Nag-iisip ka na ba kung saan kayo kakain ng iyong lover sa paparating na Valentine’s day? Ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga basic commodities, tiyak na marami sa atin ang nag-iisip o naghahanap ng makakainan na swak pa rin sa budget na mayroon tayo. Narito ang listahan ng mga affordable restaurant sa Metro Manila na perfect para sa inyong Valentine’s date!
Restaurant sa Metro Manila na affordable
Blackbird At The Nielson Tower
Isang aviation-themed restaurant ang Blackbird at the Nielson Tower. Matatagpuan ito sa Knightsbridge Residences, Century City, Makati. Ilan sa mga specialty ng restaurant sa Metro Manila na ito ay ang The Blackbird Burger, Dry Rubbed Wagyu Hanger Steak, at Burnt Butter Ice cream.
Ang small plate order sa nasabing restaurant ay pumapatak lamang ng 360 pesos hanggang 680 pesos. Habang ang main dishes naman ay nagkakahalaga ng 580-1080 pesos.
Larawan mula sa Pexels kuha ng Pixabay
Restaurant sa Metro Manila: The Nest Dining in The Sky
Kung romantic alfresco dining naman ang bet niyo, tiyak na magugustuhan niyo ang ambiance sa The Nest na matatagpuan sa Roofdeck ng Vivere Hotel sa Muntinlupa. Hindi lang excellent ang mga pagkain sa The Nest kilala rin ito sa magandang alfresco dining area kung saan tanaw ang Laguna de Bay. Ilan sa mga masasarap na pagkain sa restaurant na ito ay ang Beef Salpicao, Buffalo Chicken Wings, at Mango Salad with Scallops.
Mayroon ding Filipino favorites dishes sa The Nest Dining tulad ng Sinigang. Ang the best pa rito, puwede kang mamili kung anong klaseng sinigang ang gusto mo. Mayroong Sinigang na baboy, hipon, salmon, o baka. Nagkakahalaga naman ng 290 hanggang 2000 pesos ang mga pagkain sa The Nest.
Bellini’s Italian Restaurant
Aesthetic kung aesthetic! Kung Instagrammable na resto ang hanap, matutuwa ka sa Bellini’s sa Cubao Expo, 3 General Romulo Ave, Cubao, Quezon City.
Bukod sa masarap na Italian cuisine ay iconic ang restaurant na ito dahil sa mural at wine display nito. Umaabot lamang ng 260 hanggang 590 pesos ang mga pagkain sa Bellini’s Italian Restaurant.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Chan Walrus
Restaurant sa Metro Manila: Hanamaruken Ramen
May tatlong branches ang Hanamaruken Ramen na matatagpuan sa The Grove Rockwell, Trinoma Mall, at Alabang Town Center. Kung Japanese ang magpapasaya sa inyo ng partner mo, tiyak na ma-eenjoy niyo ang pagkain sa Hanamaruken Ramen. Tiyak na masasarapan ka sa Gyoza, Happiness Ramen, at Tan Tan Mien ng restaurant na ito.
Dagdag pa rito, masasabi ring Instagrammable ang rustic vibe ng restaurant na mayroong wooden tables at low-light setting.
P276 ang presyo ng Gyoza, habang ang mga ramen ay nagkakahalaga ng P455 hanggang P667 depensa sa uri ng ramen. Samantala ang mga rice meal naman sa Hanamaruken Ramen ay nagkakalahaga naman ng P320 hanggang P449.
Restaurant sa Metro Manila: La Chinesca
Kung Mexican food ang cravings niyo, puwedeng-puwede niyong subukan ang mga pagkain sa La Chinesca. Matatagpuan ang restaurant na ito sa 248 Aguirre Avenue, BF Homes, Paranaque City. Budget friendly ang mga pagkain sa nasabing restaurant. Nagkakahalaga lamang ng P180 hanggang P745 ang mga pagkain dito.
Hole in the Wall
Isang curated food hall ang Hole in the Wall na matatagpuan sa 4th floor ng Century City Mall sa Makati. Marami kang pagpipiliang pagkain na murang-mura at abot-kaya.
Makabibili rito ng Bad Bird’s Umami Chicken, Famry’s Dumplings, at Scout Honor’s Craft Cookies, at marami pang iba. Ayon sa Money Max, hindi lang ito tipikal na food hall dahil bukod sa Instagrammable din ang interior ng kainan na ito, tanaw na tanaw din ang buong Makati City mula rito.
Larawan mula sa Pexels kuha ng Kaboompics
Papermoon
Kung pasta at pizza ang gusto niyong kainin ng iyong significant other, punta na sa Papermoon sa Valentine’s day. Isa itong classic Italian restaurant na matatagpuan sa Knightsbridge Residences, sa Makati City. Ilan sa mga signature food sa nasabing restaurant na ito sa Metro Manila ay ang Eggplant Parmigiana, Pollo Rollatina, at Fettunice Bolognese. Bukod pa rito, tanaw din ang view ng Makati mula sa Papermoon restaurant.
12/10
Romantic dinner sa romantic place na may romantic history? Saktong-sakto ‘yan sa 12/10 restaurant na hango sa anniversary date ng founder ng restaurant na ito.
Seafood dishes naman ang inihahain sa restaurant na ito. Kaya kung seafood lover kayo ng iyong partner, tamang-tama ang 12/10 na dating place para sa inyo. Subukan ang Raw Tuna Salad, Katsu Sando, at Salmon Kushiyaki ng 12/10 ngayong Valentine’s day.
Ilan lamang ito sa mga restaurant sa Metro Manila na magandang puntahan ngayong Valentine’s day. Budget-friendly na, Instagrammable pa. Pero tandaan din, Mommy o daddy, hindi mo dapat na i-pressure ang iyong sarili. Lalo na kung tight talaga ang budget ng pamilya ngayon. Puwede pa rin namang mag-celebrate ng espesyal na araw ng mga puso sa mga simpleng paraan. Ang importante nagmamahalan ang buong pamilya.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!