Sa usapang pre-nuptial photos, ang trending o in sa makabago at modernong panahon ngayon ay pabonggahan ng pre-nup—magmula sa konsepto, sa venue, sa kasuotan, at kung ano pa. Pero mayroong pre-nup photos na bukod tanging nakapukaw ng atensyon ng mga netizens sapagkat ipinakita nito na ang kakaibang konseptong sa hirap at ginhawa.
Viral pre-nup photo-post
Sa pre-nup photo-post ni Chuck Shots studios ng magsing-irog na sina Jocjoc Avellano at Mhajoy Marabe noong ika-27 ng Mayo, sinabi niya sa kanyang caption, “We promise each other’s acceptance of flaws, here’s our love through life’s simplest forms. For better and for worst. We have us.”
Nag-viral ang post ng magkasintahan dahil sa konsepto nitong nagpapakita na sa hirap at ginhawa puwedeng maging maligaya ang mag-asawa basta’t magkasama.
Ipinakita nina Jocjoc at Mhajoy sa kanilang mga larawan ang mga araw-araw na buhay ng isang mag-asawa tulad na nga lamang ng pagluluto, paglilinis, paglalaba, kahit na ang pagkukulitan. Ang konsepto ay ipinakita na sa bawat araw ng mag-asawa payak man o magara, magkaagapay dapat sa lahat at nagtutulungan.
Ani Believer Chucks, “Kaya ko naisip yung concept na yun, gusto ko lang iparating thru photos yung buhay ng mag-asawa after ng kasal—kung ano ang mga gagawin nila in real life.”
Dagdag pa niya, “Naisip ko lang gumawa ng concept na kakaiba naman. Yung hindi pa-sosyalan, yung makatotohanan naman.”
Dahil nga sa nag-viral na pre-nup photos na pinost niya sa kanyang page na Chuck Shots, nacha-challenge na di-umano si Believer Chucks sa pag-iisip ng iba’t-iba pang mga konsepto sa kanyang mga future pre-wedding shoots.
Ngayon nga’y mayroon na itong mahigit na 22K na like reactions, 3.5K na comments, at 14K shares mula sa mga netizens.
Pagkahilig sa photography
Ayon kay Believer Chucks, ang photographer sa likod ng nag-viral na pre-nup photos, four years na di-umano siya sa photography business at ngayon lamang nga siya nakatanggap ng ganitong rekognisyon mula sa mga tao.
Kuwento nga niya, “Nag-start ako mag-take ng pictures sa mga activities ng school, nung teacher pa ako. Hanggang sa kinasal yung co-teacher ko.”
“Ako ang kumuha. Dun nagsimula na nag-enjoy akong mag-picture sa events. Every Saturday lang dati kapag walang pasok. Hanggang sa nag-full-time na ako ngayon sa photography,” pahayag niya.
Basahin: Couple ikinasal pa rin kahit sinira ng Typhoon Ompong ang venue
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!