Hindi na bago sa Pilipinas ang nasasalanta ng bagyo at baha. Kung tutuusin, sanay na sanay na nga ang mga Pilipino sa mga ganitong pangyayari. Ngunit paano na ang mga bata at sanggol na hindi kayang alagaan ang kanilang mga sarili? Ito na nga ang nangyari sa Pioduran, Albay kung saan isang sanggol nalunod sa baha, matapos siyang mahulog sa butas sa sahig ng kanilang tahanan. Alamin ang pangyayari sa aming Ompong update.
Ompong update: Sanggol nalunod sa baha!
Nangyari ang kalunos-lunos na insidente sa kasagsagan ng bagyong Ompong. Bumabaha raw sa kanilang lugar, at mahimbing na natutulog ang pamilya ng sanggol nang mangyari ang insidente.
Ayon sa kaniyang ina, nagulat siya nang gumising siya at nawawala ang kaniyang sanggol na si baby Chrissa Porteria. Nanlumo siya nang matagpuan ang kaniyang anak na palutang-lutang sa binahang bakuran ng kanilang bahay.
Nangyari ang trahedya habang nagsisilikas at naghahandang lumikas ang mga tao sa paparating na bagyo.
Ilang araw nang bumabaha sa Albay kaya’t binaha ang lugar bago pa man sila masalanta ng buong hagupit ng bagyo.
Sa pinakabagong Ompong update, ang kasalukuyang death toll matapos ng bagyo ay nasa 65, sa huling ulat ng PNP.
Unahin ang kaligtasan ng iyong anak
Sobrang nakakalungkot ang nangyari sa sanggol. Aksidente man ang nangyari, mas mabuti sana kung nakapag-ingat ang kaniyang mga magulang.
Kaya’t heto ang ilang mahahalagang tips upang masiguradong palaging ligtas ang iyong anak:
- Kapag natutulog ang iyong anak, siguraduhin na hindi sila mahuhulog, o gugulong sa kama. Mas mainam kung patulugin sila sa isang crib.
- Kung maglalaro sila sa inyong tahanan, siguraduhing ilayo sa kanila ang mga bagay na puwedeng makasakit sa kanila.
- Ugaliing inspeksiyonin ang inyong tahanan at ipaayos ang mga dapat ipaayos na posibleng maging sanhi ng aksidente.
- Kapag binabaha ang inyong lugar, mas mainam na lumikas agad-agad kapag nagpadala na ng babala ang gobyerno.
- Bantayang mabuti ang iyong anak, lalo na kung sila ay natutulog. Mabuti ring umiwas na tabihan sila kapag natutulog, dahil posible itong maging sanhi ng SIDS.
Source: GMA News
Basahin: Bride kinasal sa gitna ng bagyo at baha