Hindi na bago ang mga kaso ng mga sanggol na nahahawa ng nakamamatay na herpes simplex virus. Bagama’t marami na ang nagsasabi na mag-ingat dito at huwag basta-basta humalik ng sanggol, isa nanamang bata ang namatay dahil sa herpes. Paano ba masisigurado ng mga magulang na maiiwasan ang pagkakaroon ng herpes simplex virus sa baby nila?
Herpes simplex virus sa baby, ikinamatay nanaman ng isang sanggol
Halos kakapanganak pa lang ni Emerson Faye nang siya ay nahawa at namatay dahil sa sakit na herpes. | Source: Facebook
Kamakailan lang ay nagpost sa Facebook ang ina na si Presley Trejo, tungkol sa pagkamatay ng kaniyang anak na si Emerson Faye. Sinabi niya sa Facebook post na dahil lamang sa simpleng halik ay namatay ang kanilang bagong silang na anak.
Dagdag pa niya na ang herpes daw ay hindi nakakaapekto sa mga matatanda, ngunit para sa mga sanggol, ito ay lubhang mapanganib dahil hindi pa malakas ang immune system ng mga bata. Sa kaso daw ni Emerson, unang inatake ng virus ang liver ng bata. Matapos daw nito, sumunod na ang kaniyang kidneys at nagtuloy-tuloy ang pagkakaroon niya ng seizure. Kinailangan din siyang ilagay sa life support, ngunit napilitan si Presley na tanggalin ang life support nang malaman niya na wala nang pag-asang gumaling ang bata.
Dahil sa nangyari, gustong iparating ni Presley sa lahat ng tao na huwag sana silang humalik ng mga baby, lalo na ang mga bagong panganak pa lamang. Bukod dito, dapat raw ay palaging maghugas ng kamay ang mga tao bago sila humawak ng sanggol.
Sinabi pa sa kaniya ng mga doktor na dati raw ay kakaunti lamang ang kaso ng newborn herpes, pero napapansin nilang dumadami ng dumadami ang kaso nito. Kaya’t sana raw ay mag-ingat ang lahat kapag mayroong sanggol. Dahil kahit kahit isang simpleng halik ay posibleng maging death sentence para sa isang sanggol.
Mga paraan upang makaiwas sa herpes simplex sa sanggol
Heto ang ilang mga dapat tandaan para makaiwas sa ganitong karamdaman ang iyong sanggol:
- Huwag halikan ang mga baby, lalo na kung hindi ka sigurado na wala kang herpes simplex na virus.
- Palaging maghugas ng kamay bago humawak ng mga sanggol.
- Huwag hayaang lapitan at halikan ng kung sino-sino ang iyong sanggol dahil baka mahawa sila ng iba’t-ibang sakit.
- Ilayo ang iyong anak sa mga taong mayroong sipon at upo.
- Kung maaari, limitahan lamang ang exposure ni baby sa mga tao sa unang tatlong buwan ng kaniyang buhay.
- Para sa mga mag-asawa at sa mga ina, mabuting magpatest sa herpes simplex virus upang masiguradong hindi mahawa si baby.
Source: Facebook
Basahin: Sanggol namatay dahil ‘kinain’ ng herpes ang lungs at utak niya
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!