Isang larawan ng sanggol na nakahiga sa isang batya ang nag-viral ngayon sa social media. Ayon sa nagbahagi ng larawan ng sanggol sa batya, anak raw ito ng tenant niya, at matapos mag-viral ay bumuhos ang tulong at suporta para sa ina.
Sanggol sa batya, nag-viral sa social media
Kuwento ng kumuha ng larawan, na si Dexter Cainap, nakita raw niya ang mag-ina nang ituro ito ng kaniyang bayaw. Ayon kay Dexter, “Naisip ko dun sa picture, ang hirap pag walang katuwang sa pag-aalaga.”
Dahil dito, naisipan niyang ibahagi ang larawan sa social media, na mabilis nag-viral.
Ayon naman sa ina ng sanggol, na si Joanna Mae Andres, nagawa niya ito dahil wala raw siyang mapag-iwanan ng kaniyang anak.
“Tama lang po yung ginawa ko kasi safety po iyan nung baby ko. Ayaw ko po siyang iwan kung saan.” Dagdag pa niya, ito rin daw ay para makaiwas na mahulog sa hagdan ang bata, o kaya ay makalmot raw ng pusa.
“At least nakikita ko po siya. Nababantayan ko po kahit may ginagawa ako,” aniya.
Hindi rin siya magawang tulungan ng ama ng bata
Ayon sa ama ng bata, na si Charles, gustuhin man raw niyang tumulong ay hindi niya ito magawa. Ito ay dahil isa siyang construction worker, at madalas ay kailangan mag-overtime para kumita ng sapat sa pamilya.
Kuwento pa ng mga magulang ng bata na wala raw silang pera para kumuha ng kasambahay. Ito ang dahilan kung bakit nagawa ni Joanna na ihiga una sa isang batya ang kaniyang anak.
Matapos mag-viral ang letrato ay sinabi ni Dexter kay Joanna na siya ang kumuha ng larawan at nag-post nito sa Facebook. Dagdag pa ni Dexter, pinost raw niya ang larawan sa Facebook dahil rin daw naawa siya sa bata. Ngunit aniya, mabuti na raw ang ginawa ni Joanna dahil sinigurado raw niyang nababantayang mabuti ang kaniyang anak.
Sa kabutihang palad, maraming mga netizens ang naantig sa larawan, at nagbigay ng tulong sa mag-ina.
Nakatanggap raw sila ng mga groceries, stroller, damit, at higaan para sa kanilang anak. Lubos ang naging pasasalamat ni Joanna sa mga taong nagbigay ng tulong, at masaya raw siya na maraming mabuting-loob ang nag-donate sa kanila ng mga gamit ng sanggol.
Source: GMA News
READ: 14-buwang gulang na sanggol, nalunod sa timba