. Kaya naman malulungkot ang iyong anak at maaring ma-depress sa nangyayari dahil pakiramdam niya siya ay mag-isa nalang sa school at nababahala sa pagkakaroon ng bagong kaibigan na tulad ng best friend niya.
Imbis na sabihin na sa kaniya na. “Hindi ako maka-relate dahil hindi ko napagdaanan iyan.”
Mas mabuting mag-focus sa nararamdaman niya at sabihing, “Sobrang nalulungkot ka at natatakot, sorry kung kailangan mong maramdaman iyan. Kahit sino malulungkot din kapag nangyari sa kanila ang tulad ng nangyari sa iyo.”
Emotional regulation o paglalagay ng iyong sarili sa lugar o kalagayan ng iyong anak.
Para makapagpakita ng empathy ang isang magulang sa anak ay dapat mailagay niya ang sarili niya sa kalagayan ng anak para lubusang maintindihan kung ano ang nararamdaman nito.
Maipapakita ito, una sa pamamagitan ng pag-vavalidate ng nararamdaman ng anak para mas maramdaman niyang ikaw ay present at may kadamay siya sa oras na siya ay may problema.
Ito ay maipapakita sa pagsasabi ng sumusunod na halimbawa sa kaniya:
“Alam ko masakit at pakiramdam mo mag-isa ka. Kung ako nasa kalagayan mo ay iyan din ang mararamdam mo. Pero nandito lang ako para sa iyo at lagi lang nasa tabi mo.”
Contextual understanding o pag-iintindi sa pinagdadaanang development ng anak.
Sa kanilang paglaki ay nagkakaroon ng pagbabago sa pangangailangan ng iyong anak. Tulad nalang sa mga nagbibinata o mga nagdadalaga na mas dependent o mas nagiging masaya sa pagkakaroon ng kaibigan sa school.
Kaya naman hindi ka na dapat magtaka kung ang iyong adolescent na anak ay mas makakaramdam ng trauma sa pagkawala ng kaibigan niya sa high school kumpara noong siya ay bata pa. Dahil sa kanilang edad ang peer relationship ay isang factor sa development nila.
Kaya naman bilang magulang dapat isaisip na sa lahat ng oras, mapa-bata man siya o matanda ay kailangan ng iyong anak ang iyong gabay at presensya.
Ang pagpapakita ng empathy ng magulang sa kaniyang anak ay napakahalaga. Hindi lamang nito mas pinapalapit ang relasyon ng magulang sa anak kung hindi tinuturuan rin siya nitong maging “mindful” o respetuhin ang feelings ng mga tao na nasa paligid niya.
Tandaan ang pagtulong sa iyong anak sa oras na siya ay may problema ay hindi masama. Ngunit kailangan mong siguraduhin na ito ay makakabuti sa kaniya at mas makakapaglapit ng relasyon ninyo sa isa’t-isa.
Source: Psychology Today
Photo: Freepik
Basahin: 5 tips kung paano palalakihing sweet ang iyong anak hanggang sa pagtanda