Dating beauty queen at aktres na si Ruffa Gutierrez inirereklamo ng dalawa niyang kasambahay dahil umano sa backwage at ilan pang issue.
Mababasa dito ang mga sumusunod:
- Reklamo ng mga kasambahay ni Ruffa Gutierrez
- Ano ang kasambahay law?
Reklamo ng mga kasambahay ni Ruffa Gutierrez
Larawan mula sa Instagram account ni Ruffa Gutierrez
Nalalapit ng maipalabas ang pelikulang tungkol sa maid na pagbibidahan ng dating beauty queen turned actress na si Ruffa Gutierrez. Pero bago pa man ang release ng kaniyang pelikula, si Ruffa nahaharapap sa reklamo ng dalawa niyang maids. Ang mga ito, pinaalis daw ng aktres sa kanilang bahay ng hindi pinasusweldo.
Ang isyung ito ay unang inilabas ni P3PWD Rep. Rowena Guanzon noong July 7 nitong taon sa kaniyang Twitter account. Ayon kay Guanzon, may dalawang kasambahay ang humingi ng tulong sa kaniyang kaibigan. Ito ay matapos silang palayasin sa isang first class village na pinagtratrabahuan nila. Ang mga ito hindi rin daw pinasahod ng kanilang amo.
“My friend has to rescue two household helpers who were thrown out of a first class village by their employers without paying their salaries.”
Ito ang post noon ni Guanzon sa Twitter tungkol sa isyu na hindi pinangalanan ang amo na nagpalayas diumano ng kaniyang kasambahay.
Kinabukasan ay muling nag-tweet si Guanzon at itinag na si Ruffa Gutierrez na siyang amo daw ng dalawang kasambahay na nagrereklamo.
Si Ruffa ay nag-reply sa post na ito ni Guanzon at sinabing hindi ito totoo.
Sabi pa ni Ruffa, dalawang linggo pa lang daw namamasukan sa kanilang bahay ang dalawang kasambahay. Pero ang mga ito daw ay nagkaroon ng alitan sa kanilang matagal ng mayordoma kaya kinailangan niya itong paalisin.
“Hello Ms. Guanzon, No it’s not true. The 2 new kasambahays who have been in our household for only around 2 weeks were fighting our 68-year old senior mayordoma (who has been under my care for more than 18 years).”
Ito ang sabi pa ni Ruffa sa isang tweet.
Samantala, sa kaniyang Twitter account ay nagbigay ng dagdag na impormasyon si Guanzon tungkol sa dalawang kasambahay na pinalayas diumano ni Ruffa Gutierrez. Ang mga ito ay kapwa mula daw sa Negros Occidental.
At sila ay nakapagreklamo na sa The National Labor Relations Commission o NLRC. Kalakip ng post ni Guanzon ay ang kopya ng Notice of Conference na pinadala kay Ruffa Gutierrez para makipag-ayos sa mga kasambahay at harapin ang kanilang reklamo.
Ang kampo ni Ruffa ay wala pang statement sa labor complaint na ihinain ng dalawa niyang dating kasambahay.
Ano ang Kasambahay law
Para sa mga kasong tulad ng naranasan diumano ng mga kasambahay ng aktres na si Ruffa Gutierrez ay may batas na pumoprotekta sa karapatan nila. Ito ay ang Kasambahay Law o Republic Act No. 10361.
Ito ay isang panlipunang batas na kumikilala sa karapatan ng mga kasambahay nang kahalintulad ng mga nasa pormal na sektor. Nilagdaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang nasabing batas noong January 18, 2013.
Sa Kasambahay Law o kilala rin sa tawag na Batas Kasambahay, binibigyan ng respeto at proteksyon ang ginagawang serbisyo ng mga domestic workers. Sinisiguro rin na ang kanilang karapatang pantao ay hindi naaabuso at naibibigay ang tama nilang sweldo at iba pang benepisyo sa ginagawang pagtratrabaho.
Sakop ng batas na ito ang mga sumusunod:
- Yaya
- Tagaluto o cook
- Gardener
- Labandera o namamalantsa
- Kasambahay na bata na may edad na labing-lima (15) hanggang labing-walong (18) taong gulang.
- Sinumang may kinalaman sa gawaing bahay na regular at palagiang niyang ginagawa.
Hindi naman nasasakop ng batas na ito ang mga service providers at family drivers. Pati na ang mga batang inampon sa pamamagitan ng family arrangement o ang mga taong nagseserbisyo lang sa isang bahay kung minsan o kinakailangan.
Maliban sa pagbibigay ng tamang sweldo at benepisyo, ay nakasaad rin sa Kasambahay law ang pay o bayad na dapat nilang matanggap sa oras na sila ay biglang maalis sa trabaho.
May separation pay ba ang mga kasambahay?
Base sa batas, ang mga kasambahay ay hindi entitled sa separation pay. Maliban nalang kung ito ay nakapaloob sa napagkasunduan na kontrata ng kanilang employer. Ngunit sa oras naman na masisante o matigil ang serbisyo ng kasambahay nang walang dahilan ay makakatanggap siya ng bayad na katumbas ng 15 araw niyang kita o kalahating buwang sahod.
Kung ang kasambahay naman ang bigla o kusang umalis mula sa kaniyang trabaho, siya ay hindi entitled sa kabayarang ito. Ngunit dapat niya paring makuha ang kaniyang huling sweldo pati na ang naipon niyang 13th month pay benefit.
Kapag natapos na ang serbisyo ng kasambahay, maaari siyang humingi sa kaniyang employer ng employment certification. Kailangan itong ibigay ng employer limang araw mula nang mag-request ang kasambahay. Dapat na nakasaad sa certificate kung ano ang mga trabaho ng kasambahay. Pati na kung gaano katagal ang ginawang serbisyo, at ang work performance nito.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!