Ngayong lumalamig na ang panahon, mahalagang protektahan natin ang ating pamilya mula sa flu. Ngunit bukod sa flu, dapat ding iwasan ang sakit na respiratory syncytial virus o RSV.
Paano ba nakukuha ang sakit na ito, at dapat bang mangamba ang mga magulang?
Ano ba ang respiratory syncytial virus?
Kamakailan lang ay nagpost ang aktres at host na si Vanessa Lachey tungkol sa anak nila ni Nick Lachey na si Phoenix na nagkaroon ng RSV. Aniya, dahil daw premature na ipinanganak ang anak niya ay hindi pa developed ang lungs nito at hindi pa malakas ang kaniyang immune system.
Naospital daw ang bata ng 6 na araw dahil sa RSV, pero sa kabutihang palad ay gumaling naman ito.
Bago raw nagkaroon ng RSV ang kaniyang anak ay wala siyang alam tungkol sa sakit na ito. Dagdag pa ni Vanessa na gusto raw niyang ibahagi ang kaalaman sa mga magulang upang matulungan silang pigilan ang sakit na ito.
Ang RSV ay isang virus na katulad ng sipon o ubo, ngunit walang gamot para dito. Pero lubhang mas mapanganib ang RSV, at kapag napabayaan, nakamamatay ang sakit na ito.
Paano mapipigilan ang RSV?
Simple lang ang paraan upang mapigilan ang pagkalat ng respiratory syncytial virus. Dahil isa itong virus, mabilis itong makahawa. Kaya huwag hayaang lumapit ang iyong anak sa mga taong may sakit, lalo na sa mga sanggol dahil mahina pa ang kanilang resistensya.
Heto ang ilang mga paalala:
- Maghugas palagi ng kamay bago hawakan o buhatin ang iyong anak.
- Huwag hayaang makipaglaro sa mga batang maysakit ang iyong anak.
- Hugasan ang kaniyang mga laruan, lalo na kung nilaro ito ng ibang mga bata.
- Takpan ang bibig kapag umuubo, at itapon ng maayos ang mga tissue na gamit na.
Kung mayroong mataas na lagnat ang iyong anak ay huwag mag-atubiling dalhin agad ang anak mo sa ospital. Mas mabuti nang magamot agad kung ano mang sakit ang mayroon siya bago pa ito lumala.
Source: Kid Spot
Basahin: Herpes simplex virus sa baby, galing daw sa isang halik