Walang pagsasamang hindi nagkakaroon ng problema. Pero paano kung pwede mo namang iwasan? Narito ang ilang sanhi ng pag-aaway ng mag-asawa at kung anong pwede mong gawin para maiwasan ito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga sanhi ng pag-aaway ng mag-asawa
- Paano mapapagaan ang relasyon ng mag-asawa?
“Ginagalit mo na naman ako!” Nasabi mo na ba ito, o nasabi na ba sa iyo ito ng asawa mo? Kung matagal na kayong nagsasama, marahil ay oo.
Normal sa mga mag-asawa na hindi magkaintindihan o kaya ay magkatampuhan paminsan-minsan. Parte ito ng mga pagsubok na pinagdaraanan ng mga taong nasa relasyon.
Maaaring iba na ang mga pinag-aawayan niyo bago kayo ikasal kaysa ngayon na mayroon na kayong binubuong pamilya. Marahil ay naging mas kumplikado na rin ang mga bagay sa dami ng inaalala (pag-aalaga ng mga bata, budget, trabaho, mga biyenan).
Mga sanhi ng pag-aaway ng mag-asawa
Bahagi na ng buhay mag-asawa ang mga tampuhan, pero kung halos araw-araw kayong nagbabangayan, maaaring mayroong mga bagay na hindi tuluyang nareresolbahan at mga isyung paulit-ulit sa inyong pagsasama.
Sa isang pag-aaral noong 2019, tiningnan ang mga karaniwang paksa na pinagtatalunan ng mag-asawa, at napag-alaman na kadalasan, umiikot ito sa anim na bagay:
-
Kakulangan ng atensyon sa isa’t isa
-
Pagseselos at pagtataksil
-
Mga gawain at responsibilidad
-
Sex
-
Pangingibabaw o pagkontrol sa isa’t isa
-
Pera at mga plano para sa hinaharap
Larawan mula sa Freepik
Napakarami talagang maaaring pagsimulan ng alitan ng mag-asawa. Pero alam mo ba, kadalasan ay hindi talaga ang paksa ang problema kundi ang iyong mga nagagawa o pakikitungo sa iyong kabiyak?
Narito ang ilang bagay na maaring nagagawa mo na nagiging sanhi ng pag-aaway ng mag-asawa:
-
Lagi mong pinupuna ang iyong asawa
Paniguradong mayroong ugali ang asawa mo na naging dahilan para mapamahal siya sa ‘yo. Pero minsan, nakakalimutan na natin kung bakit natin sila pinakasalan at naka-focus ang ating atensyon sa mga nagagawa nilang mali.
Dala na rin siguro ng stress sa dami ng mga iniisip at responsibilidad, pero maaaring maglagay ng lamat ang ganitong pag-uugali sa inyong relasyon. Maaari rin itong makaapekto sa self-esteem sa iyong kabiyak.
Gayundin, kapag lagi kang pinupulaan o pinupuna, ang una mong reaksyon ay maging defensive at ipagtanggol ang iyong sarili.
-
Ang iyong kinikilos o tono ng iyong boses na nakakagalit sa iyong asawa
Dahil kilalang-kilala niyo na ang isa’t isa, alam mo na kung ano ang mga bagay na kinaiinisan ng iyong asawa. Maaaring mayroon kang ginagawa na para sa kaniya ay hindi maganda o nakakairita.
Maging ito man ay salita na alam mong makakasakit sa damdamin niya (“Ang arte mo naman,” “Hindi ka ba nag-iisip?”), o maging tono lang ng iyong boses o ekspresyon ng iyong mukha (nagbubuntong hininga o kaya tumataas ang kilay), maaari itong magsimula ng away sa inyong mag-asawa, sinasadya mo mang gawin at sabihin ito o hindi.
Kung minsan, mayroong ginagawa ang ating asawa na bagamat maganda ang kanilang intensyon, ay nakakagalit sa ‘tin dahil may mas malalim na isyu mula sa nakaraan, o kaya pinapaalala nito ang ating kahinaan.
Halimbawa, maaaring iniisip mo na kaya ka laging pinapaalalahanan ng iyong asawa na kumain ng maigi o ng mga bagay na dapat mong gawin ay dahil sa tingin niya, hindi mo kaya. Pero ang totoo, gusto lang niyang maramdaman mo na inaalagaan ka niya.
O kaya kung gusto mong makatulong kay mister sa mga gastusin, pero maaapakan pala ang kaniyang pride at iisipin niyang, “Sa tingin niya, hindi ko kayang suportahan ang pamilya ko.”
Maaaring maging defensive ang ating pakikitungo sa ating kabiyak kapag pakiramdam natin ay inaatake tayo o nakikita ang ating mga kahinaan.
-
Nagkikimkim ng sama ng loob
Minsan, dahil sa iniiwasan mong makipagtalo, sinasarili mo na lang ang iyong emosyon at itinatago ang sama ng loob sa asawa. Biglang mananahimik sa isang tabi habang hinahayaan ang iyong kabiyak na hulaan kung anong nararamdaman mo.
Pero hindi rin ito makakatulong sa inyong pagsasama dahil hindi nalalaman ng kabilang panig kung anong nagawa niyang hindi mo nagustuhan, at kapag napuno ka na, baka bigla ka na lang sumabog at magbitaw ng mga salita, o gumawa ng mga bagay na pagsisisihan mo.
-
Hindi binibigyan ng sapat na oras at atensyon ang isa’t isa
Naiinis ka ba kapag nasa harap na naman ng cellphone ang iyong asawa sa halip na makipag-usap sa iyo? O nagagalit ba si mister kapag natutulog ka na pagkatapos mong patulugin ang mga bata?
May kasabihang “Love is spelled as T-I-M-E.” Napakaimportante para sa mag-asawa na magbigay ng oras at atensyon sa isa’t isa para manatiling konektado. Kapag nawala ito, maaaring makaramdam ang iyong asawa na hindi na siya importante sa iyo, o kaya gagawa siya ng mga bagay na makakakuha ng iyong pansin.
Larawan mula sa Freepik
-
Parang hindi mo nakikita ang sakripisyo ng iyong asawa
Isa sa mga masaklap na dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawa ay ang pag-aaway tungkol sa pera. Napakahirap kumita ng pera, at mahirap ding i-budget ito para sa pangangailangan ng buong pamilya.
Pero kadalasan, hindi talaga ang pera ang problema kundi ang pakiramdam ng isang panig na wala siyang katuwang sa bigat na pinapasan niya.
Maaaring magalit si mister kapag nakita niyang nag-online shopping ka na naman, pero ang totoo, naiisip niya kung gaano kahirap magtrabaho para sa pamilya.
Maaaring naiinis din si misis kapag maliit ang suweldo ni mister, pero ang totoong isyu ay nahihirapan siya na pagkasyahin ito at wala siyang magawa para makatulong.
-
Nilalagay mo ang ibang tao sa gitna ng inyong pagsasama
“Two’s a party, three’s a crowd,” ika nga. Ang tao sa inyong relasyon ay dapat kayong mag-asawa lang at wala nang iba. Kapag naramdaman ng iyong kabiyak na mas naniniwala ka sa sinasabi ng iyong magulang o kapatid, o kaya naman nagbibigay ka ng masyadong maraming oras sa iyong kaibigan, maaaring magsimula ito ng tampuhan sa inyong pagsasama.
BASAHIN:
5 dapat gawin para hindi makaapekto ang pagkakaiba ng ugali ng mag-asawa sa pagsasama
7 bedtime routines para mas mag-grow at tumibay ang relasyon niyong mag-asawa
Mga dapat pag-usapan ng mag-asawa tungkol sa pagtatalik
Paano mapapagaan ang relasyon ng mag-asawa?
Kung laging nag-aaway ang mag-asawa, maaaring magkaroon din ito ng masamang epekto sa inyong anak. Kapag hindi agad nasolusyunan, maaari itong humantong sa hiwalayan at pagkasira ng pamilya.
Pero mayroon bang paraan para maiwasan ang madalas na pagtatalo? Ang sagot, OO. Narito ang ilang paraan para mabawasan ang pag-aaway at magpatibay ng pagsasama ng mag-asawa:
-
Magkaroon ng madalas at matapat na pag-uusap
Importante sa mag-asawa ang magkaroon ng open communication. Huwag magkimkim ng sama ng loob at huwag ding isipin na alam lagi ng iyong partner ang iyong iniisip o nararamdaman. Laging ibahagi ang iyong nararamdaman sa iyong asawa – maganda man ito o hindi.
Kapag mayroong problema, pag-usapan ito ng maayos at iwasang humantong sa sigawan at sisihan.
-
Alamin ang love language ng iyong asawa
Naranasan mo na bang bigyan ng isang regalo ang iyong asawa pero hindi niya masyadong nagustuhan ito, dahil ang gusto lang pala niya ay magkaroon kayo ng oras para sa isa’t isa?
Ayon sa New York Times best seller na librong The Five Love Languages ni Dr. Gary Chapman, bawat isang tao ay may sariling paraan na gusto nilang makatanggap ng pagmamahal – tinatawag itong love language. Mayroong 5 love languages ang mga tao: quality time, physical touch, words of affirmation, acts of service at receiving gifts.
Kapag alam mo kung ano ang love language ng iyong asawa, malalaman mo kung ano ang pinakamagandang paraan para maiparamdam ang iyong pagmamahal sa kaniya. Kung nararamdaman niya na minamahal siya, mas gagaan ang pakikitungo niya sa’yo.
-
Maging mapagbigay sa papuri at bawasan ang pagpuna
Sa halip na laging punahin ang mga maling nagawa niya, purihin ang iyong asawa sa mga bagay na nagagawa niya ng tama.
Hindi naman ibig sabihin nito na hindi mo na sasabihin sa iyong asawa kung may napansin kang hindi maganda sa kaniyang ginagawa.
Bakit hindi mo subukan ang “Sandwich Approach?” Isa itong paraan ng pakikipag-usap kung saan uunahin mo ang pagpuri o pagsabi ng magagandang komento sa iyong kausap.
Susundan ito ng opinyon o kung ano sa tingin mo ang nagawang mali. Pagkatapos ay babalik ka sa pagpuri at palalakasin mo ang kaniyang loob na kaya pa niya itong pagbutihan sa susunod.
Larawan mula sa Freepik
-
Huwag mag-react agad-agad
Isang karaniwang sanhi ng pag-aaway ng mag-asawa ay kapag may nasabi kang bagay na hindi mo napag-isipan ng maayos, o nagbigay ka ng masamang reaksyon agad-agad.
Bago umabot sa pagtatalo, makakatulong na huminto, huminga at isipin munang mabuti ang iyong sasabihin. May mga bagay na hindi mo na mababalik kapag nasabi na, kaya iwasan ang pagsasalita ng masama lalo na kapag mataas ang iyong emosyon.
-
Laging maglaan ng oras sa isa’t isa
Sikaping magkaroon ng quality time sa isa’t isa. Mag-date kayo kahit saglit lang o kahit sa loob lang ng bahay. Hindi kailangang maging mahaba o mahal ang inyong date.
Ang importante ay i-enjoy niyo ang isa’t isa at makapag-usap kayo tungkol sa mga bagay na hindi niyo napag-uusapan sa loob ng isang araw.
Kung sinubukan na ang mga bagay na ito at hindi pa rin nababawasan ang pag-aaway niyo, maaaring kumonsulta kayo sa mga taong pinagkakatiwalaan niyong dalawa o kaya sa mga eksperto gaya ng marriage counselors.
Bagama’t mahirap ang buhay mag-asawa, alalahanin mo na may dahilan kung bakit mo pinasok ito, at kung bakit mo pinakasalan ang iyong kabiyak. Kung ito ang iisipin mo, maiiwasan ang mga negatibong nararamdaman at pakikitungo sa isa’t isa.
Source:
Psychology Toda
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!