Ang relasyon sa in-laws ay isang nakakalitong paksa. Maraming mga kwento na ang naririnig tungkol sa mga biyenan na talagang nakiki-alam sa buhay ng mag-asawa. Dahil dito, nabuo ang mga salitang “monster-in-law.”
Ngunit, gaano ba karami ang nakaka-tiyempo ng mga in-laws na malupit sa kanila? Ayon sa aming poll, malaki parin ang porsyento ng may mga nakakasundong mga biyenan. Mula sa mahigit 6,000 na lumahok, 64% ang kasundo ang mga biyenan, taliwas kilalang biro na hindi sila nakakasundo. 29% ang nagsasabing minsan ay magkasundo at may mga panahon din na hindi. Habang 8% lamang ang talagang hindi kasundo ang kanilang mga in-laws.
Saan ka man nalulugar sa mga ito, ang ating relasyon sa mga biyenan ay maaari paring mapabuti. Alamin natin ang 10 payo ng psychologist na si Dr. Barbara Greenberg kung paano pabutihin ang relasyon sa in-laws.
Huwag sisihin ang iyong asawa
Ano man ang ipakitang ugali ng iyong mga biyenan, hindi ito dahil sa iyong asawa. Maaaring alam na niya ang ugali ng kanyang mga magulang at hindi niya rin ito gusto. Ano man ang kanilang ipakitang ugali, hindi ito dahilan na pag-awayan ninyo. Huwag hayaan ang ugali na iba na maapektuhan ang inyong relasyon.
Huwag palakihin ang mga bagay
Kung mabigo sa ano mang gawin ng iyong mga inlaws, pilitin ang sarili na huwag nang palakihin ang sitwasyon. Hindi maaayos ang mga problema ay hindi pagkakasundo ng pagiging masyadong emosyonal. Kapag may nasabi na hindi maganda, ito man ang nais iparating o bugso lamang ng damdamin, hindi na ito mababawi pa. Tandaan din, ang ating mga biyenan ay tao lamang. Lahat tayo ay nagkakamali at maaari natin mabigo ang mga tao sa ating paligid. Hindi sila naliliban dito.
Huwag aasa sa sobra
Panatilihing risonable ang inaasahan mula sa iyong mga in-laws. Tandaan, hindi sila ang iyong mga magulang at maaaring maging iba ang pakikitungo nila sa iyo. Maaaring hindi kapantay ang iyong matatanggap na pagtrato kumpara sa iyong asawa o lalo na sa inyong anak. Masmakabubuting ibaba ang mga expectations upang maprotektahan ang sariling pagiisip.
Iparamdam sa kanila na sila ay mahalaga
Ayon kay Dr. Greenberg, kahit sino man ay gumagaan ang pakiramdam kung pakiramdam nila ay may halaga sila. Dahil dito, iminumungkahi niya na bigyan ng gagampanang tungkulin ang iyong mga biyenan. Tandaan na dapat ay mapagkasunduan ninyo ang magiging tungkulin na ito. Halimbawa, nag-eenjoy silang magbantay sa kanilang mga apo, maaari ninyong ipaalaga sa kanila ang mga anak habang nagde-date kayong mag-asawa.
Kontrolin ang dami ng oras magkasama
Isaalang-alang ang dami ng oras na ibinubuhos nang magkasama. Hanapin ang tamang dami kung saan kaya ninyong tumagal sa isa’t isa nang walang problema. Maaaring ang isang buong linggo ay sobra sobra habang ang 2 araw ay tama lang. Ang dami na ito ay nagbabago-bago kada pamilya, depende sa relasyon ninyo ng iyong in-laws.
Maging magandang halimbawa
Gawin lahat ng makakaya upang hindi makipag-away sa mg in-laws. Laging tandaan na nakikita kayo ng mga bata. Kung ang iyong mga biyenan ay hindi maganda ang pinapakitang ugali, hindi mo na kailangang tumulad pa. Itakda ang hangganan ng kayang tiisin ngunit maging mahinahon hangga’t maaari. Mahalaga na kontrolin ang mga sitwasyon sa kalmadong paraan para sa mga nasa paligid mo. Importanteng makita ng mga bata kung paano mo panghahawakan ang ganitong mga sitwasyon upang ito ang matutunan nilang paraan. Dahil dito, maaaring mapansin ito ng iyong biyenan at tumulad din siya sayo.
Pag-unawa at pakikipag-usap
Naniniwala si Dr. Greenberg na lahat ng tao ay hindi naglalayon ng masama. Ito ang dahilan kaya importante na huwag pag-isipan ng masama ang iyong mga biyenan. Huwag ipalagay na sadyang hindi maganda ang motibo nila sa iyo. Maaaring kausapin sila ng iyong asawa tungkol sa kanilang mga intensiyon. Unawain sila at intindihin, importante ito para maayos ang ano mang di pagkakaunawaan sa pamilya.
Swerte sa in-laws
Tandaan na maaaring swerte ka sa pagkakaroon ng biyenan kapag hinayaan ang sariling alamin ang mga magaganda sa kanila. Tandaan na hindi lang puro hinanakit ang nadudulot ng pagkakaroon ng mga biyenan. Bigyang pansin din ang mga mabubuting nadudulot nila sa inyong pamilya lalo na sa iyong mga anak. Dahil sa iyong in-laws, dumadami ang mga matatandang mahal ang iyong anak at handang gumabay.
Bigyang pansin ang kanilang mga hilig
Subukan mo bigyang pansin ang mga aktibidad na kinahihiligan ng iyong mga in-laws. Magustuhan mo man ito o hindi, mapaparamdam nito sa kanila na sila ay minamahal at pinapahalagahan. Lahat ng tao ay natutuwang pag-usapan ang isang aktibidad o paksa na ikinatutuwa nila. Binibigyan tayo ng lakas nito o kaya naman ay pinapakalma tayo. Ikakatuwa din nila na sila ay pinapakinggan.
Masaya para sa lahat
Humanap ng isang aktibidad na maaarin niyong i-enjoy nang magkasama. Ang paglahok sa mga bagong gawain nang magkasama ay bumubuo at nagpapatibay ng mga relasyon. Tandaan din, iba ang mga maaaring mangyari sa bahay at sa bakasyon. Maaaring bumuti ang inyong pagsasama dahil dito at makahanap pa kayo ng bagong hilig.
Source: PsychologyToday
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!