Hindi makapaniwala ang mga magulang ng sanggol na kinilalang si baby Lucas Dwayne, nang pumanaw ang kanilang anak nang biglaan. Patay sa heatstroke ang sanggol sa General Emilio Aguinaldo, Cavite.
6 na buwang gulang na sanggol patay sa heatstroke
Labis ang dalamhati ni mommy Hanna Bilugan at ng kaniyang asawa sa sinapit ng kanilang baby. Patay sa heatstroke ang kanilang anim na buwang gulang na sanggol noong April 20.
Kwento ni mommy Hanna, pinatulog niya ang anak at saglit lang na iniwan para siya ay maligo. Laking gulat niya nang pagbalik mula sa paliligo ay naabutan niyang namumutla na ang kaniyang baby.
Makikita nga sa video na ibinahagi ng ina ni baby Lucas na nakanganga at namumutla ang mukha ng bata.
Agad din naman daw nilang isinugod sa ospital ang anak ngunit idineklara din itong dead on arrival.
“’Pag tinintingnan ko po ‘yung bawat sulok ng bahay naaalala ko po sya. Sobrang hirap po mawalan ng anak. Wala naman po siyang sakit kahit ano. Simula po noong pinanganak ko siya, bago po kami lumabas sa ospital nagpa-newborn screening po kami,” saad ni mommy Hanna sa interview sa kaniya ng News 5.
Kinumpirma ng doktor na tumingin kay baby Lucas na heatstroke nga ang ikinamatay ng bata.
“Sabi po nong doktor, pangatlong baby na raw po ‘yung dinadala roon na na-heatstroke.”
Naitalang kaso ng heatstroke sa bansa umakyat na ng 77
Ayon sa datos ng Deparment of Health, umabot na umano sa 77 kaso ng heatstroke ang naitala mula January 1 hanggang April 29, 2024. At 67 sa mga biktima ay nasa edad na 12 hanggang 21 taong gulang.
Kasalukuyang nakararanas ng matinding init ng panahon ang bansa na lalo pang pinatindi ng El Niño. Karamihan sa mga lugar sa bansa ay nakararanas ng heat index o damang init na umaabot ng dangerous level. At nagbigay babala na rin ang PAGASA, na asahang tatagal ang matinding tag-init hanggang sa Mayo.
Kaya naman, paalala ng mga eksperto na huwag masyadong mag-expose sa direct sunlight mula alas-10 hanggang alas-4 ng hapon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!