Napakahalaga para sa ating lahat ang ating kalusugan. At lalong-lalo na para sa mga magulang, dahil kailangan nilang maging malusog at malakas upang maalagaan ang kanilang mga anak. Ngunit sino ba ang mag-aakala na ang simpleng pagkain ng hotdog, na madalas nating almusal, ay posibleng maging sanhi ng breast cancer?
Ito raw ay ayon sa resulta ng isinagawang pag-aaral tungkol sa epekto ng pagkain ng processed meat, kabilang na ang hotdog, bacon, atbp. Alamin kung paano maiiwasan ang breast cancer!
Paano naging sanhi ng breast cancer ang pagkain ng hotdog?
Ang sanhi ng breast cancer ay dahil na rin sa unhealthy diet. Madalas nakakakita tayo ng mga balita na nagsasabing ang mga paborito nating pagkain ay nagiging sanhi ng cancer. May iba pa ngang mga tao na nagbibiro na kahit anong kainin mo, ay magkakaroon ka ng kanser.
Mga pagkain na bawal sa may cancer | Image from Unsplash
Ngunit kung tutuusin, iba na din ang kinakain ng mga tao sa panahon ngayon kumpara sa mga pagkain noong panahon ng mga ninuno natin. Ngayon mas uso na ang instant o ready-to-eat na pagkain. Dati rati, palaging sariwa at mas natural ang mga kinakain ng tao.
Ayon sa isinagawang pag-aaral, ang mga babaeng madalas kumain ng processed meat ay nadadagdagan ng 9% ang panganib ng breast cancer. Kabilang sa processed meat ang hotdog, bacon, ham, salami atbp.
Posible daw na ginagawang carcinogenic, o sanhi ng cancer ng preservatives ang protein sa karne.
Bagama’t kailangan pa ng karagdagang pag-aaral tungkol dito, sabi ng mga researcher na mabuti pa rin na magbawas sa pagkain ng processed meat.
Mga pagkain na bawal sa may cancer | Image from Freepik
Dapat bang hindi na kumain ng processed meat?
Bagama’t posibleng maging sanhi ng breast cancer ang pagkain ng processed meat, hindi naman nito ibig sabihin na huwag nang kumain nito.
Ayon kay Dr Maryam Farvid, na leader ng pag-aaral, kailangan lang daw magbawas ng kinakaing karne. Sapat na raw ang pagkain ng 70g ng processed at red meat sa isang araw. Para sa paghahambing, ang 70g ay katumbas halos ng isa’t-kalahating hotdog.
Mas mainam na dagdagan ng gulay, prutas, at fiber ang ating mga kinakain araw-araw sa halip na kumain ng maraming karne. Ugaliin din ang mag-ehersisyo upang lumakas ang katawan.
Ano ba ang pangunahing sanhi ng breast cancer?
Hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw ang sanhi ng breast cancer. Ito ay dahil hindi simpleng sakit ang cancer. Hindi madaling malaman kung sino ba ang magkakaroon ng cancer, at madalas nagagamot lang ito kapag nariyan na ang sakit.
Ngunit para sa mga kababaihan, importanteng malaman ang tinatawag na risk factors sa breast cancer. Ito ay upang maprotektahan nila ang kanilang mga sarili, at makapaghanda sila sa posibilidad ng cancer.
Paano maiiwasan ang breast cancer | Image from Freepik
Heto ang mga risk factors ng breast cancer:
- Pagsisimula ng menopause, o pagiging edad 50 pataas.
- Namamana sa kamag-anak, tulad ng ina, lola, o tiyahin.
- Maagang menstruation.
- Pagkakaroon ng malaking dibdib.
- History ng breast cancer sa pamilya.
- Kawalan ng physical activity.
- Pag-inom ng alak.
- Pagkakaroon ng mabigat na timbang.
Paano maiiwasan ang breast cancer?
Bagama’t may mga risk factors na wala sa ating kontrol, ang iba naman dito ay magagawan ng paraan. Kaya’t importanteng habang malusog pa at malakas, gawin mo na ang iyong makakaya upang makaiwas at mapababa ang panganib ng breast cancer.
Nakakatulong rin ang pagkuha ng mammogram upang malaman kung may mga bukol sa iyong dibdib na posibleng maging cancer. Tandaan, kapag mas maagang nahanap ang cancer, ay mas madali itong maaagapan at magagamot. Maging disiplinado at ugaliin ang healthy lifestyle para hindi maranasan ang sanhi ng breast cancer.
Source: BBC
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!